Hindi Baleng Mawala ang Kaniyang Pamilya Basta ‘Wag Lang ang Kaniyang Nobyo; Isang Mabigat na Kaparusahan ang Ninais ni Mister

“Oh! Niel, bakit kayo naparito’t karga-karga niyo pa ang sanggol niyong anak?” nahihintakutang tanong ni Chairman Suarez kay Niel.

“Chairman, pwede ko bang ireklamo ang asawa ko’t nais ko na rin sanang humingi ng tulong para makauwi kami ng probinsya,” ani Niel.

Seryoso lang ang mukha nito at blanko ang ekspresyon ng mukha. Tila may mabigat na problemang dinadala.

“Bakit mo naman irereklamo ang asawa mo?” Tanong ni Kapitan Suarez.

“Hindi lang po kasi ito unang beses na ginawa ni Lara sa’kin kap. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na niya akong niloloko. Nagtatrabaho ako sa Batangas nang malaman kong nabuntis siya.

Ang totoo’y nagduda ako no’ng una kong malaman ngunit inalis ko ang pagdududang iyon. Asawa ko siya kap e, at may tatlo na kaming anak. Pinapaamin ko siya kung anak ko ba talaga ang bunso namin,” ani Niel sabay tingin sa sanggol na bitbit.

“Kaso ang sabi niya’y totoong akin daw. Kaya sige akin na. Tinanggap ko ng buo na akin nga ang batang ito, lalo na no’ng ipinanganak na niya ang bata. Kontruksyon ang trabaho ko kap kaya kung saan-saan ako nade-destino.

Ipinagkatiwala ko sa kaniya ang mga anak namin. Tuwing Linggo rin ang sahod ko at ni minsan hindi nangyaring hindi ako nagpadala sa kaniya. Kaso kap nitong nakaraan Linggo, napilitan akong umuwi ng biglaan kasi tumawag sa’kin ang anak kong panganay na si Charice, sinasabing may sakit si bunso at nasa Montalban daw ang mama nila, kasama si Joseph, ang lalaki nito,” mahabang kwento ni Niel.

Advertisement

“A-ano?” Hindi makapaniwalang sambit ng kapitan.

Madalang lang mangyaring may magreklamo sa tanggapan nila na lalaking iniputan ng asawa. Mabibilang lang rin yata sa daliri niya sa kamay ang malamang may inang kayang pabayaan ang mga anak para sa lalaki.

“Anong gusto mong gawin ngayon, Niel?”

“Gusto ko pong umuwi ng probinsya. Doon na lang po kami maninirahan ng mga anak ko. Naroon naman ang mga magulang at pamilya ko. Alam kong hindi nila pababayaan ang mga anak ko. At gusto ko rin sanang tanggalan ng karapatan ang asawa kong si Lara na kunin ang mga anak niya kap,” desididong wika ni Niel. “Noon pong nasa ospital si bunso, ilang beses kong tinawagan si Lara, nagmamakaawa akong pumunta sa ospital, kasi nasa kritikal na kondisyon ang bunso naming anak. Ngunit imbes na pumunta’y nagalit pa siya sa’kin at sinabing wala na siyang pakialam sa’min kap,” mangiyak-iyak na wika ni Niel.

Hindi napigilan ni Kapitan Suarez ang mapasinghap ng malakas. “Ito pa lang yata ang unang beses na naringgan ko ang isang ina ng ganiyan, Niel. Kailanman ay walang inang kayang pabayaan ang mga anak nila, ngunit iba si Lara,” ani Suarez.

“Kaya nga po kap e. Kaya niyang mawala ang mga anak niya basta makasama niya lang ang lalaki niya.”

“Huwag kang mag-aalala, Niel. Tutulungan kitang hindi makuha sa’yo ni Lara ang mga anak niya. Hindi siya karapat-dapat maging ina,” ani Suarez. “Tutulungan rin kitang makauwi kayo sa probinsya niyo, Niel.

Kaso may gusto akong imungkahi sa’yo. Gusto mo bang malaman kung totoo ngang sa’yo ang anak mong bunso? Pwede kitang tulungan sa bagay na iyan,” mungkahi ni Kapitan Suarez.

Advertisement

Agad namang niyuko ni Niel ang sanggol na hawak. “Huwag na po, kap. Kung anak ko man si bunso o hindi ay hindi na po mahalaga. Basta para sa’kin po ay anak ko siya.

Pantay po ang pagtingin at pagmamahal ko sa mga anak ko. Hindi na po mahalaga sa’king malaman ang totoo. Kasi para sa’kin anak ko po talaga siya at mamahalin ko siya gaya ng mga ate at kuya niya,” nakangiting wika ni Niel.

Hindi mapigilan ni Kapitan Suarez ang mapangiti dahil sa madamdaming sinabi ni Niel. “Napakabuti mong ama, Niel. Tama ka. Kailanman ay hindi na magiging halaga kung sa’yo nga ang batang iyan o hindi. Sapat na ang sakripisyong ginawa mo at ang pagmamahal na binibigay mo sa kaniya upang masabing ikaw nga ang tunay niyang ama,” aniya sabay tapik sa balikat ni Niel.

Gaya ng ipinangako ni Kapitan Suarez ay tinulungan nga niya ang mag-amang makauwi sa Bicol at doon na manirahan. Nagtatrabaho pa rin si Niel upang suportahan ang apat na anak.

Hindi rin pinaboran ang pagkontra ni Lara sa kasong iginawad ni Niel sa kaniya. Hindi siya pinayagang kunin kay Niel ang apat na anak. Ngunit kahit papaano’y pinayagan siyang dalawin ang mga anak, dahil kahit papaano’y siya pa rin ang ina ng mga ito.