Nakapulot ang Lalaki ng Pitakang Naglalaman ng P100,000, Wala Siyang Balak Ibalik Ito sa May-ari Hanggang sa Nalagay ang Buhay Niya sa Kapahamakan
Paluwas ng Maynila si Jose upang makipagsapalaran at maghanap ng trabaho. Siya lamang ang inaasahan ng kanyang dalawang nakakabatang kapatid at ang Nanay niya na rumaraket lang sa pagbebenta ng kakanin.
Malaki ang tiwala ni Jose na sa Maynila niya matatagpuan ang minimithing tagumpay para maiahon ang pamilya mula sa kahirapan.
“Yung wala pang bayad diyan!” malakas na sigaw ng konduktor ng bus habang pinapatunog ang mga panukling barya sa kanyang kamay.
“Ito po ang bayad ko, pakibaba lang po ako sa terminal sa Maynila”, ika ni Jose sa konduktor.
“Gaano ba katagal ang byahe natin?” tanong ni Jose sa konduktor.
“Mga nasa apat hanggang limang oras depende pa sa trapik sa bandang pier”. Hindi magkamayaw sa pananabik si Jose na makatapak sa Maynila, batid sa mukha niya ang magkahalong pangamba at pag-asa sa mga posibleng kahinatnan ng kanyang desisyon iwanan ang pamilya sa probinsya.
Ngunit nilalakasan niya ang kanyang loob at walang alintanang haharapin anumang trabaho ang makuha niya.
Nakaidlip si Jose sa kasagsagan ng byahe, maya-maya ay huminto ang bus upang magkarga ng gasolina, nakahanap ng pagkakataon si Jose upang bumili ng tubig at umihi sa banyo. Ngunit bago pa man makababa ng bus si Jose, may nakapa siyang itim at makapal na pitaka sa tabi ng kanyang kinauupuan.
Tumayo at tinanaw ni Jose ang mga kalapit na pasahero sa loob ng bus, hindi niya maalala kung meron ba siyang nakatabi sa kahabaan ng byahe, wala siyang maalala dahil nakahimbing siya ng tulog.
Dahan-dahang kinuha ni Jose ang pitaka, binuksan niya ito upang malaman kung sino ang may nag mamayari ngunit bigo siya dahil halos walang laman ang pitaka sa mga silid-silid na parte nito. Wala siyang makitang ID o anumang dokumento. Kumunot ang noo ni Jose at tila humahaba ang leeg sa pagtanaw sa paligid ng bus na tila bagang baka may biglang maghanap ng nawawalang pitaka.
Bumalik ang atensyon ni Jose sa pitaka napansin niya ang nakaumbok na parte ng pitaka, binuksan niya ang zipper at baka andun ang isa sa mga ID ng may-ari ng pitaka, laking gulat niya nang bumulatlat sa kanyang naglalakihang mata ang kumpol ng tig isang libong salapi.
“Diyos ko po,” bugtong hiningang bulong ni Jose sa sarili.
Nagtinginan ang mga katabing pasahero sa bus sa kinauupan ni Jose, sa tantsa ni Jose mga higit kumulang nasa isang daang libong piso ang halaga ng salapi na kanyang nakikita.
Biglang kinubli ni Jose ang itim na pitaka sa kanyang dalawang kamay at sinabi na sa mga katabing pasahero na nagulat lang siya dahil may ipis na gumapang sa kanyang braso kaya siya napasigaw.
Nakalimutan na ni Jose ang pumunta sa banyo at bumili ng maiinom, tila natulala ng mga ilang segundo si Jose ang daming bagay ang tumatakbo sa kanyang isipan. Halos nakabalik na ang lahat ng pasahero sa loob ng bus at sumisigaw na ang konduktor na aalis na ito.
Tumayo na si Jose at balak na niyang kausapin ang konduktor tungkol sa pitakang kanyang natagpuan,
“Manong, may napansin ba kayong nakatabi ko sa upuan ko bago tayo huminto dito?” marahang tanong ni Jose.
“Wala akong napansin, bakit sir may problema ba?” ika ng konduktor.
“Ah, wala naman akala ko kasi may nakatabi ako.” Sa loob-loob ni Jose ay para na siyang nanalo sa lotto at mukhang wala nang aangkin sa itim na pitaka. Ngunit parang di mapalagay ang loob ni Jose at kinakatok siya ng kanyang konsensya.
Habang dahan-dahang umaandar na ang bus paalis ng gasolinahan, isang lalake ang natanaw ni Jose na tumatakbo papalapit sa bus at tila ba ito ay pinapahinto ang bus sa pagkampay ng kanyang mga kamay. Maganda ang pangangatawan ng lalake, gwapo at kalbo, ngunit si Jose lamang ang nakakita sa kanya.
Naisip ni Jose “Siya kaya ang may-ari ng pitaka? Hindi na mapalagay ang isip ni Jose. Gusto ni Jose na ipahinto ang bus pero parang gusto na lang din niyang hayaan ang kawawang lalaki na humahabol sa bus. Nagtatalo ang isip ni Jose, napapakagat siya sa kanyang labi habang hindi mapakali sa kanyang kinatatayuan.
“Sir maupo na po kayo at ilang oras na lang ay darating na tayo ng Maynila,” bungad ng drayber. Habang mahigpit na kapit ni Jose ang pitaka at dahan-dahan siyang nakatanaw sa bintana kung saan kitang-kita pa rin niya ang paghabol ng matandang lalake, ngunit binalewala na lang niya ito
“Swerte ko na ito, kung hindi ba naman siya tatanga-tanga, dapat iningatan niya ng mabuti ang pitaka niya.”
Akin na ito!!! bulong niya sa kanyang sarili, talagang nanindigan na si Jose sa pag-angkin ng di sa kanya dahil sa laki ng halaga ng salapi sa pitaka, sabay upo sa kanyang upuan habang hawak ang pitaka at tila tuwang-tuwa pa sa akala niyang swerte na dumating sa buhay niya
Nakalipas ang ilang oras at dumating na rin sila sa terminal at nag hudyat na ang konduktor sa lahat ng pasahero na siguraduhing walang maiiwan na gamit ng hindi sila maabala.
“Yung mga gamit niyo po, paki check bago kayo bumaba, Salamat!” sigaw ng konduktor ng ilang beses.
Itinago ni Jose ang pitaka sa loob ng kanyang dalang bag habang mahigpit ang pagkakayakap niya dito. Hindi na mapigilan ni Jose ang mga balak niyang bilhin, “ Bibili ako ng bagong sapatos, tapos madaming damit at pantalon para mas lalo akong pumogi, haha!”
Dali dali siyang bumaba ng bus at nagtanong sa mga tao sa terminal kung paano pumunta sa pinakamalapit na mall. “Kakain muna ako sa mamahalin na restorant tapos siguro pagkatapos kong mamili sa mall, mag bi-beerhouse ako panigurado ang daming magagandang babae dito.”
Ngunit sa di kalayuan, may tatlong lalake na nakatambay sa terminal ang di inaashang narinig ang mga sinabi ni Jose, ito pala ay mga notoryus na holdaper. Sinundan nila si Jose papuntang mall, tiniktikan ng mabuti ang galaw.
Madilim na nung dumating sila sa Maynila kaya habang binabaybay niya ang mahaba, madilim at makipot na eskinita na tagos sa bukana ng mall, dito na biglang inambahan ng isa sa mga lalake si Jose, inakbayan siya at sabay tutok ng patalim sa tagiliran niya at sinabing “HUWAG kang sisigaw, grigripuhan kita!”, tumigil ang mundo ni Jose at talagang hindi siya makagalaw sa takot.
Habang akbay-akbay siya ng isa sa mga lalake, lumapit pa ang dalawang kasamahan nito at sumenyas na tumawid at maglakad sa madilim na eskinita. “Huwag niyo po akong sasaktan” pa-bulol na sabi ni Jose habang nanginginig siya sa takot.
“Akin na pera mo!” sambit ng isa sa mga pumalibot kay Jose. “Wala akong pera, nagkakamali kayo!” sabi ni Jose.
“Huwag mo kaming lokohin narinig ka namin sa terminal, kaya alam naming madami kang dalang pera!” Hinablot ng isa sa mga lalake ang bag niya habang ang dalawang kasamahan na holdaper ay kinakapitan si Jose para di makagalaw.
Habang nagpupumiglas si Jose laban sa tatlong holdaper, isang maliwanag na ilaw at ingay ng sirena ng mga pulis ang tumambad sa madilim na eskinita. Wala ng lusot ang mga holdaper, napaligiran na sila ng tropa ng mga parak sa magkabilang dulo at natimbog din sila.
Habang pinosasan at sinakay na sa sasakyan ng mga pulis ang mga kawatan, lubos ang pagpapasalamat sa Diyos ni Jose na halos di mawari ang nangyari sa kanya. Maluha-luhang nagpapasalamat si Jose sa mga pulis na tumulong sa kanya, “Salamat po ng sobra, utang ko ang buhay ko sa inyo mga sir”, habang dahan dahang nahawi ang isang grupo ng mga pulis biglang may bumaba sa sasakyan at laking gulat ni Jose sa kanyang nakita.
Ang lalake na may ari ng itim na pitaka na naiwan sa gasolinahan ay palapit na naglalakad sa kinaroroonan ni Jose. Parang maiihi sa salawal si Jose sa kanyang nakita, ikinuwento ng lalake na isa pala siyang secret agent na naatasang manmanan ang mga notoryus na holdaper.
Sumakay pala ang matipunong lalake sa kasagsagan ng kanilang byahe papuntang Maynila habang tulog si Jose, ang konduktor at ilang pasahero ng bus kaya tanging ang drayber lang ng bus ang nakapansin dito, ngunit sa katandaan na ng drayber ng bus hindi na ito namalayan na naiwanan pala nila sa gasolinahan ang secret agent kaya pala nito pilit hinahabol ang bus.
“Sir…” nanginginig na sambit ni Jose, “patawarin niyo po ako sa nagawa ko, isang malaking pagkakamali ang nagawa ko sa inyo pero kahit na sa ganung paraan niligtas niyo pa rin ang buhay ko.”
“Maswerte ka at naka antabay ang grupo namin, nagkataon lang talaga na bibiktimahin ka pa nila pero talagang naka plano na kami na arestuhin sila bago ka pa lapitan ng mga holdaper na yan”.
“Maswerte ka talaga bata”, ika ng secret agent. “Sa susunod pairalin mo ang tamang pag uugali patungo sa kapwa mo, nasaan na pala ang itim na pitaka ko”? tanong ng lalake.
Dali daling kinuha ni Jose ang pitaka sa bag at inabot niya sa mabait na lalake ito ng buo buo ang laman. Ang pitakang pinag interesan niya ay muntik pang maging mitsa ng kanyang buhay.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!