Maigting ang Pagnanais ng Isang Bata na Magkaroon ng Sariling Telebisyon; Higit Pala Rito ang Kaniyang Matatagpuan

Masayang nakikinood ng telebisyon ang si Tonton sa kanilang kapitbahay. Dahil walang sariling telebisyon ay pilit na inaakyat ng bata ang mataas na pader para lamang makinood. Masaya niyang tinatanaw mula sa malayo ang palabas kahit napakahina na lamang ng kaniyang naririnig. Ngunit sa tuwing makikita siya ng may-ari ng bahay ay lagi siyang kinagagalitan.

“Bumaba ka nga riyan, Tonton! Baka kapag nahulog ka pa ay masisi pa kami!” galit na sambit ni Mang Teban.

“Gusto ko lang naman pong makinood sa telebisyon niyo. Wala po kasi kaming ganiyan sa bahay,” saad pa ng bata.

“Umuwi ka na at huwag ka nang umakyat pa riyan sa pader! Kapag nakita pa kita ng isa pang beses nay ipapadampot na kita sa mga tanod ng baranggay,” saad muli ng ginoo.

Bunso sa tatlong magkakapatid itong si Tonton. Malaki ang pagitan ng edad nilang magkakapatid. Sa hirap ng buhay ay abala na ang lahat sa pagtatrabaho sa bukid. Maging ang kaniyang mga magulang ay nagbabanat ng buto kaya madalas ay naiiwan na lamang ito sa bahay.

Minsan ay nakikita mo siyang nakikipaglaro sa mga kaibigan. Ngunit madalas din ay pinapalayo ng mga magulang ng mga ito ang kanilang mga anak kay Tonton.

“Umalis ka nga at huwag kang makikipaglaro sa anak ko. Hindi nababagay ang isang kagaya mo na maging kaibigan niya. Bumalik ka na sa bahay niyo!” saad ng isang ginang.

Lalong masakit sa damdamin ni Tonton dahil narinig pa niya na ang pinakadahilan nito ay ang antas nila sa buhay.

Advertisement

Kaya upang malibang ay pilit siyang nakikinood ng telebisyon sa kapitbahay.

“Sinabi ko na sa iyo na tigilan mo ang pakikinood sa amin, hindi ba? Magpabili ka sa mga magulang mo ng sarili niyong telebisyon! Kung wala ay magtiis ka! Nakakaabala ka sa amin!” saad pa ng ginoo sabay sarado ng bahay nito. 

Nangingilid na ang luha ni Tonton nang isang matandang kapitbahay ang tumawag sa kaniya.

“Halika dito, hijo. Wala man akong telebisyon ay kukuwentuhan na lang kita,” wika ni Aling Ditas. 

“Marunong ka bang magbasa, Tonton? Maganda at nakakaaliw nga ang telebisyon pero wala pa ring tatalo sa pagbabasa ng aklat,” dagdag pa ng matanda.

“Hindi po ako nakapag-aral. Hindi na po kaya ng magulang ko ang paaralin ako. Ni pangalan ko nga po ay hindi ko alam isulat,” saad pa ng bata.

“Ganun ba? Simula ngayon ay dito ka na lang sa akin pumunta. Ako ang magtuturo sa iyo na magbasa at sumulat. Kaso kaunting tiis lamang at walang kuryente dito sa bahay. Pero ang ibabahagi ko sa iyo ay kaalaman na hindi mananakaw at maipagkakait sa iyo ng sinuman,” wika pa ni Aling Ditas.

Ng hapon na iyon ay binasahan ng libro ng matanda si Tonton. Labis ang kaniyang pagkamangha sa binasang kwento ni Aling Ditas.

Advertisement

Kinabukasan ay muli siyang bumalik sa bahay ng matanda upang magpaturong bumasa at magsulat.

Araw-araw ay ganito ang kaniyang ginagawa.

“Alam mo kung ano ang maganda sa pagbabasa ng aklat? Dadalhin ka ng imahinasyon mo kung saan-saan at wala itong hangganan,” saad ng matanda.

“Sana po ay tuluyan na akong matutong magbasa at magsulat,” wika naman ni Tonton.

Dahil sa pagkaaliw ni Tonton sa pagtuturo sa kaniya ng matanda ay sa tuwing dadaanan niya ang bahay ng may ari ng telebisyon ay halos hindi na niya ito nililingon. Nagkaroon siya ng uhaw sa pag-aaral.

“Gusto mo bang pumasok sa paaralan, Tonton? Maaari kita ipakiusap sa pamangkin ko na guro sa paaralan. Kung mayroon kang edukasyon ay malaki ang posibilidad na umangat ang buhay mo. ‘Yung telebisyon na inaasam-asam mo ay mabilis mo lamang makakamit,” sambit ni Aling Ditas.

Dahil sa kagustuhan ni Tonton na magbago ang takbo ng kaniyang buhay ay agad niya itong sinabi sa kaniyang mga magulang. Ngunit hindi agad sumang-ayon ang mga ito. 

“Hindi namin kayang paaralin ka. Mahihinto ka rin sa kalagitnaan. Papaasahin mo lang ang sarili mo. Bandang huli ay sa bukid ka rin pupulutin, Tonton. Ayaw naming bumagsak ka mula sa mataas mong pangarap,” saad ng ama. 

Advertisement

Ngunit naging pursigido siya sa pag-aaral. Tinanggap niya ang alok ni Aling Ditas at tinulungan siya nitong makapasok sa eskwela.

Lalong umigting ang pagnanais ni Tonton na makapagtapos ng pag-aaral. Handa na siyang gawin ang lahat upang matupad ito. Alam niyang suntok sa buwan ngunit tulad ng mga kwento sa kaniya ni Aling Ditas ay puno siya ng pag-asa. Alam niyang bandang huli ay magtatagumpay siya.

Pagkatapos ng eskwela ay dumederetso siya kay Aling Ditas upang magpaturo ng aralin.

“Kapag nakapagtapos na po ako ng pag-aaral ay pakakabitan ko kayo ng kuryente, Aling Ditas. Tapos ay bibilhan ko kayo ng malaking telebisyon. Pangako ko po ibabalik ko ang kabutihan niyo sa akin.,” saad pa ni Tonton.

“Sapat na sa akin na makita kang magtapos ng pag-aaral, Tonton,” saad pa ni Tonton.

Lumipas ang panahon at hindi man naging madali ay nakatapos na rin ng pag-aaral si Tonton. Sa unang pagkakataon sa kanilang pamilya ay mayroong nakatuntong sa paaralan at tunay na nakapagtapos.

Dahil sa talino at galing niya ay agad siyang nakakuha ng trabaho sa Maynila hanggang sa nakapunta na siya sa ibang bansa. Napagawan na niya ng bahay ang kaniyang mga magulang at naiayos na rin nito ang kanilang kalagayan.

Ngunit hindi pa rin niya nakakalimutan ang pangako niya sa matandang si Aling Ditas.

Advertisement

Sa pagbabalik ni Tonton sa kanilang lugar ay agad niyang pinuntahan ang matanda. Halos hindi na siya nakilala ng mga taga rito dahil sa laki ng kaniyang pinagbago. Ang dating anak ng magbubukid ay isang magaling na arkitekto na sa ibang bansa.

Labis ang tuwa ni Aling Ditas na muling makita ang binata. Iniabot ni Tonton ang dalawang nakarolyong papel sa matanda.

“Ano ang bagay na ito?” wika ng matanda.

“Ang unang pahina po ay ang aking diploma. At ang pangalawa naman ay plano ng bahay niyo,” saad ni Tonton.

“Tutuparin ko na po ang pangako ko sa inyo, Aling Ditas. Ipapagawa ko po ang bahay niyo, palalagyan ko kayo ng kuryente at bibilhan ng magara at malaking telebisyon,” saad pa ng binata.

Ngunit nagulat siya sa sagot ng matanda.

“Masaya ako sa nangyari sa buhay mo, Tonton. Ito lamang ay sapat na sa akin. Ngunit hindi ko kailangan ang lahat ng iyan. Nasanay na akong mabuhay ng walang telebisyon at sa tanda kong ito ay hindi ko na ito kailangan pa.

Kung gusto mo talagang makabawi sa akin ay nais kong tumulong ka sa mga kagaya mo ring bata noon na walang wala sa buhay ngunit puno ng pangarap. Nais kong maging daan ka upang magbago din ang kanilang mga hinaharap. Bigyan mo sila ng pag-asa para sa magandang bukas,” saad pa ng matanda.

Advertisement

Lalong humanga si Tonton sa kabutihan ng loob ni Aling Ditas. Ipinagawa pa rin nito ang bahay ng matanda at pinakabitan ito ng kuryente. Ngunit imbis na telebisyon ay maraming aklat at mga babasahin ang kaniyang ibinigay dito. 

Bandang huli ay tila naging munting paaralan ang bahay ni Aling Ditas. Nagtuturo siya sa mga bata na hikahos sa buhay upang matuto ang mga tio na magbasa at magsulat. Sinusuportahan naman ni Tonton ang pag-aaral sa ilan sa mga ito.

Minsan kapag nasa Pilipinas ang binata ay kasama siya ni Aling Ditas na nagtuturo sa mga bata.

Ibinahagi ni Tonton sa mga nangangailangan ang biyayang kaniyang natatanggap. Kahit na namapayapa na ang matanda ay patuloy pa rin si Tonton sa pagpapaaral ng mga kabataan bilang pag-alaala sa kagandahang loob ni Aling Ditas.