Masasakit na Salita ang Ibinato Niya sa Tiyahin na Istrikta; Grabe Pala ang mga Sakripisyo Nito Para sa Kaniya

“Tita, bar ‘yung pupuntahin namin, hindi pwedeng alas diyes y media pa lang ay uuwi na ako!” nagpapapadyak na pangangatwiran ni Janine sa kaniyang Tita Marilyn.

Hindi kasi sila nito magkasundo noong mga nakaraang araw.

Katatapos lamang ng kaniyang ika-labinwalong kaarawan. Akala niya ay mas magkakaroon na siya ng kalayaan dahil nasa legal na edad na siya.

Ngunit nagkamali siya. Saksakan pa rin nang higpit ang kaniyang Tita.

“Kapag sinabi kong hindi, hindi, Janine. Mamaya niyan ay mapahamak ka pa eh.”

“Pero Tita naman–”

“Sige, magpilit ka at hindi kita papayagan! Imbes na alas diyes ang curfew mo, grounded ka!” nandidilat na pananakot nito sa kaniya.

Sa sobrang inis na nararamdaman ay hindi niya na napigil ang bugso ng damdamin.

Advertisement

“Nakakainis ka, Tita! Kaya ayaw sa’yo ng mga friends ko, eh! Sana hindi na lang maagang nawala sila Mommy! Sana sa ibang kapatid na lang ako ni Mommy naiwan, hindi sa’yo!”

Kitang kita niya ang sakit na bumalatay sa mata ng tiyahin. Bago pa ito makapiyok ay tinalikuran niya na ito. Mabigat ang paang lumabas siya ng bahay.

Inis na inis siya sa Tita Marilyn niya. Masyado itong overprotective sa kaniya. Gusto lang naman niya ng kaunting kalayaan, hindi pa nito maibigay. Kailan ba nito mapagtatanto na hindi na siya bata at kaya niya na ang sarili niya?

Hindi niya tuloy maiwasan mahiling na sana ay sa ibang kamag-anak na lang siya naiwan, at hindi sa kaniyang Tita Marilyn.

“Hayaan mo na, malamang nagtataray na lang ang Tita mo dahil tumanda na siyang dalaga at hindi siya nakapag-asawa,” komento ng isa sa mga kaibigan niya nang ikwento niya sa mga ito ang nangyari sa kanila ng tiyahin.

“Malamang ganun siya ka-KJ kaya hindi nagka-jowa!” dagdag pa nito.

Malakas na nagtawanan ang mga ito.

Nais sanang makitawa ni Janine subalit sa kaibuturan ng kaniyang puso ay alam niya na ginagawa lang ng kaniyang Tita ang sa tingin nito ay nakabubuti para sa kaniya.

Advertisement

Isa pa, ito pa rin ang nagpalaki sa kaniya. Wala siyang karapatan na bastus bastusin ito.

Buong gabi siyang nginatngat ng konsensiya kaya naman alam niya na kailangan niyang humingi ng paumanhin sa tiyahin at bumawi rito.

Subalit hindi niya na iyon nagawa dahil sa hindi niya malamang kadahilanan ay masyado itong naging abala ng mga sumunod na araw. Umagang umaga pa lang ay aalis na ito at gabing gabi na itong dumarating. Isang linggo na itong ganoon.

Hindi na tuloy sila nagkaroon ng tiyansa na mapag-usapan ang nangyaring sagutan sa pagitan nila.

Kinabukasan, habang nasa eskwelahan siya ay isang masamang balita ang natanggap niya mula sa ospital.

Nabaril daw ang Tita Marilyn niya at kasalukuyan itong ginagamot sa ospital!

Umiiyak na sumugod siya sa ospital. Saan ba nagsususuot ang Tita niya at nabaril ito?

Palapit na siya sa silid nito nang makita niya ang pagpasok ni Tita Sheryl, ang matalik na kaibigan ng kaniyang tiyahin

Advertisement

Naiwan nitong nakaawang ang pinto. Papasok na sana siya nang maulinigan niya ang pag-uusap ng dalawa.

“Ano ba ang pinaggagagawa mo at nabaril ka?” narinig niyang usisa ni Sheryl.

“Nanakawan ako. Marami pala kasing snatcher sa lugar na napuntahan ko,” narinig niyang paliwanag ng tiyahin.

“At bakit ka naman napasuot sa ganoong lugar, aber?”

“Hinahanap ko ang tunay na magulang ni Janine.”

Tila pinagsakluban ng langit at lupa si Janine. Hindi totoong pumanaw na ang kaniyang Mommy at Daddy?

Nangingilid man ang kaniyang luha ay pinilit niyang patuloy na pakinggan ang usapan ng dalawang nakatatanda.

“Bakit? Hindi ba’t ayaw na ayaw mong mahiwalay kay Janine? Pinili mo pa nga ang bata kaysa ang pakasalan si Raul noon!”

Advertisement

Isa na naman iyong rebelasyon na mahirap tanggapin para kay Janine. Kilala niya ang Raul na sinasabi ni Sheryl. Ito ang first love ng kaniya Tita Marilyn. Hindi siya makapaniwala na siya pa pala ang dahilan kung bakit nag-iisa ngayon ang kaniyang Tita.

“Mahal ko si Raul noon, pero mas mahal ko si Janine. Itinuturing ko siyang parang totoong anak. Pero sinabi niya sa akin na hindi na siya masaya sa puder ko, kaya naisip na hanapin ang tunay niyang ina. Baka sakaling maging mas masaya si Janine doon,” umiiyak na bulalas ng kaniyang Tita Marilyn.

Tuluyan nang tumulo ang luha na kanina niya pa pinipigilan. Isa pala siyang malaking pabigat para sa babaeng nagmahal sa kaniya kahit na hindi niya ito kadugo. Hindi niya alam na napakalaki pala ng sakripisyo ng kaniyang kinikilalang tiyahin.

“Ano? Nahanap mo naman ba ang magulang niya?” tanong ni Sheryl.

Matagal bago nakasagot si Marilyn. “Oo.”

“Ibabalik mo na ba siya?” ani Sheryl.

“Oo, kung papayag siya.” Ramdam niya ang matinding kalungkutan sa boses ng kaniyang tiyahin.

Sa tindi ng bugso ng emosyon ay hindi namalayan ni Janine na napabuhanglit na pala siya ng iyak.

Advertisement

Nagulat na lang siya nang bumukas ang pinto at nakita siya ng dalawang matanda.

“Hija, bakit ka umiiyak? Ayos lang ako, ‘wag kang mag-alala.” May pilit na ngiti sa labi ng  kaniyang Tita Marilyn.

Pinunasan nito ang luhang naglalandas sa pisngi niya.

Lalo lang lumakas ang kaniyang pag-iyak. Hiyang hiya siya sa inasta niya rito. Hindi siya kadugo nito subalit minahal siya nito na parang tunay nitong anak.

At ano ang iginanti niya rito? Masasakit na salita at sama ng loob!

“Tita, narinig ko ang lahat ng pinag-usapan niyo ni Tita Sheryl,” anas niya.

Bumalot ang lungkot sa mukha nito.

“Kailan mo gustong bumalik sa magulang mo?” mahinang wika nito. Tila handa na itong palayain siya ng mga sandaling iyon.

Advertisement

“Hindi ako aalis, Tita. Hindi kita iiwan,” pinal na desisyon niya.

Gulat na napalingon ito sa kaniya. Bakas sa mata ang pagtataka.

“Hindi ba’t… hindi ba’t ayaw mo na sa akin?” malungkot na tanong nito.

“Bakit ko naman po aayawan ang taong nagpalaki sa akin? Sorry sa mga nasabi ko, Tita. Pinagsisihan ko agad ang mga ‘yun. Babawi ako sa’yo, Tita. Maraming maraming salamat sa pagpapalaki mo sa akin,” umiiyak na niyakap niya ang babae.

Naramdaman niya ang pagtulo ng mainit nitong luha sa kaniyang balikat.

Nakipagkita sila sa kaniyang tunay na magulang at sinabi niya sa mga ito ang desisyon niya na manatili sa tabi ng kaniyang Tita Marilyn, na naintindihan ng mga ito. Nakita raw ng mga ito na mahal na mahal siya ng itinuturing na tiyahin.

Nanatili siya sa tabi nito. Dahil tapos na ang panahong kailangan siyang alagaan, ang Tita Marilyn naman niya ang kaniyang inalagaan.

Patuloy siyang mananalangin na makahanap ito ng taong mamahalin ito habang buhay. At kung hindi man ito makahanap, sasamahan niya ito gaya ng pananatili nito sa kaniyang tabi.