Pilit na Nag-Ipon ang Isang Binata ng Pamasahe Para Mapuntahan ang Inang OFW; Hindi Niya Akalain na Ito Pala ang Dahilan Kaya Hindi Ito Umuuwi

Pilit na Nag-Ipon ang Isang Binata ng Pamasahe Para Mapuntahan ang Inang OFW; Hindi Niya Akalain na Ito Pala ang Dahilan Kaya Hindi Ito Umuuwi

FamilyHeartbreakingStories

“Wow! Ang gaganda naman ng mga sapatos at damit. At ito pa ang daming tsokolate. Ayos na ayos ‘yan, Kurt!” masayang wika ni Angie sa kaniyang pamangkin na iniisa-isa ang laman ng balikbayan box na padala sa kanila. 

“Itong sapatos na ito ay bagay na bagay sa’yo, Kurt!” dagdag pa ng tiyahin. 

“O, bakit naman nakabusangot ang mukha mo riyan. Hindi ka ba masaya sa pinadala ng mama mo para sa iyo?” puna ng tiyahin sa binata. 

“Masaya naman po, tita. Sa katunayan nga po ay gusto ko ang lahat ng ito. Pero sampung taon na kaming hindi nagkikita ng mama ko. Madalang din kung magkausap kami. Mas maganda sana po kung siya naman ang umuwi at hindi na lang ang mga balikbayan box na ito,” tugon ni Kurt sa tiyahin. 

“Intindihin mo na lang ang mama mo, Kurt. Siguro ay abala lang talaga siya sa trabaho doon. Gusto kasi niya siyempre na mabigyan ka ng magandang buhay lalo na at magkokolehiyo ka na. Aba! Hindi ganoon kadali ang magpaaral sa kolehiyo,” pahayag ng kaniyang Tita Angie. 

“Aanhin ko ang lahat ng ito kung hindi ko rin siya makakasama? Saka mas mahalaga pa po ba ang trabaho niya kaysa sa akin? Ni sa loob ng sampung taon ay hindi niya ako magawang makasama man lang. Minsan pakiramdam ko tuloy ay ulilang lubos na ako. Wala na nga ang papa ko pati ang mama ko ay hindi ko pa nakakasama,” muling sambit ni Kurt. 

“Hayaan mo, Kurt, sasabihin ko sa mama mo ang lahat ng iyan. Sa ngayon ay i-enjoy mo muna itong mga padala ng mama mo. Sige nga at isukat mo itong sapatos!” magiliw na wika ng tiyahin. 

Hindi na halos matandaan ni Kurt ang itsura ng kaniyang ina noong huli silang magkita. Limag taon lang ata siya noon kaya sa mga larawan na lamang niya tinitignan ang ina. Hindi na kasi nakauwi pa ang ginang mula sa pagtatrabaho ito sa ibang bansa. 

Samantalang dalawang taong gulang pa lamang ang binata nang sumakabilang buhay ang kaniyang ama. Simula noon ay ang kaniyang Tita Angie na ang nag-alaga sa kaniya. 

Ang hindi alam ni Angie ay nag-iipon itong si Kurt para masundan ang ina sa ibang bansa. Nais kasi niyang supresahin ang kaniyang Mama Emma. Kung hindi kasi nito magawang umuwi ay siya na lamang ang pupunta sa kaniya. 

“Makakuha lang ako ng murang tiket patungong Singapore ay tutuloy na talaga ako,” sambit niya sa sarili habang tangan ang sulat ng ina na mayroong nakalagay na address.

“Mama, malapit na tayong magkita,” dagdag pa niya. 

Kaya para mas mabilis makaipon ay hindi gaanong gumagastos mula sa kaniyang baon si Kurt. Minsan ay gumuguhit din siya ng mga proyekto ng mga kamag-aral kapalit ang kaunting pera. Ilang buwan ang nakalipas at nabuo na niya ang pamasaheng kaniyang iniipon. 

Nangangamba man siya sapagkat tiket lamang papuntang Singapore ang kaniyang mabibili ay mas tumitibay ang kaniyang pag-aasam na sa wakas ay makikita niya ang kaniyang ina. 

Alam niyang hindi siya papayagan ng kaniyang Tita Angie na bumiyahe na mag-isa kaya tinakasan niya ito. Nag-iwan na lamang siya ng sulat nang siya ay umalis. 

Tita, patawad ngunit kailangan kong gawin ito. Nais ko pong surpresahin ang mama ko. Kung hindi niya magagawang umuwi ay ako na lamang po ang pupunta sa kaniya. Tiyak ako na maliligayahan siya sa gagawin kong ito. H’wag po kayong mag-alala sapagkat mag-iingat po ako. 

Iyan ang laman ng sulat ng binata. 

Sa pag-aalala, nang mabasa agad ng tiyahin ang sulat na ito ay agad itong bumili ng ticket patungong Singapore upang sundan si Kurt. dali-dali siyang nag-empake at lipad patungong ibang bansa. 

Habang si Kurt ay tuluyan nang nakatuntong ng Singapore na may damdaming naghahalong kaba at pagkasabik na mayakap ang ina. Sumakay siya ng taxi at ibinigay ang address kung saan matatagpuan ang kaniyang ina. 

Habang nasa daan ay pinatigil niya ang sasakyan upang bumili ng iilang bulaklak para sa kanilang pagkikita. 

Nang makarating sa nasabing address ay bumaba ang binata sa sasakyan. Doon sa labas ay nasilayan niya ang ina na papanhik ng gusali ng kaniyang tinitirhan. Nang akma na itong lalapitan ng binata ay may dalawang batang sumunod sa kaniya at tinawag itong “mama”. Kasunod ang isang lalaking umakbay at nagbigay ng halik sa ina. 

Hindi makapaniwala si Kurt sa kaniyang nakita. Bigla na lamang tumulo ang kaniyang luha. Imbis na ituloy na makipagkita sa ina ay sumakay na lamang si Kurt patungong airport nang hindi niya alam kung paano siya makakauwi. 

Nang makarating sa airport ay napaupo na lamang siya sa gilid at doon na siya tuluyang napaiyak. Ilang sandali pa ay natanaw niya ang isang panyo sa kaniyang harapan. Pagtingin niya ay tangan pala ito ng kaniyang Tita Angie. 

“Patawarin mo ako, Kurt. Hindi ko alam kasi kung paano sasabihin sa iyo. Ayokong masaktan ka,” bungad ng tiyahin. 

“Ngayon po ay maliwanag na sa akin, tita, kung bakit sa loob ng sampung taon ay hindi man lamang niya ako magawang dalawin. Mayroon na pala siyang ibang pamilya,” pagtangis ni Kurt. 

“Hindi totoo na nagpapadala ng mga regalo ang mama mo. Mula nang mag-asawa kasi siya dito sa Singapore ay hindi na ako nakarinig pa ng kahit ano mula sa kaniya. Kaya para hindi ka maghinala at malungkot ay bumibili ako ng mga kunwaring ipapadala sa iyo,” pag-amin ng tiyahin. 

“Paano po ang mga sulat at tawag, tita?” pagtataka ng ginang. 

“Ako lang din ang lahat ng iyon, Kurt. Patawarin mo ako sapagsisinungaling ko sa iyo. Ayaw ko lang talagang malungkot ka,” sambit ng ginang. 

Niyakap ni Kurt nang mahigpit ang kaniyang tiyahin. 

“Kahit naman wala ang mama mo, Kurt, narito ako. Mahal na mahal kita. Itinuring na kita bilang sarili kong anak,” dagdag pa ni Angie. 

Sabay nang umuwi si Kurt at Angie pabalik ng Pilipinas. Hindi na rin pinili ni Kurt na gambalain pa ang kaniyang ina kaya hindi na nila ito pinuntahan kahit na tinanong siya ng kaniyang tiyahin. Mas pinili na lamang niya ang umuwi. 

Para sa kaniya kasi, kung mahal talaga siya ng ina ay hindi siya nito tatalikuran. Ilalaan na lamang niya ang kaniyang pagmamahal sa tiyahin na tunay na nagmahal at kumalinga sa kaniya. 

More Stories