Pinagtatawanan ang Dalaga Dahil Tila Nag-iisa Lamang ang Damit Niya; May Malalim na Dahilan Pala sa Likod Nito

“Rica! Halika na rito at handa na ang almusal!”

Nagmamadaling tinapos ni Rica ang pagbibihis bago siya dumulog sa hapag.

Naabutan niya ang ina na kasalukuyang ipinagtitimpla siya ng gatas.

“Anak, kumain ka muna bago ka pumasok,” yaya ng ina.

“Salamat po, ‘Nay,” nakangiting wika niya sa ina bago sunod sunod ang ginawang pagsubo ng pagkain. Alam niya kasi na male-late na siya. Ayaw niya lang masayang ang niluto ng ina kaya pinagbigyan niya ito.

“Baka naman mabulunan ka niyan, ‘nak,” natatawang puna ng kaniyang ina.

Mabilis niyang tinapos ang pagkain at halos patakbong tinungo ang pinto.

“‘Nay! Alis na po ako!” sigaw niya mula sa pinto bago dali-daling tumakbo. Nagbabakasakali siya na maaabutan niya pa ang bus na magdadala sa kaniya sa eskwelahan.

Advertisement

Nang makarating siya sa paaralan ay lakad-takbo ang ginawa niya para lang umabot sa klase. Alam niya kasi na nasa classroom na ang kanilang propesor.

“Sir, sorry, I’m late,” hiyang hiyang hinging paumanhin niya sa guro.

Nakakaunawang tumango naman ito bago siya pinapasok sa classroom.

Kitang kita ni Rica ang bulungan ng mga kaklase – bagay na nakasanayan na lang niya.

“Para sa pagtatapos ng semestre, magkakaroon kayo ng isang presentasyon. Magsimula na kayong mag-ensayo para masigurong mataas ang marka na makuha niyo. Maaari niyo ring imbitahin ang mga magulang niyo para naman makanood sila,” pagbabalita ng kanilang propesor bago matapos ang klase.

Agad nagpatawag ng meeting ang presidente ng klase nila na si Paula para magsimula na silang makapaghanda para sa nalalapit na presentasyon. Isang dula ang nais ipagawa ng kanilang guro.

“Itoka natin ang mga gawain para naman mabilis at mas magaan ang trabaho,” suhestiyon ni Paula na sinang-ayunan nang marami.

“Ako, may karanasan ako sa pag-arte, pwede ako maging artista,” narinig niya pagboboluntaryo ng isa nilang kaklase.

Advertisement

“Sige, Anne. Ililista ka na bilang artista,” pagpayag nito bago bumaling sa kaniya.

“Ikaw, Rica, pwede kang umarte ‘di ba? Naalala ko nung isang taon, napanood kita, eh. Ayos lang ba sa’yo umarte ulit?” tanong ng babae.

Nginitian niya ito bago siya sumagot. “Oo naman. Walang problema.”

Ayos na sana ang lahat ngunit may narinig siyang isang komento mula sa isang kaklase.

“Naku! Dapat kay Rica natin ipahanda ang mga susuotin na damit, eh! Para naman malaman niya na hindi lang iisa ang klase ng damit na pwede isuot sa school!”

Umugong ang malakas na tawanan. Walang ibang magawa si Rica kundi ang mapayuko sa sobrang hiya. Nahiling niya na sana ay bumuka ang lupa at lamunin siya.

“Oo nga, Rica! Bakit ba kasi hindi ka nag-iiba ng damit na suot? Araw araw ‘yang berdeng bestida ang suot mo? May pagkaluma na rin ang disenyo at may kaliitan na sa’yo. Ayaw mo ba bumili nang bago?” kuryosong tanong ng katabi niya.

Hindi malaman ni Rica ang isasagot.

Advertisement

“Naku, tigilan niyo na si Rica! Masyado kayong mga usisero at usisera!” saway ng kanilang presidente sa mga kaklase.

Pinukol niya ito ng nagpapasalamat na ngiti. Ito kasi ang madalas magtanggol kapag may naaapi sa kanilang magkakaklase.

Mabilis na lumipas ang mga araw. Dahil likas na magaling umarte ay si Rica ang napili na gumanap na bida. Halos araw araw silang nag-ensayo upang maging maganda ang kalabasan ng kanilang dula.

Excited na excited naman ang kaniyang ina. Inimbita niya kasi ito na manood ng kanilang presentasyon.

“Naku, anak! Ikaw ang bibida? Nakaka-proud ka naman,” komento pa nito.

Sumapit ang araw ng kanilang presentasyon. Lahat ay abala sa paghahanda upang masiguro na magiging perpekto ang lahat.

Ngunit nagkaroon si Rica ng isang malaking problema.

“Rica, hindi mo nga pwedeng isuot ‘yang damit mo. Kailangan mong palitan ang damit na inihanda naman para sa’yo dahil kung hindi, masisira mo ang konsepto ng dula.” Tila mauubos na ang pasensiya ng kaklase habang pinapaliwanagan siya.

Advertisement

“H-hindi ba talaga pwede? Nanonood kasi ang nanay ko, gusto kong itong damit na ‘to ang isuot ko,” paliwanag niya habang nakaturo sa kaniyang berdeng bestida.

“Hindi, magpalit ka na dahil magsisimula na,” matigas na desisyon nito bago siya miadaling magbihis.

Wala naman siyang magawa dahil ayaw niya rin namang madamay ang kalidad ng kanilang presentasyon dahil lang sa kaniyang personal na problema.

Nang makapagpalit siya ng damit ay buong paghanga siyang tiningnan ng mga kaklase.

“Wow, Rica! Bagay na bagay sa’yo ang damit na ‘yan! Dapat talaga madalas ka na magbago ng suot, eh! Itapon mo na ‘yang berde mong bestida!” udyok ng mga kaklase.

Hindi na lamang siya nagkomento at maayos niyang itinupi ang damit na hinubad.

Ilang minuto pa ang lumipas at nagsimula na ang dula.

Dahil sa kanilang sipag at tiyaga at naging matagumpay ang kanilang presentasyon. 

Advertisement

“Rica, congrats! Grabe ang galing galing mo, ikaw ang nagdala ng buong palabas! Ang ganda ganda mo pa!” buong paghangang puri sa kaniya ng kaklaseng si Paula.

Sasagot pa sana siya nang magdatingan ang kanilang mga kaklase, na puro papuri rin ang ibinato sa kaniya.

Kasalukuyan silang nagtatawanan nang lumapit sa kanila ang kaniyang ina.

Sa mukha nito ay may litong ekspresyon. Tila may hinahanap ito na hindi nito makita.

“Mga hijo, hija. Nakita niyo ba ang anak kong si Rica? Sabi niya kasi ay magbibida siya sa palabas pero hindi ko naman siya nakita,” narinig niyang tanong ng ina.

Namutla si Rica. Ang kanilang mga kaklase naman ay tila gulong gulo.

Bakit nga naman nagtatanong ang Nanay niya kung nasaan si Rica gayong nandoon siya, nasa harapan nito?

“Ay, Tita. Eto po si Rica, oh. Grabe po, napakagaling na anak niyo,” turo sa kaniya ng kaklase.

Advertisement

Nabalot ng pagtataka ang mukha ng kaniyang ina.

“Ha? Hindi, hindi ‘yan si Rica, hindi ‘yan ang anak ko!” tila takot na wika ng kaniyang ina. Litong luminga linga ito, hinahanap pa rin siya.

“Siya po si Rica, Tita. Iba lang po ang suot niya, pero si Rica po iyan,” pilit naman ng walang malay niyang kaklase.

Nagsimula nang lumuha ang kaniyang ina.

“Hindi nga ‘yan anak ko! Hindi ko kilala ‘yan!” umiiyak na sigaw nito.

Ang kaniyang mga kaklase ay hindi alam ang gagawin. Hindi maintindihan ng mga ito ang inaakto ng ina.

“Rica, ano bang nangyayari sa Mama mo?” litong usisa ng mga ito.

Imbes na sumagot ay umiiyak na tumakbo siya patungo sa banyo upang magbihis. Mabilis niyang sinuot ang kaniyang berdeng bestida at bumalik sa ina.

Advertisement

“Nanay!” tawag niya sa ina na noon ay nakalupasay na sa sahig.

“Rica! Anak ko!” Mabilis na nagliwanag ang mukha nito at niyakap siya.

“Sorry po, sumakit ang ulo ko, kaya iba po ang gumanap na bida para sa akin,” paliwanag niya sa ina upang hindi na ito magtaka.

“Akala ko nawala ka na eh! Nag-alala ako, anak!” tugon nito.

Nang tingnan niya ang reaksyon ng mga kaklase ay pawang nakanganga ang mga ito ay gulong gulo sa nangyari.

Kinailangan niyang magpaliwanag upang maintindihan ng mga ito ang sitwasyon ng ina.

“May sakit ang Nanay ko sa pag-iisip. Nagsimula iyon nung maaksidente ang buong pamilya namin, dahilan para masawi ang Tatay ko at ang kapatid ko,” paglalahad niya.

“Ang sabi ng doktor, hindi raw kayang tanggapin ng isip ni Nanay ang nangyari sa pamilya namin. Hindi niya nga ako makilala nang magising siya. Nagsisisigaw lang siya at pinalalayo ako. Pinayuhan lang ako ng doktor niya na subukan kong isuot ang damit ko noong araw ng aksidente. Noon lang ako nakilala ni Nanay.”

Advertisement

“Kaya simula noon, hindi ko na binago ang damit ko. Masakit kaya na hindi makilala ng sarili mong ina. Nakita niyo naman kanina, ‘di ba?” Humahagulhol na si Rica nang matapos siyang magkwento.

Tulala lang ang magkakaklase matapos siyang magkwento. Tila ni sa hinagap ay hindi naisip ng mga ito na may malalim na dahilan kung bakit paulit ulit lang ang damit na isinusuot niya sa eskwelahan.

“Sorry, Rica.” Iyon lang ang nasabi ni Jeff, ang kaklase niyang pinagtawanan noon at ang damit niya.

“Oo nga, Rica. Sorry, hindi naman namin alam,” segunda naman ng iba.

Ngumiti nang matamis si Ricas sa mga kaklase.

“Wala na ‘yun. Hayaan na natin. Masaya nga ako na nasabi ko na rin sa inyo, eh. Parang may nawalang kung ano na mabigat sa dibdib ko.”

“Grabe, nakakabilib ka, Rica!” komento naman ni Paula.

Nang pumasok siya ng sumunod na araw ay isang regalo ang nakita niyang nakapatong sa kaniyang lamesa.

Advertisement

“Para sa matapang na si Rica.” Iyon lamang ang nakasulat.

Nang tumingin siya sa paligid ay nakita niya ang mga kaklaseng nakangiti at nakatingin sa kaniya.

“Buksan mo na!” udyok ng mga kaklase.

Nang buksan niya ang regalo ay natigagal siya.

Isa iyong bagong bagong bestida na kakulay at katulad na katulad ng suot niya.

“Nag-ambagan kami para maipatahi namin. Napansin kasi namin na medyo maliit na ‘yang damit mo sa’yo,” paliwanag ni Paula.

Napaluha na lang siya sa sobrang tuwa at pasasalamat.