Inday Trending

Inday Trending

Akala ng Dalaga ay Walang Pakialam ang Ama Kaya Pinagsalitaan Niya Ito ng Masakit, Grabe Pala ang Sakripisyo ng Lalaki

Akala ng Dalaga ay Walang Pakialam ang Ama Kaya Pinagsalitaan Niya Ito ng Masakit, Grabe Pala ang Sakripisyo ng Lalaki
FamilyHeartbreakingStories

Liwanag ng araw mula sa bintana ang bumungad kay Anna, hirap tuloy siyang idinilat ang mga mata. Pagsulyap niya sa orasan ay alas nuwebe na ng umaga. Kinuha niya ang cellphone at bumungad sa kanya ang sunod-sunod na pasok ng mga mensahe mula sa mga kaibigan at kaklase.

Happy 18th birthday Anna! bati ng mga ito sa Facebook. May ilan pang nag-post ng picture niya.

Malungkot naman na napangiti ang dalaga, kung ang iba kasi ay naghahanda sa debut ng mga ito, siya ay lilipas ang birthday na parang ordinaryong araw lamang. Nakakahiya lang sa mga kaibigan niya eh, nagtatanong kung saan ang handaan.

Bumangon na siya at paglabas ng kwarto ay sumalubong ang mabangong amoy ng sinangag, naroon ang tatay niyang walang imik na isinalin iyon sa isang pinggan.

“Kumain ka na. Alis na rin ako,” sabi nito. Isinukbit na nito ang bag, nagtatrabaho ang kanyang tatay sa isang pabrika malapit sa kanila. Habang ang nanay niya naman ay pumanaw na noong siya ay pitong taong gulang pa lamang. Malakas ang bagyo, isa sila sa nasalanta at kinitil pa ng sakuna ang buhay ng kanyang ina.

Hinding hindi niya malilimutan ang araw na iyon, para kasing hindi lang nanay ang nawala sa kanya, kundi maging ang kanyang ama. Kung dati masiyahin ang lalaki at malambing, ngayon ay parang hangin nalang siya sa paningin nito.

Naiinggit nga siya sa mga kaklase lalo pag sinasabi ng mga ito na nagba-bonding raw kasama ng kani-kanilang mga daddy sa mall. Samantalang siya, kahit mumurahing bestida ngayong birthday niya ay hindi maibili ng ama.

“Ingat ho,” sabi niya. Bago ito lumabas ay lumingon ang lalaki.

“Anna.”

“Tay?” tanong naman niya.

“Happy birthday.” sabi nito bago dire-diretsong lumabas na. Malungkot na napabuntong hininga ang dalaga. Ang hirap na nga ng buhay nila, magkalayo pa ang loob nilang mag-ama.

Mabilis lumipas ang dalawang taon at nasa huling taon na sa kolehiyo ang dalaga, graduating na. Lalong lumayo ang loob niya sa ama, habang tumatagal ay lalo niyang nakikita ang mga pagkukulang nito. Lalo niya itong naikukumpara sa ibang tatay.

“Nasaan ang papa mo girl? Baka mahuli tayo, gaga ka talaga.” palingon-lingon sa paligid na sabi ng kaibigan niyang si Mae. Alas onse na ng gabi at sinabihan niya itong sunduin siya sa kanila, tatakas sila at pupunta sa isang birthday party. Tiyak na may inuman roon pero tuloy pa rin si Anna. Iyon nga ang gusto niya eh, mag-rebelde.

“Basta bilisan mo nalang-“

“Saan kayo pupunta?” gulat na napalingon ang dalawang dalaga nang makita ang galit na ama ni Anna, nakatayo ito sa kusina at kanina pa pala nakikinig sa kanila.

Tumayo nang tuwid ang dalaga at buong tapang na hinarap ang ama, walang pakialam kung mapahiya sila pareho sa harap ni Mae.

“Makikipag-inuman,” taas ang kilay na sabi niya.

“Ano?” halos di makapaniwalang sabi ng tatay niya.

“Sabi ko, makikipag -inuman ako. 18 na ako. Legal na, pwede ko nang gawin ano man ang magustuhan ko.” matapang na sagot niya.

Makikitang tumiim ang bagang ng lalaki, halatang nagpipigil ng galit. Lalo ring lumalim ang mga guhit sa mukha nito sanhi ng pagkakakunot ng noo, “Hangga’t nasa poder kita, ako ang magdedesisyon para sa’yo. Ako pa rin ang tatay mo kaya makinig ka-“

“Wow! Kung makapagsalita akala mo talaga huwaran eh! Wala ka ngang pakialam sa akin. Puwes ito ang tandaan mo, mas wala akong pakialam sayo!” sigaw niya bago niyaya palabas ang natutulalang kaibigan.

Nagpakalasing noong gabing iyon si Anna, pinatay niya ang cellphone dahil tawag nang tawag ang kanyang ama. Nasundans pa nang nasundan ang pagbubulakbol niya.

Sa araw ng graduation ay ni hindi niya inimbitahan ang lalaki upang masamahan siyang mag-martsa para kunin ang diploma.

Pagod na tinanggal niya ang toga habang pauwi sa kanila, sinalubong siya ng isang may edad na lalaking hindi niya nakikilala.

“Anna, ikaw si Anna?” sabi nito, tagaktak ang pawis at halatang natataranta.

“Ako nga, sino sila?” tanong niya at tinignan ito mula ulo hanggang paa.

“Kasamahan ako ng tatay mo, naaksidente siya sa pabrika. Tena.” pagkarinig noon ay natulala na siya. Namalayan niya na lamang na hinihila siya ng lalaki, sumakay sila ng tricycle at bumaba sa tapat ng ospital.

Mabigat ang paa ni Anna habang palapit sa emergency room. Ano kaya ang nangyari sa kanyang ama? Baka nahiwa, o nagasgasan. Pwede ring nabagsakan ng mabigat na materyales ang paa.

Pero napatigil siya nang makita ito, alam niyang tatay niya iyon dahil suot ang mumurahing relo na binili sa palengke maraming taon na ang nakalipas.

Nakahiga ito sa kama at..nakatalukbong ng kumot.

“D-Doc, ano ho ang nangyari? Bakit nakatalukbong? Hindi siya makakahinga!” sabi niya, ayaw tanggapin ng sistema niya ang totoo kahit alam naman niya kung bakit.

“Bigla na lamang tumumba sa trabaho. Sinubukan naming gawin ang lahat, pero bago pa man nakarating dito ay wala na siya.” sabi ng doktor.

Nanghihinang napaupo sa ospital si Anna. Ang huling salitang nasabi niya sa ama ay wala siyang pakialam rito.

Pero hindi totoo iyon.

Mahal na mahal niya ang tatay niya, kaya nga siya nagrerebelde at nasasaktan dahil hindi siya pinapansin nito.

Ikatlong araw na ng burol ng kanyang ama, iyak pa rin siya nang iyak sa harap nang ataul nito. Napalingon siya nang may humawak sa kanyang balikat.

“Ne, nakikiramay ako.” sabi ni Aling Linda, kilala ito sa lugar nila na nag-aahente ng bahay. Tinanguan niya ang ale, akala niya ay aalis na ito pero tila may sasabihin pa.

“A-Ano ho iyon?” siya na ang nagtanong.

Inakay siya nito sa isang gilid. Inabot sa kanya ang isang susi, “Ano ho ito?”

“Sa’yo iyan. Ibinilin ng tatay mo, tsaka ito.” sabi ng ale at inilagay sa palad niya ang isang sobre. Nang buklatin ni Anna ay sulat pala iyon mula sa kanyang ama.

Nak,

Happy graduation! Alam kong malaki ang hinanakit mo sa tatay, dahil marami akong pagkukulang sa iyo. Siguro nga, habang binabasa mo ito ay nasa trabaho ako dahil nahihiya akong kausapin ka.

Sana mapatawad mo ako sa lahat ng panahon at bagay na hindi ko naibigay sa iyo. Bagyo noong mawala ang nanay mo.. minamasdan kita. Para kang basang sisiw anak ko, nanginginig sa gilid at nawalan pa ng ina. Mula noon ay ipinangako ko sa sarili ko na iingatan kita at dodoblehin ko ang sikap para mabigyan ka ng magandang bahay.

Para hindi mo na maranasan pang muli ang naranasan natin noon. Mahal na mahal kita anak, hindi ko man maipakita. Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ng tatay..tandaan mo yan.

Patawad sa bawat kaarawan mong wala akong regalo, tinitiis ko iyon at tinitipid ang sarili para may ipanghulog ako sa bahay na ibibigay ko sa iyo.

At narito na ang pinag-ipunan ko, para sa iyo ito anak. Sana, magustuhan mo ang regalo ng tatay.

Naikuyom ni Anna ang palad. Kaya pala hindi siya binibilhan ng ama ng kung anu-ano. Oo, hindi nga ito tulad ng ibang tatay na dadalhin siya sa mall, pero napakatindi ng pagmamahal nito dahil sinigurong magiging maayos ang kanyang buhay kahit pa napakahirap ng trabaho.

Tigib ng luha ang kanyang mga mata nang lapitan niya ang ataul.

“Mahal kita Papa..”

More Stories