Tinawanan ng Nobyo ang Pangarap ng Kasintahan na Gumawa ng Sabon; Makalipas ang Ilang Taon ay Ikinabigla Niya ang Nangyari

Tinawanan ng Nobyo ang Pangarap ng Kasintahan na Gumawa ng Sabon; Makalipas ang Ilang Taon ay Ikinabigla Niya ang Nangyari

InspiringStoriesSuccess

“Sigurado ka na ba sa plano na iyan, Tin? Hindi ako makapaniwala na ipagpapalit mo ang propesyon mo bilang isang nars para lamang magtinda ng sabon. Sabon, Tin?!” napapailing na lamang ang kasintahan at mapapangasawa ng dalaga na si Jon. 

“Anong sama ng gagawin ko, Jon? Saka hindi naman basta sabon lang ito. Gawa ko ang mga sabon na ito. Dito ko talaga nakikita ang sarili ko,” tugon naman ng nobya. 

“Kaya binabalewala mo na lang ang lahat ng plano? Paano na lang ang kasal natin? ‘Yung usapan nating sa ibang bansa magtatrabaho at maninirahan. Lahat ng iyon ay wala na para lamang magawa mo ang mga sabon na ‘yan. Mag-isip ka nama, Tin!” mariing sambit ng binata. 

“Akala ko ba ikaw ang kakampi ko? Bakit ngayon ay hindi ka naniniwala sa akin? Ito ang gusto kong gawin, Jon. Dapat nga ay mas gawin ko ang lahat ng nais ko dahil bata pa ako at wala pa tayong pamilya. Ngayon ko hinihingi ang suporta mo hindi lang bilang kasintahan mo kung hindi bilang mapapangasawa mo,” saad naman ni Tin. 

“Mapapangasawa nga, e. Kaya dapat ay isipin mo rin ang magiging buhay natin! Pag-isipan mo, Tin. H’wag mong balewalain ang lahat. Isipin mo ang mas magandang kinabukasan. Hindi ‘yung dahil gusto mo lang at napapasaya ka,” muling giit ng nobyo.

Tatlong buwan na lamang bago ang kasal ng magkasintahang Tin at Jon. Simula hayskul ay magkarelasyon na ang dalawa. Napag-usapan ng dalawa na kukuha sila pareho ng kursong nursing at nang makapagtapos ay itinuloy ito ng binata sa pagdodoctor. Malapit nang matapos sa pag-aaral si Jon at sa wakas ay maisasakatuparan na nila ang pangarap na mangibang bansa. 

Ngunit nagkaroon ng agam-agam si Tin. Hindi kasi nito talaga nais maging isang nars. Ngunit wala na siyang nagawa pa dahil ito rin ang kursong gusto ng kaniyang ina dahil sa paniniwalang mas madali itong makakapagtrabaho sa ibang bansa. Hindi naman sila nagkamali dahil mabilis ngang natanggap si Tin patungong UK. 

“Bakit hindi mo matanggap ang nais kong gawin, Jon? Gusto ko lang namang subukan. Walang mawawala kung susubukan ko dahil lisensiyado pa rin naman ako,” pagpupumilit niya sa kasintahan. 

“Maraming mawawala, Tin! Bakit ba ganiyan ka?! Ang hilig mong manira ng plano,” galit na wika ni Jon. 

“Ako pa ang mahilig manira ng plano, Jon? Wala na nga akong ginawa sa buhay ko kung hindi sumunod sa lahat ng sinasabi ng iba sa akin na parang wala akong karapatang magdesisyon para sa aking sarili. Kung hindi mo matanggap ang gagawin ko ay mas mabuti pang iatras na natin ang kasal at ikaw na lang ang tumupad ng pangarap mo mag-isa,” nalulungkot na sambit ni Tin. 

“Bahala ka, Tin. Pero, h’wag mo akong sisisihin kapag hindi nagtagumpay ‘yang mga plano mo!” saad ng binata. 

Hindi man talaga nais ni Tin na iwan ang nobyo ay wala na siyang magagawa dahil hindi man lamang din siya nito pinigilan sa kaniyang paglisan. 

Ngunit parang sa unang pagkakataon ay tila nakahinga ang dalaga sa parang pagkakasakal sa kaniya. Alam niyang hindi magiging madali ang lahat ngunit pursigido siya sa kaniyang desisyon. 

Pinagsikapan ni Tin na gumawa ng magaganda at mababangong sabon. Nag-aral siya upang maisakatuparan ang kaniyang plano. Habang walang naniniwala sa kaniya at lahat ay dismayado sa kaniyang piniling daan ay hindi siya huminto dahil naniniwala siyang may kahihinatnan ang lahat ng kaniyang pagpupursige. 

Makalipas ang ilang buwan ay nabalitaan na lamang ni Tin na may ibang kasintahan na ang kaniya sanang magiging kabiyak. 

“Talagang wala na palang pag-asa ang lahat sa atin,” wika ni Tin kay Jon. 

“Hindi ba, ikaw naman ang may gusto nito. Saka sa tingin ko ay si Amy talaga ang para sa akin. Parehas kami ng mga pangarap sa buhay. May makakasama na akong tumupad ng gusto ko,” saad ng dating nobyo. 

Nalungkot man si Tin sa nangyari ay hindi niya hinayaan na pigilan siya ng nararamdaman sa pagkamit ng kaniyang nais. 

Lalo pa niyang pinagbutihan ang paggawa at pagbebenta ng sabon. Habang siya ay walang humpay sa pag-iiisip kung paano mapapalago ang kaniyang negosyo ay unti-unti ng nakakamit ni Jon ang nais na buhay sa ibang bansa. 

Nawawalan na ng pag-asa ang dalaga hanggang sa isang araw ay may isang negosyanteng nakapansin ng kaniyang produkto at nais niya itong subukan. Nang mapatunayan ang kalidad nito ay tinulungan siya nitong ibenta ng bultuhan. 

Unti-unting umulad ang kaniyang negosyo at ang kaniyang buhay. Ang dating mag-isa lang niyang pinaghihirapan na gawin na sabon ay may sarili ng pabrika at kumpanya. 

Isang araw ay nagkita silang muli ng dating kasintahan sa ibang bansa. 

“Masaya akong malaman na isang ganap ka ng doktor dito sa UK,” wika ni Tin. “Natupad mo na ang pangarap mo,” dagdag pa ng dalaga. 

“Tama ka. Isa na akong doktor at natupad ko na ang buhay na gusto ko kasama si Amy. Ikaw? Narito ka ba para maghanap ng trabaho?” tanong ni Jon. 

“Sabi ko na sa’yo, wala kang kinabukasan sa mga sabon mo –” hindi pa man nakakatapos ng sinasabi si Jon ay may tumawag kay Tin. 

“Ma’am, ready na po ang event. Hinahanap na po kayo doon,” wika ng babae. 

“Sige, susunod na ako, “ wika niya sa tauhan. 

“Tulad mo ay natupad ko na rin ang pangarap ko, Jon. Hindi ako narito para maghanap ng trabaho. Narito ako para sa pagpapalawig ng aking negosyo. Ang sabon na minaliit mo noon,” wika ng dalaga. 

Hindi makapaniwala si Jon sa naabot na ngayon ng dating kasintahan. Ito na pala ang nagmamay-ari ng isang malaking kumpanyang kilala sa buong mundo. Hindi niya akalain na magtatagumpay ang dalaga.

Mabuti na lamang ay naniwala si Tin sa kaniyang sarili at sa kaniyang kakahayan. Kung mas pinili sana niyang makinig sa sinasabi ng iba ay hindi niya mararating ang kaniyang narating ngayon.

More Stories