Inday TrendingInday Trending
Muntik na Siyang Dukutan ng mga Batang Pulubi; Imbes na Magalit ay Tinulungan Niya Sila

Muntik na Siyang Dukutan ng mga Batang Pulubi; Imbes na Magalit ay Tinulungan Niya Sila

Binabagtas ni Lance ang kahabaan ng kalsada, pauwi sa kaniyang tahanan. Kagagaling lamang niya sa trabaho ngunit minabuti niyang tipirin na lamang ang kaniyang pamasahe upang may maibaon ulit kinabukasan.

Maya-mayaʼy nagulat na lamang siya nang siyaʼy lapitan siya ng isang batang pulubing nanlilimos ng tulong mula sa kaniya. Kaawa-awa ang hitsura nito dahil bukod sa marungis ay halos butoʼt balat na!

“Kuya, pahingi po ng barya, kahit pangkain lang,” anang bata habang nakalahad ang kamay nito. “Kuya, sige na po. Gutom na kasi ako, e,” dagdag pa nito.

Agad siyang huminto nang marinig ang hinaing noon ng bata, ngunit siyaʼy napailing.

“Tutulong naman ako sa inyo, e. Hindi na ninyo kailangan pang gawin ʼyan,” sabi niya na agad namang nakapagpatigil sa ginagawa ng isa pang pulubing nasa kaniyang likuran. Dinudukot ng nito ang wallet niya!

Akala yata ng mga ito ay hindi niya alam na sila ay magkakasamaʼt nililinlang lamang siya upang siyaʼy mapagnakawan nila.

Pinapuwesto niya ang mga ito sa kaniyang harapan, sa gilid ng kalsada.

“Alam nʼyo bang masama ang magnakaw? Hinuhuli ng pulis ang mga magnanakaw,” pangangaral niya sa mga batang iyon na ngayon ay hindi na mapakali dahil sa takot.

“S-sorry po, kuya! Sorry po!” naiiyak nang saad ng isa sa mga ito, habang ang isaʼy nakatingin lamang sa kaniya nang normal.

“Sige po. Ipakulong nʼyo na lang kami. Tutal, sa kulungan, maraming pagkain doon,” sabi pa nito.

Napakunot ang noo ni Lance sa narinig.

“Ano kamo? Paano mo naman nasabi ʼyan?” tanong niya sa mga bata.

“Paano po, mga pulis din naman po ang kumukuha ng mga perang kinikita namin sa pangangalakal. E ‘di siguradong maraming pagkain sa kulungan. Sabi nila, doon daw nila dinadala ang pera namin, e!” sagot naman nito na ikinabigla niya.

“Siya, sumama kayo sa akin,” pag-aaya niya sa mga ito. Tila hindi naman nasindak ang isa sa mga batang pulubi. Hula niyaʼy sanay na itong makihalubilo sa pulis.

“Akala ko po ba dadalhin nʼyo kami sa kulungan?” takang tanong ng batang pulubi na palagay niyaʼy siyang nakatatanda sa dalawa.

“Kakain tayo. Gutom na ako, e,” nakangiti nang sabi niya sa mga ito bago sila hinila papasok sa isang kainan.

Pinakain niya ang mga ito sa isang fastfood chain na talagang sikat na sikat sa mga batang may kakayahang bumili ng pagkain doon. Tila naman nagliwanag ang mukha ng mga bata nang makaupo sila sa isa sa mga puwesto doon nang hindi pinalalabas ng guwardiya!

“Mga bata, ito ang tatandaan ninyo… anuman ang hirap na nararanasan nʼyo ngayon ay hindi nʼyo maaaring gawing dahilan para gumawa kayo ng masama. Huwag ninyong kakalimutan na mayroon at mayroon pa ring tutulong sa inyo sa oras ng kagipitan, bastaʼt maging mabuting tao lamang kayo,” sa gitna ng kainan ay pangangaral ni Lance sa kanila.

“Tulad po ninyo, ser?” singit ng nag-iisang babae sa grupo ng mga bata. Agad naman iyong tinanguan ni Lindon nang nakangiti.

“Pero, paano po kami magiging mabuting bata kung marami sa mga matatanda ang hindi naman nagpapakita nang magandang asal sa amin?” puno ng hinanakit na tang pang muli ng mas matandang pulubi.

Tinapik niya nang marahan ang balikat nito. “Huwag mo silang tularan. Maging iba ka sa kanila. Maaaring ngayon, namamasasa sila sa paggawa ng masama, pero darating ang panahon na hahabulin sila ng karma. Naiintindihan mo ba ako?”

Sa pagkakataong ito ay tila lumambot na ang ekspresyon ng bata sa kaniya bago siya nito tinanguan.

Kahit naghihirap din si Lance sa kaniyang buhay, simula nang araw na iyon ay palagi na niyang pinupuntahan ang dalawang bata upang abutan sila ng tulong. Gumawa rin siya ng paraan upang silaʼy makapag-aral sa tulong ng ilang institusyon.

Lumipas ang panahon at nagtagumpay si Lance na baguhin ang buhay ng dalawang batang pulubi. Nagtapos ang mga ito ng pag-aaral at kalaunan ay nagkaroon ng magandang buhay… bagay na hindi niya nagawa noon sa kaniyang sarili buhat nang siyaʼy mapariwara.

Masaya siya na kahit tumanda na siyang binataʼy itinuring naman siyang ama ng dalawang batang pulubi at kailan man ay hindi siya kinalimutan. Sinunod ng mga ito ang kaniyang mga pangaral upang hindi sila matulad sa nangyari sa kaniya noon.

Isa rin kasi siyang batang palaboy na katulad nila. Ngunit siya’y napariwara ng landas dahil walang gustong gumabay sa kaniya noon. Mabuti na lamang at nagising siya sa bangungot na iyon ng kaniyang buhay at nagsimulang magbago. Masaya siyang ganoon din ang mga batang ngayon ay may magaganda nang trabaho.

Advertisement