Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pagpiglas ay Nasaktan Niya ang Amain; Muntik na Kasi Siya Nitong Pagsamantalahan

Dahil sa Pagpiglas ay Nasaktan Niya ang Amain; Muntik na Kasi Siya Nitong Pagsamantalahan

Nagmamadali si Celeste na makaalis ng bahay. Hawak ng kaniyang nangangatal na kamay ang panghiwang may umaagos na dugo. Iiling-iling siyang tumatakbo palayo sa kanilang bahay dahil hindi sinasadyang nasugatan niya ang amain nang tangkain siya nitong pagsamantalahan.

Nang makalayo siya ay itinapon niya sa talahiban ang panghiwa sa takot na mahuli siya. Nagpapahinga ang mga tao dahil katanghaliang tapat noon, kaya walang nagpapagla-gala sa labas. Hindi magproseso sa utak ni Celeste ang nangyari dahil sa matinding takot.

Pinuntahan niya rin agad ang kaniyang kasintahan matapos ang insidente.

“C-Celeste, anoʼng nangyari sa ‘yo?” Agad yumakap si Celeste sa kasintahan at bakas na bakas ang kaniyang takot.

“P-pagsasamantalahan niya a-ako kaya nasugatan ko siya,” hirap na hirap man magsalita dahil sa patuloy na paghikbi ay maliwanag niyang naiparating sa kasintahan ang nangyari.

Ipinasok siya ni Gerald sa kaniyang bahay. Hiyang-hiya si Celeste sa marungis na hitsura niya. May ilan pang matuyo-tuyong dugo sa kaniyang damit pang-itaas.

“C-Celeste, anong nangyari sa ‘yo?” Sa pangalawang pagkakataon ay naulit ang tanong sa kaniya matapos lumabas galing sa kusina ang ina ni Gerald.

“Muntik na naman siyang gah@sain ng amain niya,” si Gerald na ang sumagot. Bakas ang matinding galig sa mukha ng binata.

Isang abogado ang ama ni Gerald habang pulis naman ang ina nito. Aaminin niyang takot siyang makipagrelasyon kay Gerald noong una dahil sa propesyon ng mga magulang nito. Pakiwari niya’y hindi siya nararapat na maging kasapi ng pamilya ng mga ito kung sakali man.

“Anong na naman? Palagi ka bang pinagtatangkaan ng amain mo?” Napatango si Celeste habang ang dalawang kamay ay nakatakip sa mukha, patuloy na lumuluha.

“Kung ganoon ay samahan nʼyo ako at huhulihin ko ang lalaking iyon!” Agad na napatingin si Celeste kay Gerald, nangungusap ang mga mata dahil hindi alam ang gagawin.

“Mama, nasaktan niya ang kaniyang ama.” Hindi malaman ni Celeste ang naging reaksyon ng ina.

“Magbihis ka, hija. Hiramin mo ang damit ni Geraldine sa itaas at samahan mo ako sa inyo.”

Ganoon nga ang ginawa ni Celeste. Pumasok siya sa pangatlong silid kung nasaan ang kwarto ni Geraldine, ang kapatid na babae ni Gerald. Wala ang dalaga sa silid kaya dumiretso siya sa damitan na sinabi ng magulang nito. Matapos linisan ang katawan sa banyo ay nagbihis na agad siya, suot ang pulang T-shirt at pantalon ay lumabas na rin siya.

Sumakay siya sa itim na sasakyan nina Gerald. Nasa unahan si Gerald at nagmamaneho habang magkatabi sila ng ina nito sa likurang upuan.

Pagdating sa kanilang bahay ay maraming tao na nakikisagap ng balita sa nangyari. Bumaba na ang ina ni Gerald pero nanatili pa rin siyang nakaupo sa sasakyan. Natatakot siyang lumabas at nag-uulap pa rin ang mga mata niya, anumang oras ay tutulo na naman ang kaniyang mga luha.

“Ayos ka lang ba?” Hindi namalayan ni Celeste na nasa tabi na pala niya ang kasintahan.

Tumango siya kahit ang totoo’y hindi rin niya alam.

“Magiging maayos din ang lahat.” Ramdam ni Celesteng kumuyom ang kamao ng kasintahan kaya naman hinawakan niya ito at pinagsalikop ang mga palad nila.

Maya-maya ay nagbalik ang nanay ni Gerald.

“Buhay ang iyong amain. Dinala siya sa ospital ng iyong ina at sa palagay ko’y maayos na iyon dahil nagbigay ng mensahe si Geraldine. May pulis daw sa bahay.” Nanlalaki ang mata ni Celeste sa balitang iyon.

“Huwag kang matakot, tutulungan ka namin.”

Pagdating sa bahay ng kasintahan ay naroon na ang ama nito at kapatid. Ganoon din ang mga pulis na kinausap naman ng ina ni Gerald.

“Kailangan mong sumama sa presinto dahil nagsampa ng kaso ang amain mo. Huwag kang mag-alala dahil susunod kami roon. Gerald, samahan mo siya.”

Dinala si Celeste sa presinto. Maraming katanungan ngunit hindi siya makaimik. Ang tatay ni Gerald ang naging abogado niya.

Ilang araw matapos ang insidente ay nagharap sila sa korte at doon ay sinabi niya ang lahat, pati ang pagbibingi-bingihan ng kaniyang sariling ina sa mga nangyayari. Galit at lumuluha siya habang hinihingi ang hustisya.

Napawalang-sala si Celeste sa nagawa niya sa amain. Ngunit kabaliktaran nito ay nakulong naman ang kaniyang amain.

Lubos ang pasasalamat ni Celeste sa pamilya ni Gerald. Kinupkop na rin siya ng mga ito dahil maging ang ina niya ay nakulong dahil sa pananahimik nito. Wala rin siyang kakilalang kapamilya kaya naman pumayag na rin siya sa kagustuhan ng kasintahan.

Tila nabunutan ng tinik sa lalamunan si Celeste at umaasang hindi na maulit ang ganoong pangyayari sa kahit na sino mang babae.

Advertisement