Malungkot na Sumakay ang Dalaga sa Isang Taksi Patungo Sana sa Lamay ng Sariling Ama; Hindi Siya Makapaniwala sa Nalaman nang May Ikwento ang Misteryosong Drayber
Taxi driver ang ama ni Jelay. Halos dalawampung taon na rin itong namamasada at tila ba naging buhay na rin nito ang kalsada at manibela.
Taong 2019 nang pumanaw si Mang Tony, ama ni Jelay, dahil sa atake sa puso. Mamamasada sana siya noon nang biglang makaramdam ng paninikip ng dibdib at pagkahilo. Noong araw na iyon, binawian ng buhay ang drayber.
Nakaburol ang labi ni Mang Tony sa Chapel ng isang funeral parlor. Mas mabuti na raw iyon upang makabawas na rin ng pagod sa linisin mula sa mga magiging kalat ng mga darating na bisita.
“Jelay, medyo marami-raming gamit pa tayong kailangan rito. Wala naman akong ibang mauutusan para kunin sa bahay. Puwede bang ikaw na lang muna ang kumuha? Medyo marami-rami na rin kasi ang bisita,” pakiusap ng ina ng dalaga.
“Sige po, nay. I-message n’yo na lang po sa akin lahat ng kailangan para madala ko. Medyo maaga pa naman po kaya paniguradong makakabalik rin po ako kaagad,” tugon naman ni Jelay.
Agad na bumiyahe si Jelay pauwi, ngunit matindi ang trapiko noon kaya nakarating siya sa kanilang bahay ng hating gabi na.
Kinuha ng dalaga ang mga gamit na pinapakuha ng ina at saka pinagsama-sama. Hindi niya kakayaning ibiyahe ang lahat ng iyon at isa pa, mahirap nang sumakay sa kanilang lugar kapag hating gabi na.
Lumabas si Jelay na dala-dala ang tumpok ng mga gamit. Madilim at tahimik sa labas. Nakakatakot, at nakakakaba. Lalo na’t napapalibutan sila ng mga kapitbahay na lasenggo at mga ad*ik.
“Diyos ko! Sana naman may masakyan pa ako nito,” saad ng babae.
Naisip niya na magbook na lamang ng sasakyan. Matapos ang ilang minuto, isang taksi na ang tumigil sa kaniyang harapan.
“Sakto ang dating n’yo manong ah? Na-low battery na ang phone ko. Buti dumating kayo bago namat*y yung phone ko,” pagbati ni Jelay sa medyo payat na drayber sa kaniyang harapan.
Hindi na masyadong tiningnan ng dalaga ang drayber dahil sa dami ng bitbit ang kalong na gamit.
Malalim na ang gabi noon at medyo malayo-layo rin ang kanilang pupuntahan. Upang hindi makaramdam ng antok, naisipan ng dalaga na makipagkwentuhan sa drayber.
“Alam n’yo po ba na drayber din ang tatay ko? Napagtapos niya kaming magkakapatid dahil sa pagmamaneho niya. Kaya sobrang laki ng respeto ko sa mga drayber. Kaso pumanaw na siya. Hindi ko man lang po nasabi kung gaano ako ka-proud sa kaniya,” kwento ni Jelay.
“Kung naririnig ka na niya ngayon, sigurado akong napasaya mo siya ng sobra. Kasi malalaman niyang proud na proud ang anak niya sa kaniya,” tugon naman ng drayber.
“Nako, siyempre naman po! The best po talaga ang tatay ko! Kasi kahit hindi kami mayaman, ibinigay niya ang buhay na maayos sa amin. Hindi po niya kami ginutom o pinabayaan. Para po bang siya yung superman namin.
Nakakalungkot lang na binawi na kaagad siya sa amin. Pero kahit ganoon, mananatiling buhay ang mga alaala niya sa puso ko,” saad pa ng dalaga.
“Napakasuwerte naman ng ama mo at nagkaroon siya ng anak na katulad mo. Hindi lahat ng anak ay nakikita ang mga sakripisyo ng mga magulang kaya sigurado akong nakangiti siya ngayon dahil tagumpay siya sa pagpapalaki sa iyo,” may sayang tugon naman ng lalaki.
“Na-touch naman ako sa inyo, manong! Pakiramdam ko tuloy si tatay mismo ang nagsabi sa akin,” naluluhang sabi ng babae. “Kayo po manong? Kayo naman ang magkwento!”
Medyo malapit na sila sa patutunguhan noon nang magkwento rin ang drayber.
“Alam mo napakahirap ng buhay ngayon, nagpapasalamat nga ako na magaling sa pagpepera ang misis ko. Siya ang katuwang ko sa pagpapaaral ng mga anak ko. Magaling siya magbenta-benta kaya talagang sobrang nagpapasalamat ako. Kaya lahat ng pagmamahal, ibinuhos ko sa kaniya. Sinuklian ko lahat ng pagmamahal at katapatan na ibinigay niya sa akin.
Ang mga anak ko, nakatapos na rin lahat. May accountant na ako, na nagtratrabaho na sa banko ngayon. May pharmacist na rin at ang pinakamalapit sa puso ko, ang bunso kong anak na engineer na,” kwento naman ng drayber.
Napatitig lamang si Jelay dahil sa kwento ng lalaki. “I-iyong bunso niyo po engineer? Bakit siya po ang pinakamalapit sa puso n’yo?” tanong nito.
“Ah, kasi lagi iyon nadidisgrasya. Madalas madapa noong bata at nako, talagang takaw aksidente kahit na lumaki na! Kaya nga kahit nasaan ako, sinisiguro kong ligtas siya. Makaama kasi iyon. Ako ang sumbungan rin noon kapag pinapalo siya ng nanay niya.
Sobrang proud ako sa anak kong iyon. Kapag umuuwi kasi ako lagi akong ipinagluluto no’n. Kahit minsan sunog, pero kinakain ko kasi natatanggal ang pagod ko sa maghapon kapag tumawa na ang anak ko,” dagdag na kwento pa ng drayber.
Tumayo ang balahibo si Jelay sa narinig kasunod ang sunod-sunod na pagpatak ng mga luha, dahil ang pamilyang tinutukoy ng lalaki ay ang kanilang pamilya.
Magaling sa negosyo ang kaniyang ina, accountant ang ate niya at pharmacist naman ang kuya niya. At siya… engineer siya at bunso sa magkakapatid.
Dahan-dahang sumulyap si Jelay sa drayber sa harapan. Nakatalikod ito ngunit ang postura, ang nakasabit na puting panyo sa leeg pati na ang paboritong putting polo ay kilala niya, ama niya iyon… hindi siya maaaring magkamali.
Kitang-kita niya sa rear-view ang mga nakangiting mata ng ama na mayroong mga luha.
Inabot pa ni Jelay ang bayad ngunit tinanggihan ito ng drayber.
“Itago mo na iyan, anak. Ito na ang huling biyahe ko. Gusto ko lamang din makasigurong ligtas ka. Magtutungo na rin ako sa huling destinasyon ko. Masayang-masaya ako sa maikling kwentuhan natin.
Anak, mag-iingat ka palagi ha? Nais ko lamang ay lagi kang ligtas…” saad ng lalaki.
“Salamat po. Hanggang sa huli, inaalala n’yo pa rin talaga ako. Ipagdarasal ko kayo at nawa’y maging masaya kayo sa inyong patutunguhan. Paalam, ‘tay… mahal na mahal namin kayo. Maraming salamat po…” lumabas si Jelay at saka isinarado ang pintuan ng kotse.
Bumusina ng tatlong beses ang sasakyan bago ito tuluyang umalis. Ikinuwento ni Jelay ang nangyari sa kaniyang ina at mga kapatid, ngunit hindi rin makapaniwala ang mga ito.
Ang nakapagtataka roon, nang i-charge ni Jelay ang phone, nakita niya ang mga mensahe ng drayber na na-book at sasakyan dapat niya. Kaya doon napatunayan niyang ang kaniyang ama nga ang naghatid sa kaniya sa huling pagkakataon.
“Talagang hanggang sa huli, sinisiguro ninyo talagang ligtas ako, tay. Hindi ko alam kung anong paliwanag ang mayroon sa nangyari, pero salamat po. Maraming salamat, tatay! Proud na proud ako sa’yo!” Nakangiting usal na babae.
Iyon na ang huling biyahe ni Mang Tony. Hindi na rin ito nagparamdam pa mula noon. Siguro’y nasa payapa na ito at patuloy na ginagabayan pa rin ang pamilya.
Ang mga alaalang naganap noong gabi naman ang pinanghahawakan ni Jelay na pagpapatunay na lagi lamang nakabantay sa kanila ang ama at ganoon na lamang ang pagmamahal nito sa kanila.