Inday TrendingInday Trending
Batang Sanay sa Hirap na Tinutuligsa ng Mga Kapitbahay, Hindi Sumuko sa Pangarap Kahit Pa Ginagawa Niyang Hanapbuhay ang Trabahong Ikinaaasiwa ng Iba

Batang Sanay sa Hirap na Tinutuligsa ng Mga Kapitbahay, Hindi Sumuko sa Pangarap Kahit Pa Ginagawa Niyang Hanapbuhay ang Trabahong Ikinaaasiwa ng Iba

Si Junjun ay isang batang lalaki na lumaki sa isang mahirap na barangay sa probinsya. Mula pagkabata, sanay na siyang tumulong sa kanyang pamilya sa paghahanapbuhay. Si Mang Rudy, ang kanyang ama, ay isang manggagawa na sumasahod ng maliit bilang tagalinis ng posonegro. Subalit, nagkasakit ito at hindi na nakapagtatrabaho kaya’t si Junjun ang nagpatuloy ng ginagawa ng kanyang ama.

“’Nay, aalis na po ako. Baka gabihin ako ng uwi, may ipapalinis na poso sa kabilang baryo.”

“Ingat ka, anak. Huwag mong kalilimutan ang pag-aaral mo, ha? Pangarap ng tatay mo na makatapos ka,” tugon ni Aling Nena.

“Opo, ’Nay. Gagawin ko po ang lahat para hindi ko mapabayaan ang pag-aaral.”

Tuwing umaga bago pumasok sa eskwela, naglilinis si Junjun ng poso-negro sa mga bahay-bahay sa kanilang lugar. Pinagtatawanan siya ng mga kapitbahay, lalo na ng mga batang kaedad niya.

“Tingnan niyo si Junjun, amoy poso na naman! Hindi ba siya nahihiya, nag-aaral pa naman!” kutya ng isang kapitbahay nila.

“Pangarap pa raw mag-abroad, pero sa ilalim lang ng poso ang abot.”

Napapangiwi si Junjun sa bawat salita, pero tinitiis niya ang lahat ng iyon. Ang alam lang ng mga nanunukso sa kanya ay ang kanyang kasalukuyang kalagayan, pero hindi nila alam ang pangarap na dala niya sa puso. Hindi rin nila alam ang hirap na pinagdadaanan niya sa pagbalanse ng trabaho at eskwela.

Pagkatapos ng klase, balik siya sa kanyang trabaho. Sa bawat posong nililinis niya, iniisip niya ang kinabukasang nais niyang baguhin para sa sarili at sa pamilya.

“Kaya ko ‘to. Sa bawat linis ko ng poso, isang hakbang palapit sa pangarap ko. Hindi ko na lang papansinin ang mga pangungutya nila,” pagkumbinsi ni Junjun sa kaniyang sarili.

Hindi naging madali ang buhay ni Junjun. Isang gabi, habang papauwi siya mula sa paglilinis ng poso, hinarang siya ng ilang mga kabataan sa kanilang lugar. Tinulak siya at sinabuyan ng maruming tubig mula sa balde na ginagamit niya sa trabaho.

“Tingnan niyo, mas bagay sa kanya ang amoy ng poso kaysa sa eskwela!”

“Kung ako sa’yo, Junjun, tigilan mo na ‘yang pangarap mo. Hanggang dito ka lang talaga!”

Nang makauwi siya, basang-basa at amoy-poso pa rin, tahimik siyang niyakap ng kanyang ina.

“Anak, hanggang kailan mo titiisin ang lahat ng ‘yan?”

“’Nay, balang araw, magbabago rin ang lahat. Hindi ko hahayaang maging hadlang ‘yung pang-aapi nila para itigil ko ang mga pangarap ko.”

Nagpatuloy si Junjun sa pag-aaral habang nagtratrabaho. Kahit na napakahirap, natuto siyang magsakripisyo ng tulog, makipagbuno sa pagod, at mag-aral sa ilalim ng liwanag ng isang lumang lampara. Nang dumating ang araw ng pagtatapos, halos hindi makapaniwala si Aling Nena nang makita si Junjun na nakatoga, hawak ang kanyang diploma.

“Junjun, anak! Natupad mo ang pangarap ng tatay mo! Natapos ka!” nanginginig sa tuwa si Aling Nena.

“Para po ito sa inyo ni tatay, ’Nay. Lahat ng hirap natin, sulit na sulit.”

Ngunit hindi pa doon natapos ang mga pagsubok ni Junjun. Pagkatapos ng graduation, nahirapan siyang makahanap ng trabaho na akma sa kursong tinapos niya. Kaya’t nagdesisyon siyang balikan ang paglilinis ng posonegro, ngunit sa pagkakataong ito, may mas mataas na pangarap siya—magtayo ng sariling kumpanya ng paglilinis ng posonegro.

Sa simula, siya lang mag-isa. Patuloy siyang naglinis ng mga poso, ngunit ipinon niya ang kaunting kinikita para makabili ng mga kagamitan. Hindi nagtagal, nakabili siya ng lumang trak at nakapagrecruit ng dalawang trabahador. Unti-unti, lumaki ang kanyang negosyo.

Isang araw, dumating ang isang malaking proyekto sa bayan. Kailangan ng mga maglilinis ng posonegro sa bagong itinatayong subdivision. Tinanggap ito ni Junjun at dito nagsimulang makilala ang kanilang kumpanya. Tinawag niya itong “Bagong Pag-asa Septic Services.”

Habang lumalago ang negosyo ni Junjun, nagbago ang tingin sa kanya ng mga kapitbahay.

“Si Junjun na dating pinagtatawanan natin, may-ari na ngayon ng isang kumpanya! Hindi ko akalaing aabot siya sa ganito.”

“Oo nga, sana hindi ko na lang siya inapi noon. Ang dami niyang natulungan dito sa ating barangay.”

Hindi nagtagal, nagpatayo si Junjun ng isang maliit na opisina para sa kanyang negosyo. Nagkaroon siya ng higit sa sampung empleyado, karamihan ay mga dati ring nagtatawid-buhay sa paglilinis ng posonegro.

Isang araw, kinausap siya ng isa sa mga kabataang nang-api sa kanya noon.

“Junjun… ah, sir, sana mapatawad mo kami sa mga ginawa namin noon. Hindi namin alam na kaya mo palang abutin ang ganito.”

“Wala na ‘yun. Hindi ko pinersonal ang mga sinabi niyo noon. Mas pinili ko na gawing inspirasyon ang pang-aapi niyo para patunayan na kaya ko. Ngayon, masaya ako na nagkaroon ng pagkakataon na makatulong din sa iba.”

Mula noon, naging inspirasyon si Junjun sa kanilang lugar. Natutunan ng mga tao na hindi sukatan ng pagkatao ang trabaho mo o kung gaano ito kadumi. Ang mahalaga ay kung paano mo pinapanday ang kinabukasan mo mula sa bawat paghihirap.

Lumipas ang ilang taon, tuluyan nang umangat sa buhay si Junjun. Naitayo niya ang isang mas malaking opisina, may mga modernong kagamitan, at regular na kumukuha ng mga proyekto sa buong bayan. Naging halimbawa siya ng tagumpay sa sipag, tiyaga, at dedikasyon.

Sa kabila ng lahat, nanatili siyang mapagkumbaba. Hindi niya kinalimutan kung paano siya nagsimula. Tuwing may bagong empleyado sa kanyang kumpanya, ikinukuwento niya ang kanyang pinagdaanan, mula sa araw na pinaghalong amoy-poso at amoy-luha ang kanyang katawan hanggang sa araw na unti-unting bumangon ang kanyang mga pangarap.

“Tandaan mo, hindi mahalaga kung saan ka nagsimula. Ang mahalaga, hindi ka susuko sa pangarap mo. Kung nagawa kong bumangon mula sa ilalim ng poso, magagawa mo rin,” turo ni Junjun sa kaniyang empleyado.

At sa bawat ngiti ng mga natutulungan niyang tao, alam ni Junjun na tama ang pinili niyang landas. Nakamit niya hindi lang ang tagumpay para sa sarili, kundi pati ang respeto ng buong komunidad.

Advertisement