Nanatili ang Kasambahay sa ang Pamilyang Pinagsisilbihan Kahit Wala na Silang Pera; Nang Makabangon ay Ito ang Ganti sa Kaniya

“Anak, nakuha niyo ba ang padala ko? Pasensiya na kayo at ayan lang ang pera ko ngayon. Pagkasiyahin niyo na iyan ng mga kapatid mo, ha. Pero sa susunod na sahod ko ay sisiguraduhin ko na may pambili kayo ng damit at mga laruan. Pangako ni nanay ‘yan,” sambit ni Nelia sa kaniyang panganay na anak sa telepono. 

“Opo, nanay. H’wag po kayong mag-alala kami na po nila tatay ang bahala dito. Mag-iingat po kayo palagi diyan sa Maynila,” saad naman ng anak niya.

Limang taon na si Nelia sa pagiging yaya at kasambahay sa pamilyang Cordero. Kinailangan niyang lumuwas patungong Maynila upang mamasukan dahil nabaon sila sa utang sa lupa. Minabuti nilang mag-asawa na magkatuwang na bayaran ito. Ang plano ay kapag nakabayad na sila sa kanilang utang ay uuwi na rin at titigil na sa pagkakasambahay ang ginang.

“Kaunti na lamang at matatapos na ang utang natin, Mando. Malapit ko na rin kayong makasama,” saad niya sa asawa. 

“Hindi na kami makapaghintay pa, Nelia. Kaunting tiis na lang. Pasensiya ka na at pati ikaw ay kailangang magkakripisyo,” tugon naman ni Mando.

“Ano ka ba naman, Mando? Mag-asawa tayo kaya magkasama tayong haharapin ang lahat,” sambit ni Nelia. 

Mabuti na lamang at mababait ang amo ni Nelia kaya hindi rin siya nahihirapan sa mga trabaho. Minsan ay nakakabale rin siya ng sahod sa tuwing nagigipit ang pamilya sa probinsiya. Bilang kapalit naman ay tiyak na pinagbubuti niya ang kaniyang gawain. 

“Madam, magpapaalam lang sana ako sa inyo. Ilang buwan na lamang po kasi at makakabayad na kami ng utang sa lupa. Nais ko na po sanang umuwi sa amin. Sinasabi ko po ito sa inyo para makahanap na kayo kaagad ng kapalit ko,” wika niya sa among babae. 

Advertisement

“Sige, Manang Nelia, pag-usapan natin muli ang bagay na iyan. Sa ngayon kasi ay hindi pa ako makakapayag talaga sapagkat masyadong abala sa gawain. Wala talaga akong p’wedeng pagkatiwalaan sa anak ko,” saad naman ng ginang. 

Malugod naman itong tinanggap ni Nelia.

Ngunit nang malapit-lapit na sa panahon ng pag-uwi ni Nelia sa kanila ay doon naman tinamaan ng problema ang negosyo ng mag-asawang kaniyang pinapasukan.

“Nelia, pasensiya ka na. Kung nais mong umuwi na ngayon ay sino ba naman ako para pigilan ka. Pero aaminin ko na sa iyo. Wala akong ibabayad ngayon sa iyo. Matindi ang aming problema ngayon. Patawad,” pahayag ng among si Anna.

“Madam, kung mas kailangan po ninyo ako ngayon ay sabihin niyo lang. Minahal ko na pa ang pamilya ninyo lalo ang inyong anak. Tinuring ko na rin po kayong pamilya,” wika ni Manang Nelia.

“Sa totoo lamang ay kailangan kita ngayon para makatuon kami ng asawa ko sa pagbangon ng negosyo. Pero, Nelia, wala na akong ipapasahod sa iyo. Kung gusto mo nang umalis ay maiintindihan ko,” sambit ng ginang. 

“Mananatili po ako, madam. Payag po ako na kahit walang suweldo basta matiyak ko na ayos at may mag-aalaga sa inyong anak. Ganti ko na rin po ito sa lahat ng tulong ninyo sa akin,” sambit pa ni Nelia.

Tutol man si Mando sa desisyon ng kaniyang asawa ay wala na siyang nagawa. Alam niyang malambot ang puso ng asawa at gagawin nito ang lahat upang makatulong. 

Advertisement

“Saglit lamang ito, Mando. Hanggang sa makabawi lamang ang amo ko. Kawawa naman sila sapagkat walang mag-aalaga sa kanilang anak. Baka lalong lumubog ang kanilang pamilya,” paliwanag ng kaniyang misis.

Inabot ng ilan pang taon ang pagsisilbi ni Nelia sa pamilyang Cordero. Minsan ay naaabutan siya ng kaunting pera ng mag-asawa na kaniya namang ipinapadala sa kaniyang pamilya.

Hanggang isang araw ay tuluyan na ngang nakabawi ang negosyo ng kaniyang mga amo.

“Makakauwi ka na, Nelia. Tanggapin mo itong pera na ito bilang kabayaran sa lahat ng paninilbihan mo sa amin,” sambit ng babaeng amo.

Nang buksan ni Nelia ang sobre ay nakita niya ang maraming pera.

“Salamat po, ma’am, malaking tulong po ito para sa amin,” naiiyak na saad ng ginang.

“Ngunit p’wede bang humingi ng kaunting pabor bago ka umalis? Pakisamahan mo naman ako dahil may lilinisin tayo,” pakiusap pa ni Ana sa kasambahay.

Agad na pinaunlakad ni Nelia ang amo sapagkat ito na ang huling gagawin niya para sa pamilya nito at makakauwi na rin siya.

Advertisement

Nagpunta sila sa isang malaking bahay. Magkatuwang sila ng kaniyang amo na nilinis ang bahay at nilagyan ng kaunting muwebles.

“Napakaganda naman ng bahay na ito, madam. Talaga pong nakabawi na kayo!” saad ng kasambahay.

Nang matapos ang kanilang paglilinis ay may iniabot ni Madam Anna ang isang susi sa kaniya.

“Sige, madam, ako na po ang magsasara ng bahay na ito. Magkita na lamang po tayo sa sasakyan,” wika ni Nelia.

“Itago mo na rin ang susi na iyan, Manang Nelia. Sapagkat simula ngayon ay diyan na kayo maninirahan ng inyong pamilya,” sambit pa ng among babae.

Gulat na gulat si Nelia sa kaniyang narinig.

“Hindi po ba kayo nagbibiro, madam?” umiiyak na niyang sambit.

“Mukha ba akong nagbibiro, Nelia? Ito ang titulo ng lupa. Sa iyo na iyan. Pasasalamat namin iyan ng aming pamilya dahil hindi mo kami iniwan lalo sa panahon na walang-wala kami. Maraming salamat sa pag-aalaga mo sa amin. Isa ka sa mga dahilan kung bakit kami nakabangon agad,” pahayag ni Anna.

Advertisement

Napayakap na lamang ang kasambahay sa kaniyang amo.

Maligaya si Nelia na ibinalita sa kaniyang mag-anak ang balita. Simula noon ay sa bagong bahay na sila nanirahan. Ang nakuhang pera ni Nelia ay inilaan nila para magtayo ng maliit na karinderya. Minsan ay dinadalaw pa rin ni Nelia ang kaniyang mga amo at tumutulong-tulong pa rin ito sa kanila.

Lubos ang pasasalamat niya sa pamilya na kaniyang pinagsilbihan ngunit mas higit ang pasasalamat ng mga ito sa kaniyang walang sawa at tapat na serbisyo sa kanila.