Sinundan Niya ang Empleyado Dahil Tumanggi ito sa Libre; Asawa Niya Pala ang Gusto Nito!
“Kristel,” tawag ng kanilang manager na kung tawagin nilaʼy Madam Hanna kay Kristel habang siyaʼy nagmamadaling magligpit ng puwesto sa opisina.
“Bakit po, maʼam?” agad naman niyang tugon at inihinto ang kaniyang ginagawang pagliligpit upang harapin ito bilang tanda ng respeto.
“Sumama ka sa amin mag-lunch ngayon. Treat ko. Never ka pa kasi naming nakasamang kumain ng lunch, e,” pag-aalok ng kaniyang boss gamit ang seryosong tono. Kilala kasi itong mahilig manlibre sa mga empleyado ngunit si Kristel ay hindi kailan man sumama rito.
“Ay, pasensiya na po, maʼam. May kasabay na ho kasi akong kumain tuwing tanghalian kaya ho hindi ako makakasabay sa inyo. Babawi na lamang ho ako. Susubukan ko hong humabol mamaya,” hinging paumanhin naman ni Kristel sa kaniyang Madam Hanna.
Naningkit ang mga mata ni Madam Hanna habang sinusundan ng tingin ang papalayong pigura ni Kristel.
“Saan nga ba pumupunta ang empleyado kong iyon?” sa isip-isip pa niya habang naiiling.
“Maʼam, tuloy pa po ba tayo? Nagtatanong po ang restaurant para sa confirmation ng reservation po natin,” biglang tanong ng kaniyang sekretarya na nasa kaniya na palang likuran.
“I-cancel mo muna. May pupuntahan lang ako,” sagot naman niya. Napagdesisyonan niyang sundan si Kristel. Hindi niya alam kung bakit pero parang may kung anong nagtutulak sa kaniya na sundan ito.
Sakay ng kaniyang kotse ay sinundan ni Madam Hanna si Krsitel, hanggang sa huminto ito sa isang fast food chain at sinalubong ito ng isang lalaki.
“B-Bernard…” sambit ni Madam Hanna nang makilala ang lalaking ngayon ay kayakap ni Kristel. Walang iba kundi ang kaniyang asawang si Bernard!
Ito pala ang dahilan kung bakit ni minsan ay hindi sumama sa kaniya si Kristel. Napakailap nito sa kaniya at halos hindi siya nito matingnan sa kaniyang mga mata dahil inaahas pala nito ang kaniyang asawa!
Huminga nang malalim si Hanna. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata upang makalma siya. Minabuti niyang pairalin ang kaniyang pagiging edukada at kumuha siya ng maraming ebidensya.
“Good morning, Kristel!” binati ni Madam Hanna ang kaniyang ahas na empleyado.
Tila bigla naman itong kinabahan at nayuyukong gumanti sa kaniya ng pagbati.
“G-good morning po, madam,” sagot naman nito sa kaniya.
“Howʼs your date with my husband yesterday?” walang kagatol-gatol niyang tanong sa kaniyang ahas na empleyado na tila ikinabigla nito nang matindi!
“P-po?” maang pang tanong nito.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone sa bulsa niya at ipinakita kay Kristel ang mga litratong nakuha niya habang kumakain ito kasama ang kaniyang asawa. Habang magkayakap silaʼt habang silaʼy papasok sa isang motel!
Nabigla ang babaeʼt tila naestatwa sa kaniyang kinatatayuan, habang si Madam Hannaʼy napapangiti naman.
“Youʼre fired,” kalmado ngunit mariing pagkakasabi pa ni Madam Hanna na ikinapanlaki ng mga mata ni Kristel. Pahiyang-pahiya ang babae sa naging pagkumpronta sa kaniya ng asawa ng kaniyang nobyo!
Walang nagawa si Kristel kundi tumakbo paalis ng kanilang opisina. Lahat ng kaniyang madaanan ay nang-uuyam ang mga tingin sa kaniya kaya naman nahiling niyang sana ay lamunin na lamang siya ng lupa! Hindi niya akalaing mabibisto sila ng kaniyang boss!
Hindi lang iyon. Wala pang isang linggo simula nang siyaʼy matanggal sa trabaho ay agad na palang nakapagsampa ng kaso si Madam Hanna para sa kanilang dalawa ni Bernard!
“Madam, patawarin nʼyo po ako, please!” isang araw ay sinadya ni Kristel si Hanna sa dating pinagtatrabahuhan niyang opisina at naglumuhod sa harapan nito upang magmakaawa. “Titigilan ko na po ang asawa nʼyo, basta wag nʼyo lang po akong ipakulong!” sabi pa ni Kristel na halos halikan na sa paa ang dating boss.
“Tumayo ka riyan, Kristel. Hindi dahil galit ako sa ʼyo ay gusto ko nang makita kang ganiyan. Isa pa, itutuloy ko ang demanda kahit ano pa ang gawin mo. Kasalanan nʼyo ni Bernard ʼyan, panindigan mo. Saka, sa ʼyong sa iyo na siya. Hindi ko hahabulin ʼyang lalaking ʼyan,” matigas pang sabi ni Hanna na lalong ikinapanlumo ni Kristel.
Hindi nagtagal ay sa likod na ng rehas namamalagi si Kristel at ganoon din si Bernard.
Pinagsisihan ni Kristel ang kaniyang ginawa laloʼt hindi lang ang pamilya ng kaniyang boss ang nasira niya, kundi pati na rin ang sarili niyang buhay. Hindi niya inakalang ganoon ang magiging hantungan ng ginawa niyang kasalanan. Ngunit huli na ang lahat para magsisi.