Nagtataka ang Babae sa Sunod-sunod na Pag-inom at Pagkakaroon ng Bangungot ng Kaniyang Mister, Nakakagimbal Pala ang Matutuklasan Niya

“Mahal, may problema ba tayo?” malungkot na tanong ni Fina sa kaniyang kinakasamang ni Intoy.

“Wala naman, mahal, bakit mo natanong?” sagot ng lalaki habang naglalagay ito ng yelo sa kaniyang baso.

“Simula kasi nung nalaman mong buntis ako ay para masyado ka nang nag-iinom. Hindi ka ba masaya sa biyayang ito? Masyado ka bang kinakabahan? Namomroblema ka ba? Saan? Sabihin mo naman sa akin, mahal, kasi habang tumatagal ay kung ano-ano na lang ang naiisip ko. Baka napapangitan ka na sa akin kaya kailangan mo ng alak,” mangiyak-ngiyak na wika muli ni Fina rito.

“Naku, hindi, kung ano-ano na talaga naiisip mo. Pagod lang ako at kabado sa magiging kalagayan mo at ng magiging anak natin. Kinakabahan din ako sa mga gastusin at hindi ako makatulog nang maayos kakaisip kaya naman nag-iinom ako. Pampatulog ko lang ito, mahal, normal lang ito sa mga magiging tatay na,”  masayang sagot ni Intoy sa kaniya at saka hinawakan ang anim na buwan na niyang tiyan. 

Hindi naman na nakipagtalo pa si Fina at hinalikan na lamang sa pisngi ang lalaki saka siya pumasok sa kwarto.

Halos limang taon nang nagsasama ang dalawa bilang mag-asawa at dahil sa may edad na ay hindi na sila nakapagpakasal pa at masaya na lamang na namumuhay bilang mag-asawa kaya naman hindi talaga nila inaasahan na mabibiyayaan pa sila ng supling. Isang himala nga raw ito para kay Fina lalo na sa kaniyang edad. Alam niyang masaya si Intoy sa biyayang ito ngunit hindi rin niya maipagkaila ang pagbabago ng mister niya. Bukod sa palagi itong umiinom bago matulog ay napapansin niyang palagi ring itong binabangungot. Kaya laging mababaw ang tulog ng babae sa kakabantay sa kaniyang mister na matutulog.

“Panginoon ko, isa lang po ang dasal ko sa inyo at iyon ay ang kaligtasan namin ni baby at ang katinuan po ng asawa ko. Pahintuin niyo na po sana siya sa pag-iinom at bumalik ang dating lambing niya sa akin,” iyak ni Fina sa kaniyang panalangin nang sa wakas ay pumasok na si Intoy sa kanilang kwarto dahil sa kalasingan nito at natulog na lang bigla sa kaniyang tabi.

“Mahal, sana tumigil ka na sa pag-inom kasi nasasakatan ako ‘pag ganiyan ka. Kaya natin ito, makakayanan natin ang gastos maniwala ka,” bulong muli ng babae sa kaniyang mister at hinaplos ang pisngi nito saka niya tahimik na tinitigan ito at naghihintay na rin na siya ay makatulog.

Advertisement

Ngunit nang makuha na ni Fina ang kaniyang antok ay nagising siya bigla sa ungol ng kaniyang asawa na tila binabangungot na naman.

“Intoy, mahal, Intoy! Gising!” mahina niyang sampal sa lalaki ngunit hindi ito nagigising kaya naman dali-dali siyang bumangon at kumuha ng tsinelas para iyon ang isampal sa mukha ng lalaki dahil ito ang sabi ng mga nakakatanda sa kaniya para rin daw matigil na ang bangungot na ito. “Sorry, mahal, pero kailangan kong gawin ito,” pagpapa-umanhin muna niya kay Intoy saka malakas na inihampas ang tsinelas sa pisngi ng lalaki at napabalikwas ito ng gising.

“Mahal!” sigaw ni Fina saka binitiwan ang tsinelas at mabilis na hinawakan si Intoy na hinihingal.

“Mahal, binabangungot ka! Naka-ilang sampal na ako pero hindi ka pa rin nagigising, ano na bang nangyayari sa’yo?” nag-aalalang tanong ng babae.

Nakatulala pa rin si Intoy habang hinahabol ang kaniyang hininga. Saglit siyang napatingin kay Fina at mabilis na nabaling ang atensyon sa tiyan nito na kaagad naman niyang hinawakan.

“Ano na ba kasing nangyayari sa’yo? Bakit palagi ka na lang binabangungot? Magsabi ka naman kasi sa akin, asawa mo ako,” inis at nag-aalalang sabi muli ni Fina kay Intoy ngunit imbes na sumagot ang lalaki ay mas lalo niyang niyakap ang tiyan ni Fina at saka ito umiyak.

“Anak, patawarin mo si papa, anak, please, mahal na mahal kita,” wika ni Intoy sa tiyan niya.

“Fina, hindi ko na kaya, pakiramdam ko ay nilalamon ako ng kasalanan ko. Patawarin mo ako,” iyak pang muli ng lalaki sa kaniya na labis pang pinagtatakhan ngayon ni Fina.

Advertisement

“Fina, nung kabataan ko ay nagkaroon ako ng nobya at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabuntis ko siya. Pero dahil panganay ako at takot akong magkaroon ng sariling pamilya ay buong puso ko noong pinagdasal na mawala ang bata sa dinadala na niya,” siwalat ni Intoy habang patuloy ang agos ng mga luha nito.

“Tapos nagkaroon ng aksidente sa bahay nung babae at parehas silang pumanaw. Alam kong aksidente ang nangyari pero araw-araw akong binabangungot simula nang mabuntis ka at ang napapanaginipan ko ay isang tiyanak,” iyak pang muli ng lalaki at napahagulgol na ito.

“Bata pa ako noon at takot dahil wala akong kwentang tao kaya nagawa kong humiling ng ganun pero ngayon na dinadala mo ang anak natin pakiramdam ko ay minumulto ako ng kahapon,” sabi pang muli ni Intoy. Hindi naman malaman ni Fina ang kaniyang magiging reaksyon dahil sa bigat ng isiniwalat sa kaniya ng asawa. Pinatahan na muna niya ang lalaki at kinabukasan ay pinuntahan nila ang puntod ng dati nitong nobya at ang bata na hindi na nabigyan pa ng lapida.

“Humihingi kami ng paumanhin kung hindi kayo nagkaroon ng maayos na buhay noon nandito pa kayo sa lupa at hinihingi ko na rin ng tawad si Intoy sa mga naging kasalanan niya sa inyo. Sumalangit nawa ang inyong kaluluwa at bigyan niyo rin kami ng pagkakataon na maging isang magulang sa batang dinadala ko,” sabi ni Fina sa puntod ng babae saka ito nagtirik ng kandila habang si Intoy naman ay tahimik na nagdarasal sa kandilang itinirik din niya.

Simula noon ay unti-unting natanggap at napatawad ni Intoy ang kaniyang sarili at pinangakong magiging isang mabuti siyang ama at hindi-hindi na niya sasayangin pa ang pagkakataong ito na ibinigay sa kaniya ng Diyos.