Inday TrendingInday Trending
Sinuway ng Anak ang Magulang at Dumalo sa Isang Party, Isang Mapait na Kabayaran ang Naging Bunga ng Kaniyang Katigasan ng Ulo

Sinuway ng Anak ang Magulang at Dumalo sa Isang Party, Isang Mapait na Kabayaran ang Naging Bunga ng Kaniyang Katigasan ng Ulo

Mula pagkabata ay naging mahigpit kay Mitch ang kaniyang mga magulang. Hindi siya maaring abutan ng alas-siyete ng gabi sa labas at pinagbabawalan siyang pumunta sa mga party. Naging masunurin si Mitch hanggang sa nakapagtapos siya sa hayskul.

“Ma, sige na payagan niyo na ako, simpleng party lang naman iyon naming magkakaibigan para sa pagtatapos namin sa eskwela.” ang paalam niya.

“Mitch sinabi na namin sayo na hindi pwede, kailan ka ba namin pinayagan sa mga ganyan? Hanggat hindi ka pa tapos sa kolehiyo ay hindi ka namin papayagan.” sagot naman nito.

“Pero wala naman kaming gagawing masama doon, magkakainan at magkakasiyahan lang kami.”

“Hindi mo kami maloloko, nagdaan na kami sa ganyan at hindi maaring walang alak sa mga party na yan.” sagot naman ng kaniyang ama.

Sa sobrang inis ay padabog siyang umalis sa sala at nagkulong na lamang sa kwarto. Tinawagan niya ang kaniyang kaibigan upang sabihin na hindi siya makakapunta.

“Hindi ako pinayagan Lucy, nakakainis, napakahigpit nila sa akin, hindi naman na ako bata.”

“Sayang naman Mitch, ang saya pa naman dito, andito ang buong seksyon natin at si Julius, yung crush mo.” tukso nito sa kaniya.

“Ininggit mo pa talaga ako. Sige na, manonood na lang ako dito ng pelikula.” sabay paalam niya sa kaibigan.

Matapos ang panonood niya ay lumabas siya ng kwarto upang magbanyo, nadaanan niya ang kwarto ng mga magulang at mahimbing na ang tulog ng mga ito, sa tingin niya ay bukas na sila magigising kaya’t naisip niyang tumakas at pumunta sa party.

Mabilisan siyang nagbihis, sinara ang pintuan ng kanyang kwarto at dumaan sa bintana. Sumakay na siya ng taxi at pumunta sa lugar ng party. pagpasok niya ay agad niyang nakita ang kaibigan.

“Lucy! Hindi ka maniniwala sa ginawa ko ngayon, tinakasan ko sina mama.” masaya niyang balita.

“Wow! Ang ulirang anak nagiging rebelde na, sumunod ka sa akin, doon tayo sa may likuran, andun sina Julius.” Sabay hila sa kaniya.

Pagdating nila sa lamesa na napapalibutan ng kaniyang mga kabarkada ay agad siyang nilapitan ni Julius, matagal na nitong alam na may pagtingin siya rito ngunit ni minsan ay hindi siya nito binigyang-pansin. Inabutan siya nito ng isang baso na may lamang alak.

“Salamat pero hindi ako umiinom.” wika niya.

“Kulang ang pagpunta mo sa isang party kung hindi ka iinom, konti lang naman to sige na.” pagpilit nito sa kaniya.

Wala siyang nagawa at tinanggap ang alok nito, sa paglalim ng gabi ay napaparami na ang kanilang paginom, lahat silang magkakaibigan ay lasing na, may ibang sumasayaw na sa ibabaw ng lamesa at ang iba ay nakakatulog na sa kani-kanilang pwesto.

Pagsapit ng ala-una ng madaling araw ay nagpaalam na si Mitch sa mga kaibigan, ayaw niyang mahuli ng kaniyang magulang kaya’t mas mabuti nang umuwi siya sa kahimbingan ng kanilang tulog. Hindi pa siya lasing ngunit alam niyang mayroon na rin siyang tama ng alak.

“Hatid na kita Mitch, dala ko ang motor ko mas mabilis kang makakauwi pag hinatid kita.” paanyaya ni Julius.

“Pero lasing kana Julius, kita mo oh hindi ka na makalakad ng tuwid.” sagot niya

“Sanay na ako, halos linggo-linggo akong umuuwi ng ganito wag ka magalala, tiyaka delikado na ngayon wala ka nang masasakyan.”

Naisip niyang tama si Julius at pumayag na siya na ihatid nito. Sumakay sila sa motor at humarabas ng takbo. Sa sobrang tulin nila ay sumalpok na sila sa isa pang motor na nasa kabilang linya, napakabilis ng mga pangyayari at agad siyang nawalan ng malay.

Nagising siyang nakahiga sa ospital at labis na pinagsisisihan ang ginawang pagtakas nang pumasok ang isang nurse,

“Kamusta po yung kasama kong lalaki, si Julius?” tanong niya.

“Kritikal ang kaniyang lagay ngayon.” sagot nito.

“Eh yung isang motor po, andito din ba sila?”

Hindi pa nakakasagot ang nurse ay pumasok na ang tiyahin ni Mitch na namumugto ang mata.

“Tita, nasaan po sina mama? Galit po ba sila? pakisabi naman sorry, hindi ko na to uulitin.” naiiyak na tanong niya rito.

“Mitch, kagabi nakita nilang wala ka sa bahay, ipinagtanong ka nila sa amin pero walang nakakaalam kung nasaan ka, lumabas sila para hanapin ka, iha, silang yung motor na nakabangga ninyo, sabi ng doktor ay binawian agad sila ng buhay sa aksidente.”

Nanghihina man ay nagawa ni Mitch na tumayo at magwala, hinagis niya ang mga pagkaing nakalagay sa katabing lamesa at nagsisigaw, labis niyang sinisi ang sarili sa nangyari, nang dahil sa isang pagsuway ay nawala ang kaniyang mga magulang, at ang kanilang buhay ay hindi na maibabalik pa.

Advertisement