Matapos Ibigay ng Babae ang Lahat ay Nalaman Niyang Magkakaanak na sa Iba ang Nobyo; Magpaka-martyr Kaya Siya Kahit na Alam Niyang Mali na?
Ilang taon na rin single si Jane magmula nang iwan ng kaisa-isang lalaking minahal. Nakasanayan na niya ang buhay na umiikot lamang sa trabaho, pamilya, at mga kaibigan.
Akala niya ay hindi na muling magbubukas ang pintuan pag-ibig, hanggang sa magkaroon ng isang pagdiriwang kung saan nakilala niya si Marvin.
Matalik na kaibigan ni Marvin ang pinsan ni Jane kaya sila nagkakilala. Matangkad si ang binata, maputi at talaga namang gwapo.
“Jane, best friend ko nga pala, si Marvin. Single din ‘to kaya kung naghahanap ka ng majo-jowa, eto na o!” biro ng pinsan ni Jane.
“Sorry, wala akong time e.” tugon naman ni Jane.
Umupo si Marvin sa upuan na malapit kay Jane.
“Hi?” bati ni Marvin sa dalaga.
Ngumiti lamang si Jane bilang tugon.
“Nice meeting you pala,” sabi pa ng binata.
Isang tango lang ang sinagot ng babae.
“Alam ko kung bakit ka single, ang sungit mo kasi!” natatawang bulong ng binata.
Nanlaki naman ang mata ng dalaga nang marinig ito at tila ba umusok ang kaniyang tenga.
“Siguro kaya ka single kasi nuknukan ka ng yabang? Akala mo kung sino, feeling gwapo!” pabuling na sagot din ni Jane habang iniirapan ang lalaki.
“Ay bakit, hindi ba? Gwapo naman talaga! Kaya nga ang lagkit mo makatitig kanina e,” pang-aasar pa ng lalaki.
“Bahala ka sa buhay mo! Bwisit!” saad ng dalaga na ngayo’y namumula na. Tumayo ito at saka umalis.
Sa unang pagtatagpo ay hindi nagustuhan ni Jane si Marvin. Tingin talaga niya kasi rito ay mayabang, walang respeto, at chickboy. Pero sino’ng mag-aakala na lahat ng iyon ay biglang magbabago nang masundan pa ang kanilang paglabas-labas at pagtatagpo.
Naging mas malapit ang dalawa sa isa’t isa. Napagtanto ni Jane mabait naman pala talaga ang lalaki, maginoo at maalaga ito, na posibleng dahilan kung bakit unti-unti siyang nahulog rito.
Naging magkasintahan sila at sa mga panahon na nagkasama ay mas lumalalim pa ang pagmamahalan sa isa’t isa. Pinapasok ni Jane sa isa pang pagkakataon ang pag-ibig sa kaniyang puso para sa pag-ibig.
Lumipas ng mabilis ang mga araw, buwan at mga taon. Fourth anniversary na ng dalawa.
Nag date sila sa labas, nanood ng pelikula, at kumain sa mamahaling restawran. Mainit nilang tinapos ang gabi dahil iyon ang panahong isinuko ni Jane ang pagkababae sa kaniyang nobyo.
“I love you…” bulong ng lalaki sa tenga ng dalaga.
“I love you, too!” tugon naman ng dalaga habang nakayakap sa kasintahan.
Mas tumindi pa ang pagmamahalan nang dalawa matapos ang isang mainit na tagpo nang gabing iyon. Ngunit hindi inaasahang pangyayari ang babago ng lahat.
Naglalakad si Jane sa isang supermarket nang mapadaan siya may baby section. Tuwang-tuwa pa siya habang tinitignan ang mga gamit pambata.
“Ang sarap sigurong mamili kapag magkaka-baby na kami ni Marvin,” nakangiting sabi ng babae.
Sa kaniyang paglalakad, isang pamilyar na mukha ang gumulat sa kaniya.
“Si Marvin ba ‘yun?” tanong niya sa sarili.
Nakangiti siyang naglakad para sana gulatin ito nang biglang may babaeng lumapit rito.
“Love!” sabi ng morenang babae na papalapit ngayon sa binata. May dala-dala itong botehan at mga medyas na pambata. “Mas maganda ‘tong mga design na ito ‘no?”
“Mas gusto ko ‘yung una,” nakangiting sabi naman ni Marvin.
Naistatwa si Jane sa narinig. Pero mas nagulat siya nang mapansin maumbok at malaki ang tiyan ng babaeng kasama ng nobyo.
Nabitawan niya ang basket na dala-dala. Dahilan para mapalingon sa direksyon niya si Marvin.
Iniwan niya lahat ng iyon at patakbong lumabas. Umuwi siya sa apartment at doon iniiyak ang lahat ng sakit na nararamdaman. Marahil dahil sa pagod, nakatulog si Jane, ngunit nagisnan niyang nasa tabi na ang kasintahan.
“Bakit ka nandito?” tanong ng dalaga.
“I’m sorry. I truly am…” mahinang sagot naman ng lalaki.
“Sorry? Sorry kasi niloko mo ako o sorry kasi nahuli kita?” galit na tanong ni Jane.
“Hindi ko naman din alam na aabot sa ganoon. Hindi ko sinasadya. Maniwala ka…”
“Put*ng*n* mo! Kailan pa hindi sinadya ang makabuntis? ‘Wag mo ako gaguhin! Hindi basta-basta mahuhulog ‘yang ari mo at papasok sa ari ng ibang babae!” galit na sigaw ng babae.
“Nalasing kasi ako noong kasama ko ang mga kabarkada ko. Tapos hindi ko sinasadyang may mangyari sa’min ni Colleen. Pero ngayon, gusto ng pamilya niya na panagutan ko. Hindi ko alam ang gagawin,” paliwanag ni Marvin.
“Diyos ko naman, Marvin!” napatakip na lang ng mukha si Jane.
“Ikaw ang mahal ko. Maniwala ka sa’kin please? I love you, Jane,” saad ng lalaki sabay yumakap at humalik sa nobya.
Pinili ni Jane na sundin ang kaniyang puso. Alam niyang masakit at hindi komportable pero mahal niya talaga ang kasintahan. Kaya nag bulag-bulagan siya alang-alang rito.
Habang pauwi galing sa trabaho ay bigla na lamang may tumawag sa kaniyang hindi kilalang numero.
“H-hello?” nauutal na bati ni Jane.
“Babaeng pokp*k! Maninira ng relasyon at mang-aagaw! Puwede bang tigil-tigilan mo na si Marvin? Buwitre ka bang aali-aligid sa nobyo ko ha?” galit na sabi ng babae mula sa kabilang linya.
“Ha? Anong sinasabi mo?” sagot niya.
“Wag kang desperada. Magkakaanak na kami at bubuo ng pamilya, pero pakiusap, tigilan mo na siya. Tigilan mo na kami.”
Pinilit kumalma ni Jane pero sa pagkakataong ito, parang bulkan siyang sumabog.
“Ako pa yung desperada ngayon?! Excuse me, boyfriend ko siya ng apat na taon! Ikaw? Ano ka ba sa kaniya? Bakit ka nagpakamot sa hindi ko naman nobyo? Bakit ka nagpabuntis sa lalaking may kasintahan na ha?” galit na sigaw ni Jane.
“Ano ako sa kaniya? Ako lang naman ang ina ng magiging anak niya,” madiing sagot ng babae.
“Anak lang ang mayroon kayo. Pero ako ang mahal niya! Mahal ka ba niya ha? Kung hindi ka pa bumukaka, wala naman siyang magiging pakialam sa’yo!”
“Sayo na rin mismo nanggaling. Magkakaanak na kami. Ipipilit mo ba iyang nararamdaman mo at titiisin na may isang bata na lalaki ng walang buong pamilya? Walang amang kagigisnan kasi pilit na inaangkin ng babaeng walang konsiderasyon?” sabi pa babae sa cellphone.
Biglang napatigil si Jane. Parang sinampal siya ng katotohanan sa narinig. Kaya nga ba niyang tiisin na lumaki ang bata na sira ang pamilya? Ganoon ba siya ka-martyr na kukunin niya ang pagkakataon na magkaroon ng ama ang isang bata na wala naman kinalaman sa kasalanang nagawa ng mga magulang nito?
“Please… para sa baby namin. Hayaan mo na kami. Parang awa mo na. Alang-alang sa bata,” pagpapakumbabang sabi ng babae.
Napaiyak na lamang si Jane at hindi na makasagot pa. Alam niya ang totoo sa sarili. Kaya’t pinutol na lamang niya ang tawag.
Mahal niya ang lalaki, pero mali ang ituloy p ang mayroon sila. Gustunin man niyang maging madamot, pero bata na ang pinag-uusapan rito. Hindi niya matitiis na may batang lumaki na sira ang pamilya.
“Ayoko na. Gusto ko nang tapusin ang mayroon tayo…” saad ni Jane.
“Bakit? Hindi ba napag-usapan na natin ito? Mahal kita, Jane, please naman o,” panunuyo pa ng lalaki.
“Sana sapat lang yung mahal natin ang isa’t isa para matapos lahat ng ito. Pero kailangan natin tanggapin na mali. Mali na lahat. Hindi lang sa pag-ibig iikot ang buhay natin, Marvin.
Magiging ama ka na. May naanakan kang iba. Sa kanila na ang responsibilidad mo. Matututunan mo rin siyang mahalin, lalo ngayon, magkakaanak na kayo,” umiiyak na sabi ng babae.
“Jane… please naman o.”
“I’m sorry. Paalam, Marvin,” tumalikod si Jane at saka lumakad papalayo sa kasintahan.
Masakit. Sobra ang sakit na nadarama niya. Pero kailangan niyang magparaya dahil iyon ang tama.
Umalis si Anna sa trabaho at kinuha ang oportunidad na nagbukas para makapagtrabaho siya sa ibang bansa.
Limang taon din ang lumipas. Natutunan ni Jane na maging masaya ulit. Natutunan niyang magpatawad at maging masaya sa sitwasyon. Lalo nang minsan niyang tingnan ang facebook profile ng dating kasintahan. Masayang-masaya na ito kasama ang anak at asawa sa mga litrato.
Hindi naman sinasadyang nagkrus ang landas nila Jane at Marvin. Nasa shop sila ng isang event coordinator noon.
“Jane?” pagtawag ni Marvin. “Kumusta?” nakangiting bati nito.
“Uy, nandito ka rin pala? Okay naman ako. Ikaw ang kumusta na?”
“Eto nag-aayos ng plano para sa birthday ng anak ko. Ikaw anong ginagawa mo rito?” tanong ng lalaki.
“Mag-aayos naman para sa wedding. Nagbakasyon lang ako para sa kasal dito,” nakangiting sabi ni Jane.
“Talaga? Wow! Masaya ako para sa’yo. Congratulations, Jane!”
“Salamat! Advanced happy birthday din kay baby boy mo. Happy ako para sa family mo.”
Tila ba may dumaang anghel dahil nagkaroon ng biglaang katahimikan.
“Sorry ulit sa mga nagawa ko noon. Sana napatawad mo na ako,” mahinang sabi ng lalaki.
“Nakaraan na iyon. Matagal na rin kitang napatawad. Ang mahalaga, masaya ka ngayon, masaya na tayo ngayon. Pinagtagpo lang ang mga landas natin, pero sa magkaibang daan talaga ‘yung patutunguhan natin,” may ngiti sa mga labing sabi ni Jane.
“Thankful ako na nakilala kita sa lifetime na ito. Salamat Jane.”
“Thankful din ako lalo sa mga lessons na ibinahagi mo sa’kin. O siya, mauna na ako ha?” pagpapaalam ng babae.
Hindi man naging maganda ang kinahinatnan ng relasyon noon, masaya si Jane na naipakita sa kaniya ang tunay na kahulugan ng salitang ‘pagmamahal.’ Iyon ay ang matutunan magparaya at isakripisyo ang sariling kaligayahan para sa ikaliligaya ng iba.