Inday Trending

Inday Trending

Akala ng Lalaki ay Duwag ang Nanay Niya Dahil Di Ito Lumaban sa Sakit, Siya Pala ang Dahilan Kaya Nawala Ito

Akala ng Lalaki ay Duwag ang Nanay Niya Dahil Di Ito Lumaban sa Sakit, Siya Pala ang Dahilan Kaya Nawala Ito
HeartbreakingInspiringStories

Hinilot ni Mark ang sentido, ang sakit na nga ng ulo niya sa trabaho ay nadaragdagan pa iyon dahil sa kakulitan ni Jenny. Tawag nang tawag sa kanya ang babae, kinukumusta kung kumain na ba siya, kung natutulog pa ba siya at kung mago-OT na naman ba siya. Ano ba ang pakialam nito?

Okay naman sila noong una eh, magkaibigan. Nagsimula lang siyang lumayo noong magtapat itong nahuhulog na sa kanya.

“Eh ano naman ba ang problema pare? I mean, binata ka, dalaga siya. Tapos you are not getting any younger. 34 kana. Sa tropa natin, ikaw nalang ang walang pamilya,” sabi ng bestfriend niyang si Jake. Ngayon ay kasalukuyan silang nag-iinom sa isang bar.

“Bakit, si Aunt Lucille, pamilya ko naman siya diba?” sabi niya, uminom ng beer.

“Kitang kita ko sa mata mo na mahal mo rin si Jenny. At saka, alam mo naman kung anong pamilya ang tinutukoy ko. Wag ka ngang kolokoy dyan,” sabi nito at pasimple pang sinuntok ang braso niya.

Napangisi si Mark. “Pare, hindi ako pang-kasal. Alam mo naman yan.Ayoko sa mga babae, sakit lang ng ulo ang mga iyan eh.”

“Beki ka ba?” biro nito.

“G*go,”

Actually, totoo ang sinabi ng kaibigan niya. Mahal niya nga si Jenny. Kaya nga siya natatakot na mapalapit rito dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili. Ayaw niyang pumasok sa isang relasyon, sa madaling salita, ayaw niyang matulad sa kanyang ama.

Tandang-tanda niya noon, limang taong gulang pa lamang siya. Masaya ang kanilang pamilya, ang mommy niya ay maagang gumigising at nagluluto ng almusal habang ang daddy niya naman ay nagtatrabaho. Kapag araw ng Linggo ay day off ng lalaki kaya nagsisimba sila tapos ay mamamasyal sa mall.

Nagbago ang lahat nang magkaroon ng sakit sa puso ang mommy niya, di niya alam pero isang gabi ay bigla nalang nitong ipinagtapat sa kanya iyon. Gumuhit ang sakit sa dibdib ni Mark.

“Mommy. iiwan mo ba ako? Wag mo kaming iiwan ni Daddy,” natatandaan niyang pakiusap niya rito. Umiiyak na niyakap lang siya ng babae.

Alam niya na lalaban ito para sa kanila ng daddy niya, para sa kanya. Ipinagdasal niya ito sa Panginoon, gabi-gabi, walang tigil. Kahit nga kay Santa Claus, hindi niya na hiniling ang mga laruan. Ang hiling niya lang ay mabuhay pa ang mommy niya.

Hanggang isang araw, isinama siya ng mga ito sa ospital. Check up raw ng kanyang ina. Hindi niya namalayang nakatulog na siya noon, nagising na lamang siya sa kama na siguro ay para sa mga bantay, pero wala na ang mommy niya.

Hindi ito lumaban.

Iniwan sila ng babae.

Tapos noon ay nag- iba na rin ang kanyang ama, binugbog ng lalaki ang sarili sa trabaho. Makalipas ang sampung taon ay sumunod na rin ito sa mommy niya. Ayaw niyang masaktan nang ganoon, kita niya ang pagdurusang dinanas ng ama dahil sa isang babae.

Nagising siya sa pagkakatulala dahil kumakaway ang kantang tita Lucille, tinapakan niya ang preno. Nasa tapat na pala siya ng bahay nila.

“Bakit nandyan ka tita?” takang tanong niya habang ipinaparada ang sasakyan.

“Batang ito, wag ka na ngang tanong nang tanong. Basta pumasok ka sa loob.”

Bumaba siya ng kotse at inakay na ang tiyahin, napahinto siya sa salas nang makitang nakaupo roon si Jenny. Tumayo ang babae nang makita siya.

“B-Bakit ba hindi mo ako kinakausap? Okay naman tayo diba? Ano ba?” sabi nito na pinipigil ang luha. Walang pakialam kung marinig man sila ni tita Lucille.

“Hindi ka ba nakakahalata? Ayaw nga kitang kausapin, sunod ka pa nang sunod.” matabang na sabi niya. Iniiwasang titigan ito dahil alam niyang magsasabi ng totoo ang kanyang mga mata. Na nami-miss niya ang babae, iyon nga lang ay natatakot siya.

“Ano ba ang problema? Wala naman akong ginagawa, bakit mo ako ginaganito? Iniwan mo akong nakabitin sa ere, mahal kita Mark. Alam kong alam mo yan, at alam ko rin na mahal mo ak-“

“Na ano, na mahal kita? gaga ka rin ano? Paano kita mamahalin? See this,” sabi niya at tumipa sa cellphone. Inilabas ang litrato niya kasama ang pinsang si Ara. “Siya, siya ang mahal ko. Girlfriend ko siya okay, pinaglaruan lang kita. Happy now?” sabi niya, pinilit na ngumisi.

Nanginginig si Jenny, alam ng Diyos kung gaano niya ito ka-gustong yakapin. Hindi umimik ang babae at tumakbo palayo, nang masigurong wala na ito ay doon napahawak sa dibdib niya si Mark.

Ang sakit-sakit.

“Hijo, ayos ka lang ba? Anak.. bakit mo naman iyon ginawa?” nalulungkot na sabi ng kanyang tita Lucille.

Doon na napaiyak si Mark, “Mahal ko siya tita kaya natatakot po ako. Ayaw ko pong ilaban dahil baka tulad lang siya ni Mommy na hindi piniling lumaban para sa amin ni Daddy. Natatakot po akong maging kasing duwag siya ng mommy ko..”

Nag-iba ang ekspresyon sa mukha ng kanyang tita Lucille, hinawakan siya sa dalawang balikat. “May kailangan kang malaman hijo.”

Iginiya siya nito sa sofa, tahimik naman siyang nakamasid. “Walang sakit sa puso ang mommy mo.”

Napakunot ang noo niya, “Ho?”

Bumuntong hininga ang matandang babae. “Hindi ka niya iniwan Mark. Ang totoo niya, ipinaglaban ka niya. Ang buhay mo. Dahil ang totoong may sakit sa puso noon ay..ikaw.”

Gulong gulo si Mark, nakapa niya ang pilat sa dibdib na sabi ng daddy niya ay sanhi raw ng pagkakadapa sa bike noon.

“Hindi mo ba naalala na kaunting pagod lang, nanghihina ka na? Ikaw ang may sakit at binigyan ka ng taning ng doktor. Labis ang pagmamahal ng mommy mo, ibinigay niya sa iyo ang sariling puso niya. Di baleng mawalan siya ng buhay, madugtungan lang ang sa iyo..” lumuluhang paliwanag ng ale.

Napahawak sa dibdib niya si Mark. Ang tanga niya, ang duwag niya!

Dali-dali siyang tumayo, pinuntahan niya si Jenny at lumuhod sa harap nito. Kagulat-gulat na imbes na magalit at niyakap siya ng babae. Anong ginhawa ang kanyang naramdaman, ngayon niya lang nakompirma na maski pala may posibilidad na masaktan siya ni Jenny ng hindi sinasadya sa hinaharap ay handa siyang sumugal.

Kinabukasan ay sabay nilang dinalaw ang puntod ng ina ni Mark.

Humingi siya ng tawad sa babae, all these years ay duwag ang tingin niya rito. Kasunod noon ay nagsabi siya ng pasasalamat sa hindi lamang isa..kundi dalawang beses na pagbibigay nito sa kanya ng buhay.

More Stories