Hindi Maihinto ng Lalaki ang Paninigarilyo sa Kabila ng Paalala ng Asawa; Iniyakan Niya nang Todo ang Naging Epekto Nito

“Armando, wala ba talagang kasawa-sawa ang bibig mo sa paninigarilyo?” inis na sita ni Miring sa asawa na nakatambay sa kanilang balkonahe. 

Natawa lang ito. “Ikaw, wala bang kasawa-sawa ang bibig mo sa kakasaway?” 

“Hindi maganda ‘yan sa kalusugan mo! Gusto mo ba talagang mabiyuda ako nang maaga? Gusto mo bang mawalan ng tatay si Roy?” iritableng wika niya rito.

“Miring naman, sampung taon mo na ‘yang sinasabi. Heto ako’t buhay na buhay pa! Isa pa, alam mo naman na ito lang ang nag-iisa kong bisyo,” tila naiinis na na sagot ng asawa. 

Kunsumidong inirapan niya lang ito. Totoo naman kasi ang sinabi nito. Paninigarilyo lang ang kaisa isang bagay na maipipintas niya sa lalaki. Hindi ito nag-iinom, nagsusugal, o ‘di kaya ay nambababae. Masipag din itong ama kaya naman naibibigay nito ang pangangailangan ng pamilya nila.

Ngunit hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para sa asawa dahil alam niya na talaga namang masama sa katawan ang paninigarilyo, at nais niyang pigilan ito habang bata bata pa sila at hindi pa huli ang lahat.

“Bahala ka. Napakatigas ng ulo mo! Ako rin naman ang mag-aalaga sa’yo ‘pag nagkasakit ka!” asik niya sa lalaki bago nagdadabog na tinalikuran ito.

“Hindi ako magkakasakit! ‘Wag kang mag-alala,” pahabol na sigaw nitong lalo lamang niyang kinainis.

Advertisement

Dismayadong napailing na lang si Miring. Mukhang malabo nang magbago pa ang asawa.

Hanggang sa isang araw ay narinig niya itong umuubo nang walang tigil.

“Naku, ‘yan na nga ba ang sinasabi ko, eh! Dahil ‘yan sa kakasigarilyo mo!” agad na kastigo niya sa asawa habang naghahanda siya ng tsaa na makatutulong sa ubo nito. 

“Dahil lang ‘to sumugod ako sa ulan nung isang araw, ‘wag kang nag-iisip nang kung ano-ano,” saway naman nito, dahilan upang mapanatag siya kahit papaano.

Subalit ilang araw na ang lumipas ay wala pa ring tigil ang ubo ng asawa. Tila lumalala pa nga ito sa paglipas ng araw, kaya naman napagdesisyunan nilang kumonsulta sa isang doktor.

Makalipas ang ilang klase ng pagsusuri ay nakangiting ibinalita sa kanila ng doktor na hindi gumagaling ang asawa dahil kakaibang uri ng bakterya ang kumapit dito.

Niresetahan lamang ng antiobiotic ang asawa at pinauwi na rin ito ng doktor.

“‘Di ba sabi ko naman sa’yo? Simpleng ubo lang ‘to. Hindi ‘to dahil sa sigarilyo,” tila naninisi pa na komento ng asawa habang pauwi sila ng bahay.

Advertisement

Kaya naman hindi na siya muling nagsalita pa tungkol sa paninigarilyo ng asawa. Hinayaan na lamang niya ito sa gusto nito. Ayaw na rin kasi niya na pinagmumulan iyon ng hindi nila pagkakaunawaan.

Subalit isang pangyayari pala ang nakatakdang sumubok sa kanila.

Ilang linggo nang inuubo ang sampung taong gulang na anak nilang si Roy kaya naman nag-aalala na si Miring.

Habang lumilipas kasi ang araw ay palala lamang ito nang palala.

Kasalukuyan silang pinag-uusapan ang pagdadala nila sa anak sa ospital nang marinig nila ang takot na sigaw nito mula sa banyo.

“Mama!”

Tarantang dinaluhan niya ang anak at labis siyang nabahala sa nakita – sa bibig ng anak niya ay walang patid ang paglabas ng dugo habang wala itong tigil sa pag-ubo.

Nagmamadali nila itong isinugod sa ospital at halos hindi nila matanggap ang sinabi ng doktor tungkol sa kanilang anak.

Advertisement

“Ikinalulungkot kong ibalita na may k@nser sa baga ang inyong anak. Stage 2.”

Si Miring ay tila napipi at matagal na hindi nakapagsalita.

Si Armando naman ay tila nawalan ng lakas at nahahapong napaupo.

“D-dok, s-saan naman po maaring nakuha ng anak ko ang ganiyang sakit? Simula pagkabata ho ay alaga namin ‘yan sa bitamina at kung ano ano pang pampalakas ng katawan,” naluluhang tanong ni Miring sa doktor nang siya ay makabawi sa pagkabigla.

“Isa sa pinaka-karaniwan ay ang paninigarilyo. May naninigarilyo ba sa loob ng bahay?” usisa ng doktor.

“A-ako ho, D-dok,” utal utal na sabat ng kaniyang asawa. Sa mukha nito ay nakalarawan ang labis na pagsisisi.

Tila naman apoy na sumiklab ang galit ni Miring. Sumagi kasi sa isip niya ang halos araw-araw na pamumuna niya sa asawa na ni minsan ay hindi nito pinakinggan.

Hindi niya matanggap na ang kanilang anak ang kailangang magdusa para sa bisyo ng asawa na hindi nito magawang ihinto.

Advertisement

“Hindi ko sinasadya. Hindi ko naman gustong mangyari ito sa anak natin!” Umiiyak sa tindi ng pagsisisi ang kaniyang asawa.

“Alam ko, alam kong hindi mo ‘to ginusto. Hindi nga ikaw ang napahak, ‘yung anak naman natin na walang kaalam-alam. Kaya sana maging aral na ‘to sa’yo,” seryosong sermon niya sa asawa.

Sa unang pagkakataon ay nakita niyang nakinig ito. Ang matayog nitong pag-uugali ay naglahong parang bula.

“Sorry, anak. Hindi sinasadya ni Papa na magkasakit ka dahil sa akin,” umiiyak na hingi nito ng tawad sa natutulog na anak. Wala itong ibang magawa kundi hilingin na sana ay maibalik niya ang kahapon at sana ay nakinig ito. sa walang sawang paalala ng asawa.

Sa tulong ng isang espesyalista ay nalaman nila na maaaring operahan ang kanilang anak upang gumaling ito.

At laking pasasalamat nila sa Diyos nang maging matagumpay ang operasyon at tuluyan nang gumaling ang kanilang nag-iisang anak.

Isang malaking aral ang pangyayaring iyon sa buhay ni Armando. Agad agad nitong inihinto ang bisyo dahil ayaw nito na muling itulak sa kapahamakan ang mga mahal niya sa buhay.