Inday TrendingInday Trending
Tinataboy ng Ginang na Ito ang Pulubing Palaging Natutulog sa Tindahan Niya; Bakit Nga Ba Bumabalik pa Ito?

Tinataboy ng Ginang na Ito ang Pulubing Palaging Natutulog sa Tindahan Niya; Bakit Nga Ba Bumabalik pa Ito?

“Diyos ko! Ilang beses ko ba ipagsisigawan sa tainga mo na huwag ka sa tapat ng tindahan ko matulog! Nakakataboy ng swerte ‘yang amoy mo!” sigaw ni Aling Nena, isang umaga, sa pulubing muli na namang natulog sa tapat ng kaniyang tindahan.

“Ah, eh, pasensya na po, manang, dito na po ako inabutan ng antok ko kagabi,” uutal-utal nitong sagot matapos mabilis na mapabalikwas sa kaniyang pagsigaw.

“Nagdadahilan ka pa, eh, tuwing umaga naman, palagi kang narito sa tapat ng tindahan ko! Iyang amoy mo nga naiiwan dito sa tindahan ko kahit wala ka na! Umalis ka na rito!” bulyaw niya pa rito saka ito binuhusan ng isang basong tubig.

“Opo, aalis naman po ako,” tugon nito saka agad na inimis ang mga hinigaang maduming karton na kaniyang hinahawalis-walis, “Pwede po ba ako makahingi kahit isang biscuit at tubig? Nanlalambot na po kasi ako sa gutom,” dagdag pa nito na talagang ikinataas ng kaniyang kilay.

“Ayan na nga ba ang sinasabi ko! Umaasa kang papakainin kita kaya palagi ka narito sa tapat ng tindahan ko! Pwes, nagkakamali ka! Kahit mawalan ka ng hininga, hindi kita bibigyan ng pagkain! Alis na! Malas na pulubi!” malakas niyang sigaw dito saka ito inambaan ng walis tambong gamit dahilan para agad itong mapatakbo palayo.

Pinagtinginan man siya ng mga kapwa niya tindera, inirapan niya lang ang mga ito saka muling nagpatuloy sa pagwawalis.

May pwesto ang ginang na si Nena sa tapat ng isang unibersidad sa Maynila. Siya’y nagtitinda rito ng iba’t ibang klaseng pagkain katulad ng turon, ulam at kanin, at kung ano pa mang makukutkot na pasok sa bulsa ng mga estudyante roon.

Ang tindahang ito ang bumuhay sa kaniya ng halos isang dekada simula nang siya’y mangulila sa kaniyang asawa at siya’y iabandona ng kaniyang mga anak na pawang may magagandang buhay na ngayon.

Mapait man ang buhay na kinakaharap niya, hindi ito naging hadlang para hindi siya makipaglaban sa buhay at sa pamamagitan ng tindahang ito, kumikita na siya, nalilibang pa siya iba’t ibang klase ng estudyanteng bumili at kumakain sa tindahan niya na tinuturing niya na ring mga anak.

Kaya nga lang, tuwing bubuksan niya ang kaniyang tindahan, palaging may isang binatang pulubi ang natutulog sa tapat nito na labis niyang ikinagagalit dahilan para kung minsan, madala niya sa buong araw ang inis na kaniyang nararamdaman dito.

Palagi man niya itong tinataboy, sinisigawan, at pinapahiya, hindi niya mawari kung bakit patuloy pa rin itong bumabalik sa kaniyang tindahan.

“Ako ba ang paboritong kunsumihin ng pulubing iyon? Nakakabwisit!” sigaw niya pa ng araw na ‘yon.

“Baka naman po gusto niya lang protektahan ang tindahan niyo, Aling Nena,” sabat ng isa niyang suking estudyante, “Pabili po ako ng isang tapa at kanin,” dagdag pa nito.

“Anong ibig mong sabihin? Kinakampihan mo ba ang pulubing ‘yon, hija?” tanong niya rito habang hinahanda ang gusto nitong pagkain.

“Maghahating gabi na po kagabi nang matapos kami sa pagdidesenyo sa loob ng unibersidad, napadaan po ako rito at nakita kong may mga tambay na pilit na binubuksan ‘tong tindahan niyo. Bago pa po ako makahingi ng tulong, nakita ko pong itake na agad ng pulubing iyon ang mga kawatan. Napigilan niya naman po ang mga iyon, kaya lang, siya’y nabugbog maigi,” kwento nito na ikinalaki ng mga mata niya.

Pinakita pa ng dalagang ito ang nakuhanang bidyo na talagang nagbigay sa kaniya nang matinding pangongonsenya.

“Nakwento ko po ang pangyayaring iyon sa ilan sa mga kaklase ko, minsan daw po, nakikita nilang gising na gising ‘yon sa gabi para lang bantayan ang tindahan niyo,” dagdag pa nito na talagang ikinataba ng kaniyang puso.

Ito ang dahilan para kaniyang abangan ang pulubing iyon kinagabihan. Hinandaan niya ito nang masarap na pagkain, ilang pamalit na damit, at unan at kumot na pupwede nitong magamit.

Katulad ng inaasahan niya, dumating muli sa tindahan niya ang binatang iyon bandang alas onse ng gabi.

Agad itong tumakbo palayo nang siya’y makita dahilan para habulin niya pa ito at nang ito’y ngitian niya, agad itong lumapit sa kaniya.

Iniabot niya lahat ng hinanda niyang pagkain at gamit dito na tuwang-tuwa nitong tinanggap. Humingi rin siya ng tawad dito at nagpasalamat. Sabi niya pa, “Pwede ba na tulungan mo ako sa pagtitinda rito?” na agad naman nitong masayang sinang-ayunan.

Simula no’n, hindi na siya mag-isa sa buhay. Pakiwari niya, siya’y biglang nagkaroon ng isang masayang pamilya dahil sa pagiging makwela at masipag ng binatang iyon na talagang humakot pa ng sandamakmak na estudyanteng kumakain sa kanilang tindahan.

“Hindi ako nagkamali sa pag-ampon sa’yo, anak,” sabi niya rito na labis nitong ikinangiti.

Advertisement