Sinaktan ng mga Mamamayan ang Kanilang Kabarangay na Hinihinala Nilang Aswang; Ngunit Tila Nagkamali Yata Sila ng Taong Pinaghinalaan

Sinaktan ng mga Mamamayan ang Kanilang Kabarangay na Hinihinala Nilang Aswang; Ngunit Tila Nagkamali Yata Sila ng Taong Pinaghinalaan

HeartbreakingMysteryStories

Naalimpungatan si Corazon sa mga hiyaw na nagmumula sa labas ng kaniyang bahay kaya naman bumangon siya at nagpasiyang lumabas upang silipin sa bintana kung ano ang nangyayari.

Ngunit ganoon na lang ang kaniyang gulat, nang bigla na lamang siyang pagbabatuhin ng mga taong nakapalibot sa labas ng kaniyang bahay!

“Aswang!”

“Lumayas ka rito!”

“Aswang ka! Salot!”

Litong-lito si Corazon kung ano ang sinasabi ng mga tao, ngunit wala siyang nagawa upang pigilan sila nang magsimula silang pagbabatuhin siya!

“Ikaw ang dahilan ng pagkawala ng mga anak namin! Aswang ka!” paulit-ulit na anang mga ito.

Maya-maya pa ay bigla na lamang siyang tinamaan ng bato sa kaniyang noo. Agad siyang nakaramdam ng pagkahilo!

Naramdaman niya ang pag-agos ng dugo mula sa bahaging iyon na siyang tinamaan ng buhay na bato, ngunit hindi iyon ang kaniyang iniinda. Mas masakit kasi ang naririnig niyang sinasabi nila tungkol sa kaniya.

Talamak na naman kasi ang pagkawala ng mga batang nakatira sa kanilang lugar, at sa kaniya na naman isinisisi ng mga ito ang lahat. Dahil sa kakaiba niyang hitsura at kilos ay tila ba hindi tao, kundi isang uri ng hayop o halimaw ang tingin sa kaniya ng mga kabarangay.

“Wala akong ginagawang kasalanan, maniwala kayo!” pilit na pagpapaliwanag ni Corazon habang pilit na ipinanlalakad ang kaniyang balikong paa. Ngunit imbes na kaawaan ay tila pinandirihan pa siya ng mga tao nang masilayan nila ang mga butlig at pantal na tumutubo sa kaniyang buong mukha at katawan!

“Walang maniniwala sa ’yo!” sagot naman ng isa, na siyang isa sa pinakamagagandang dalaga sa kanilang barangay. Si Winona.

Bumaling ito sa kaniyang mga kasama bago nagsalita, “Mga kabarangay, nakita ko kagabi nang magpalit siya ng anyo! Siya ang halimaw na nangunguha ng bata dito sa ating lugar!” pagsisinungaling pa ni Winona sa hindi niya malamang dahilan.

“Hindi totoo ’yan!” giit naman ni Corazon. “Hindi ako aswang! Hindi ako halimaw! Pakiusap, tigilan n’yo na ako!” umiiyak nang pakiusap niya ngunit ayaw pa rin siyang tigilan ng mga tao at nagsimulang pagbabatuhin.

Napaupo na lamang si Corazon habang itinatakip ang sariling mga kamay at braso. Nagdarasal siya sa Panginoon na sana ay kunin na lamang siya upang matapos na ang kaniyang paghihirap.

Nasa ganoon silang tagpo nang bigla na lamang silang makarinig ng sigaw. “Mga kabarangay, tigilan n’yo na si Corazon! Wala siyang ginagawang masama!”

Isang tanod ang biglang pumigil sa karahasang ginagawa sa kaniya ng mga tao.

“Ano’ng ibig mong sabihin, Tasyo? Hindi ba’t itong si Corazon ang aswang? Nakita mismo siya ni Winona na nagpapalit ng anyo! Siya ang kumuha sa mga anak namin!”

“Kalokohan!” sigaw ng tanod na si Tasyo. “Walang ibang aswang dito kundi ang pamilya ni Winona!” bulalas ng tanod.

Nabigla ang lahat sa kanilang narinig kaya’t nagsimula ang pagbubulungan.

“Nakita na ang mga anak n’yo. Naroon sila sa barangay. Isang bata ang nakatakas mula sa pagkakakulong nila sa bodega ng pamilya nina Winona. Ang pamilyang sindikato na siyang nangunguha ng mga bata upang pagkakitaan sa pamamagitan ng panlilimos nila sa Maynila!” hiyaw pa nito.

Doon ay tila naliwanagan ang lahat! Kaya pala pilit na idinidiin ni Winona si Corazon, ay dahil pinoprotektahan nito ang kaniyang pamilyang sindikato!

Biglang nabaling ang tingin nila sa dalaga na noon ay akma nang tatakasan sila! Ngunit bago pa nito nagawa iyon ay nakuyog na siya ng kaniyang mga kabarangay at ang mga sumunod na nangyari ay halos hindi na kayang tingnan ni Corazon.

Gusto niyang magpasalamat sa Diyos dahil nalinis ang kaniyang pangalan, ngunit halos hindi na siya makagulapay sa mga pinsalang natamo. Bago tuluyang mawala ang kaniyang ulirat ay nakita niyang nilapitan siya ni Tasyo at ng isa pang tao at binuhat siya ng mga ito.

Panay ang hingi ng paumanhin ng mga tao kay Corazon matapos nilang malaman ang katotohanan. Halos wala silang mukhang maiharap sa kaniya! Ganoon pa man, dahil likas na may mabuting puso ay pinatawad sila ng babae.

“Napakabait mo, Corazon. Pangako, hinding-hindi ka na namin ituturing na iba, dahil lang sa iyong hitsura. Sana ay mapatawad mo kami sa aming nagawa.”

Ngiti lang ang isinagot ni Corazon sa kaniyang kapitbahay. Sa ngayon ay nahuli na ang ama ni Winona at nakasuhan na ito sa ginawa nitong kasalanan. Bukod doon, mas naging maayos na ang turing sa kaniya ng kanilang mga kabarangay at kailan man ay hindi na ulit siya sinaktan ng mga ito.

More Stories