Nakapulot ng Maletang Naglalaman ng Pera ang Isang Ginoo; Imbis na Matapos ang Problema ay Nagdulot Pa Ito ng Higit na Suliranin

Pagod at tumatagaktak na ang pawis ni Lyndon habang tinatahak niya ang kahabaan ng kalsada patungo sa aaplayan niyang trabaho. Halos pinanghihinaan na siya ng loob sapagkat isang buwan na simula noong magtanggal ng tauhan sa pinagtatrabahuhan na kumpanya. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nahahanap na kapalit.

Nais man niyang itigil na lamang ang paghahanap ngunit alam niyang sa kaniyang pag-uwi ay may naghihintay sa kaniyang pamilya na kumakalam ang sikmura.

“Bakit kasi ang malas ng buhay ko na ‘to? Sa dinami-dami ng matatanggal ay kailangang kasama pa ako. Paano na lang kaya ang asawa at anak ko?” sambit niya sa kaniyang sarili.

Pagdating niya sa gusali ay agad niyang inayos ang kaniyang sarili ngunit lubos ang pagkabigong kaniyang naramdaman nang sabihin sa kaniya na may nakuha na para sa posisyong kaniyang nais.

“Kahit janitor na lang po o kahit anong trabaho, baka meron kayong bakante? Ayos lang sa akin kahit ano,” giit ni Lyndon.

“Walang bakante. Pakiusap, umalis ka na at nakakaabala ka sa mga dumaraan,” sambit ng guwardiya. 

Muli ay uuwi siyang bigo at walang trabaho. Iniisip niya ngayon kung saan pa kukuha ng pera para may paipangtustos sa kaniyang mga anak. Halos masiraan na siya ng bait sa kakaisip kung paano bubuhayin ang kaniyang pamilya.

Inabot na siya ng gabi sa paglalakad. Tinitipid niya kasi ang natitirang pera sa kaniyang bulsa upang kinabukasan ay mayroon siyang magagastos sa paghahanap ng trabaho.

Advertisement

Nang paliko na siya sa isang eskinita pauwi sa kanila ay nakita niya ang isang maleta na nasa damuhan. Sa kaniyang pagtataka ay nilapitan niya ito at saka niya binuksan. Laking gulat niya nang tumambad sa kaniya ang limpak-limpak na pera!

“May nagbibiro kaya sa akin?” sambit nito sa sarili habang nanginginig dahil sa takot at pangamba.

Lumingon siya sa kaniyang paligid at nanatili ng ilang sandali. Nang wala talagang kumukuha sa maleta ay agad niya itong kinuha at nagmadaling makauwi ng kanilang bahay.

Sa kaniyang paglalakad ay nakita siya ni Mang Lito, isang magbobote na madalas sa lugar na iyon.

“Ginabi ka na yata sa pagtatrabaho, Lyndon. Ngayon ka pa lang ba pauwi? Siguro maganda ang trabaho mo ngayon dahil de-maleta ka na,” tanong ng ginoo.

Tumango lamang si Lyndon sa lalaki at patuloy ang kaniyang paglalakad. Halata ang pangamba sa mukha nito at sa pawis na tumatagaktak.

“Ayos ka lang b, Lyndon? Masama ba ang pakiramdam mo?” tanong muli ni Mang Lito.

“Ayos lamang po ako, Mang Lito. Sige po at mauuna na ako kasi masakit na talaga ang tiyan ko,” tugon naman nito at kumaripas na ng takbo pauwi. 

Advertisement

Nang makauwi sa bahay ay agad niyang itinago sa drum na nasa tabi ng kanilang pinto ang maleta at saka siya sinalubong ng kaniyang mag-iina.

“Kumain na ang mga bata, Lyndon. Nangutang lang ako ng sardinas sa tindahan. Tinirhan ka namin ng ulam, kumain ka na,” bungad ng misis.

“Kumusta ang paghahanap mo ng trabaho? Ayos ba?” sambit ng asawang si Marites.

“Oo, nakahanap na ako ng trabaho. Sandali lang at magbibihis lang ako, Marites,” tugon niya sa asawa.

Pinagsaluhan nilang mag-asawa ang pagkain. Nang kinagabihan at tulog na ang lahat ay saka lumabas si Lyndon upang kuhain ang maleta. Doon niya pinagmasdan ang sangkaterbang perang laman nito.

“Diyos ko, maraming salamat. Alam kong hulog ito ng langit! Ngayon ay hindi ko na porpoblemahin pa ang perang pantustos sa pamilya ko!” wika pa ng ginoo.

Unti-unting ginastos ni Lyndon ang pera. Laking tuwa naman ng kaniyang pamilya dahil simula noon ay bumuti na ang lagay ng kanilang buhay.

Ang alam ni Marites ay maganda ang trabaho ng kaniyang asawa at malaki ang sahod nito.

Advertisement

Dahil noon lang nakahawak ng ganung kalaking pera si Lyndon ay kabi-kabila ang kaniyang paggasta. Nariyang magbakasyon sila ng kanilang pamilya at bumili ng kung anu-anong gamit.

Nagtataka na si Marites kung saan talaga nanggagaling ang perang kanilang ginagastos.

“Sigurado ka bang pinayagan ka ng boss mo na magbakasyon? Ang pagkakaalam ko kasi ay mahigpit ang mga kumpanya sa ganiyan. Pero ikaw, pinayagan ka ng buong isang linggo at mayroon ka pang sahod,” sambit ni Marites. 

“Magtiwala ka sa akin at lasapin mo na lang ang kaligayahang natatamasa natin ngayon. Hindi araw-araw ay nararanasan natin ang ganito,” tugon naman ng mister.

Ngunit ang hindi alam ni Lyndon ay sa kanilang pagbabalik mula sa kanilang bakasyon ay magsisimula na ang bangungot ng kaniyang buhay.

Ang pera palang kaniyang nakuha ay galing sa ipinagbabawal na gamot. Itinapon ito ng isang lalaking nagtraydor sa kanilang grupo at kalaunan ay nap@tay rin. Pilit itong pinahanap ng kanilang boss. 

Nang magtanung-tanong ang mga tauhan ay napagtanungan nila si Mang Lito. At doon nga ay nabanggit niya na nakita niya ang parehas na maleta kay Lyndon.

Hinanap ng mga tauhan ang kanilang tinitirhan. Mabuti na lamang at wala sila sa bahay kung hindi may masama ring nangyari sa kanila. Nang buksan ni Lyndon ang bahay ay nagulantang siya sa nangyari. Magulo ang lahat at animo’y binagyo.

Advertisement

Laking takot ni Marites sa kanilang natagpuan. Lalo pa nang makita niya ang isang papel sa sahig. Nang basahin niya ito ay lalong nanindig ang kaniyang balahibo sa takot.

“Lyndon, anong ginawa mo? Saan ba talaga galing ang pera? Tingnan mo ang sulat na ito kung hindi mo raw ito ibabalik ay babalikan nila ang mga anak natin!” halos manghina sa takot si Marites. 

“Patawarin niyo ako. Kasalanan ko ang lahat ng ito. May nakita akong maleta at naglalaman ito ng maraming pera. Alam ko na ito na ang sagot sa lahat ng problema natin. Kahit hindi ko alam kung kanino o saan ito nanggaling, inangkin ko ito. Patawad kung nagsinungaling ako sa kagustuhan kong maranasan niyo ang masaganang buhay,” pagtangis ni Lyndon.

Nais mang lisanin ni Lyndon ang lugar ay alam niyang kahit saan sila magpunta ay matutunton sila ng sindikato at lalong mapapahamak ang kaniyang pamilya.

Kaya nagdesisyon siyang tapusin ang lahat at pinili niyang makipagkita sa mga ito upang isauli ang pera. Bago siya umalis ay nagbilin siya sa kaniyang asawa.

“Ano man ang mangyari sa akin, mahal, ay tatagan mo ang loob mo. Tandaan mo na mahal na mahal ko kayo ng mga bata,” wika ni Lyndon sa asawa.

Nang makipagkita siya sa sindikato ay tinanggap na niyang nasa hukay na ang kaniyang mga paa. Labis ang pagsisisi habang paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isipan na kung sana ay maibabalik lang niya ang mga sandali.

“Panginoon, kung bibigyan Niyo pa ako ng isang pagkakataon ay pipiliin ko nang mamuhay ng patas. Hindi baling maliit ang kita at kumakalam ang sikmura basta galing ito sa marangal,” maigting niyang panalangin.

Advertisement

Desidido ang mga sindikato na huwag na siyang buhayin. Sa kalagitnaan ng madilim na daan kung saan niya iiwanan ang maleta ay may nag-aabang sa kaniyang lalaking kik!t*l ng kaniyang buhay. 

Ngunit bago pa lamang niya maibaba ang maleta ay biglang nagsidatingan na ang mga pulis na matagal na pa lang nakamanman sa kanila. Nang makaalis kasi si Lyndon sa kanilang bahay ay agad na nagtungo sa pulisya si Marites upang i-report ito. Mabilis na umaksyon ang mga pulis upang mahuli at matigil na rin nag operasyon ng mga sindikato.

Hindi makapaniwala si Lyndon sa bilis ng mga pangyayari. Natupad ang kaniyang dalangin.

Habang inaaresto ang mga miyembro ng sindikato ay tila nakalimutan muli ng mga pulis ang maletang may lamang pera.

Pinakatitigan ito ni Lyndon. Isang matamis na ngiti ang nabanaad sa kaniyang mukha. Sa pagkakataong ito ay alam na niya ang gagawin.

“Boss, ito po ang pera mula sa sindakto. Isinasauli ko na po ito sa inyo. Mas nanaisin ko pa na maging mahirap kaysa maging magulo ang buhay namin,” saad niya sa pulis. 

Nang iabot niya ang maleta ay tila nakahinga na siya ng maluwag. Doon ay napagtanto niya na wala nang hihigit pa sa kapayapaan ng kaniyang isipan.

Pinili ni Lyndon at ng kaniyang pamilya na magsimulang muli. Nagpagtanto niya na hindi sa lahat ng pagkakataon ay pera ang kasagutan.

Advertisement

Sa puntong ito ay mas matibay na ang kaniyang loob na magpursige sa paghahanap ng trabaho dahil sa nangyari sa kaniya.