Inday TrendingInday Trending
‘Housewife For Rent’ ang Alok ng Babae sa Lalaki, Tatanggapin Kaya Nito ang Kanyang Serbisyo?

‘Housewife For Rent’ ang Alok ng Babae sa Lalaki, Tatanggapin Kaya Nito ang Kanyang Serbisyo?

“Pati pala asawa, nauupahan na?” gulat na sabi ni Trivino.

Sabi sa anunsyo: HOUSEWIFE FOR RENT – Masipag, mapagkakatiwalaan at Handang maglingkod sa bahay ng walang asawa. Maglalaba, magluluto, maglilinis, mamamalantsa at iba pa. Puwedeng arawan o buwanan ang bayad. Tawagan si Gweneth sa cell phone number na ito 09161234567.”

Nakita ni Trivino ang anunsyo sa dyaryo. Kapapanaw pa lamang ng kanyang asawa at hindi naman sila nagkaroon ng anak kaya wala na siyang ibang makakasama sa buhay.

Agad nitong tinawagan ang kaibigang si Bruce. Ibig niyang makuha ang opinyon ng matalik na kaibigan.

“Kasambahay ang trabahong hinahanap ng taong iyan, at hindi asawa,” paliwanag ni Bruce.

“Ang linaw, pare. Sabi rito sa dyaryo, ‘housewife,” tutol ni Trivino.

“Gimik lang, iyan,” dagdag ni Bruce, “para ma-intriga ka.”

Ang ginawa ni Trivino ay tinawagan ang nag-aalok ng serbisyo at gumawa ng appointment para sa isang interview.

Nagulat siya dahil ang dumating sa interview ay isang magandang babae na ang edad ay nasa dalawampu’t lima hanggang dalawampu’t walong taong gulang, humigit-kumulang. Maputi ang kulay ng balat, hindi siya kataasan, pero hindi rin maliit; may mahabang buhok, balingkinitan ang katawan, at maaliwalas ang pagmumukha. Mayroon itong mapupungay at magagandang mga mata. Ang labi ay mapula kahit na walang lipstick.

Ang inaasahan kasing makita ng lalaki ay isang may katandaan nang babae, maliit, mataba, at may mga kapintasan. Nagulat siya na ang dumating sa interview ay isang babaeng malakas ang personalidad at sadyang kaakit-akit.

“Talaga bang ikaw si Gweneth?” usisa niya.

“Bakit, may inaasahan ba kayong iba? Ako nga si Gweneth,” mahinahong sagot ng babae.

“Wala. Ikaw lamang ang aking inaasahan. Buweno, sa ilang pananalita ay maaari mo bang ilarawan ang iyong sarili?” tanong ng lalaki.

“Ako si Gweneth Simson, dalawampu’t walong taong gulang, dating may asawa, ngayon ay housewife for rent. Hindi nakapagtapos sa high school, ngunit marami akong alam na gawaing bahay,” anito.

“Niloko ako ng dati kong asawa at sumama sa ibang babae pero heto ako ngayon, patuloy na lumalaban at binubuhay ang aking sarili. Naghahanap ako ng bahay na matitirahan, at kung saan man ang bahay na iyan at kung kanino man ang bahay na iyan, ako’y handang magsilbi katulad ng pagsisilbi ng isang asawa,” sagot ng babae.

“Maaari kang maging saleslady, sekretarya, staff sa mga fast food chain. Bakit ibig mong manilbihan bilang isang housewife for rent?” naiintriga pa ring sabi ng lalaki.

“Hindi kasi ako natatanggap sa mga nasabi mong trabaho dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral,” sagot ni Gweneth.

“Ang nais ko ay maging isang live-in domestic helper. Bukod sa may suweldo na ako ay mayroon pa akong matitirahan,” sabi ng babae.

“Bakit hindi mo inilagay sa iyong anunsyo na ‘live-in domestic helper’; bakit ang inilagay mo ay ‘housewife for rent’?” nagtanong pang muli si Trivino.

“Ako’y naging mapagmahal at masunuring asawa at ang pagsisilbi ko noon sa aking naging asawa ay higit pa sa pagsisilbi ng isang kasambahay. Taga-laba, taga-luto, taga-linis, taga-hugas ng pinggan etc, at sa gabi ay mahusay na kasiping sa kama. Nagsilbi ako sa asawa ko na walang suweldo at sa huli lolokohin lang pala ako at ipagpapalit sa ibang babae. Ako ay mahirap pa sa daga ngayon at ang aking mga magulang at mga kapatid na nasa probinsya ay walang kakayahan na ako ay matulungan. Sila pa nga ang umaasa na ako ay makapagpapadala ng pera sa kanila,” wika pa ni Gweneth.

“Kung tatanggapin kita, gagawin mo ba ang lahat ng pagsisilbi na binanggit mo na ibinigay mo sa iyong asawa?” patuloy ni Trivino.

“A-ang ibig mong sabihin ay . . .”

“Oo, maging hanggang doon sa pagsiping sa gabi,” dugtong ng lalaki.

“Pasensya na pero hindi ako gaya ng iniisip mo. Hindi ako babaeng tila kalapati na mababa ang lipad. Huwag mo akong husgahan. Ang aking asawa lang ang una at huling lalaki na pinag-alayan ko ng aking pagkababae. Magkakasama tayo sa iisang bubong at maaaring magkakasama tayo sa iisang kuwarto, sa iisang higaan. Maaaring mangyari ang lahat ng iyan. Ngunit walang pilitan. Puwede kong isuko sa iyo ang aking kapurihan, kung iyan ang aking magiging pasya. Kapag gumamit ka ng dahas at lakas ay kaya kong ipagtanggol ang aking sarili, kung kaya’t mag-isip ka muna bago mo ako gamitan ng dahas. Ang ating kasunduan ay kasunduang ‘strictly business’, hanggang sa ito ay humantong sa higit na mataas pang kategorya,” paliwanag ni Gweneth.

Tinapos ni Trivino ang interview at sinabihan ang babae na siya ay magpapasiya sa darating na bukas.

Kinaumagahan ay nag-usap muli ang magkaibigang Trivino at Bruce sa cell phone.

“Pare, ibig ko siyang tanggapin sa trabaho ngunit may mga inaalaala ako. Hindi ko pa siya lubos na kakilala. Totoo kaya ang mga pinagsasabi niya. Baka siya ay magnanakaw o masamang tao. Kukunin ang loob ko, pagkatapos ay pagnanakawan lang ako o gagawan ako ng masama,” pag-aalala niya.

“Iyang laki mong iyan ay matatakot ka sa isang babae? Kung ako ikaw ay tatanggapin ko siya. Palay na ang lumalapit sa manok, ayaw mo pang tukain,” payo ng kausap.

Pinag-isipang mabuti ni Trivino kung ano ang kanyang gagawin. Nang makapagpasiya ay tinawagan niyang muli ang kaibigan.

“Bruce, ang pasiya ko ay hindi. Hindi ko tatanggapin sa trabaho si Gweneth.”

“Ano? Pambihira ka!. Palalagpasin mo ang isang napakagandang pagkakataon?”

“Hindi mo naiintindihan. Hindi kami nagkasundo sa suweldo.”

“Bakit, magkano ang gusto niyang suweldo?”

“Isang milyon sa loob ng isang taon, P84,000 buwan-buwan! Gusto pa may life insurance at health insurance, retirement at paid vacation benefits!” bunyag ng lalaki.

Napatawa nang malakas ang lalaki. Naisip niya na talagang matalino ang babae.

“Trivino, di ko akalaing tatanggihan mo si Gweneth. G*go ka, pare. Sorry, pero talagang g*go ka, kaibigan! Dahil lamang sa suweldo.”

Nagulat si Trivino, bago ang tanong sa kaibigan, “Bakit naman ako naging g*go?”

“Mangyari, unang-una, kaya mo namang magpasuweldo ng isang milyon dahil isa kang may-ari ng isa sa pinakamalaking kumpanya dito sa bansa. Pangalawa, hindi mo naisip na mas magastos pa ang tunay na asawa. Ang asawa ay may karapatan sa kalahati ng iyong yaman at pag-aari. Naranasan mong makapag-asawa ‘di ba? Hindi ba ibinahay mo siya, pinakain, binihisan, ibinili ng kotse, ipinasyal kung saan-saan, niregaluhan mo ng alahas, ipinagamot nang magkasakit, ibinili ng insurance, at lahat ng luho sa buhay? Magkano ang halaga ng lahat ng iyan? Ipinaglaba ka ba ng damit, ipinagluto ka ba, minasahe ka ba sa gabi? Ang asawa mo ay pinabayaan mong maging isang reyna. At sa bandang huli ay iniwan ka rin dahil nagkasakit ng malubha dahil napabayaan ang kanyang sarili,” paliwanag pa ng kaibigan.

Nag-isip nang malalim si Trivino. Pinag-aralan ng mabuti ang mga sinabi ni Bruce. Nagpalipas ng ilang araw bago gumawa ng pangalawang pagpapasiya tungkol sa pagtanggap kay Gweneth. Pagkatapos ay tinawagan niya ulit ang babae sa cell phone.

“Gweneth, ang sagot ko ay oo. Tanggap ka na sa trabaho,” aniya.

Napagtanto ni Trivino na tama ang kaibigan. Tutal nangangailangan din naman siya ng makakasama sa buhay, bakit hindi? Malay niya, humantong sila ni Gweneth sa pinakamataas na kategorya. Nakatulong na siya na magkaroon ito ng trabaho, nagkaroon pa siya ng pag-asa na makahanap ng bagong pag-ibig.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement