Inday TrendingInday Trending
Mula sa Pasulyap-sulyap at Nakaw na Tingin sa Gwapong Kasabay sa Jeep, Hindi Inaasahan ng Dalaga na Doon Pala Niya Matatagpuan ang Forever

Mula sa Pasulyap-sulyap at Nakaw na Tingin sa Gwapong Kasabay sa Jeep, Hindi Inaasahan ng Dalaga na Doon Pala Niya Matatagpuan ang Forever

Taong 2016 noon, pauwi si Maureen mula sa trabaho. Habang sakay ng jeep, pumukaw ng atensiyon niya ang isang lalaking kasabay. Paano nga naman hindi ito mapapansin, e tanging silang dalawa lamang ang laman ng sasakyan.

“Balang araw, magiging parte rin ako ng mundo mo,” bulong ng dalaga sa kaniyang isipan.

Hindi niya maipaliwanag kung bakit pumasok iyon sa kaniyang isipan, ang alam niya, may kakaiba siyang naramdaman.

Magmula noong gabing iyon, halos palagi na silang nagkakasabay ng binata sa jeep pauwi. May mga pagkakataon pa ngang nagnanakaw ang dalaga ng tingin rito, pero wala man lang reaksyonnat seryoso lang ang mukha ng lalaki.

“’Di ata marunong ngumiti ito. Gwapo sana, kaso suplado…” iirap-irap na sabi ni Maureen.

Lumipas pa ang mga araw, talaga yata sinasadya ng tadhana na pagsabayin sila ng jeep.

“Kasabay ko na naman si Kuyang Suplado,” nakangiting iniisip ni Maureen.

Kahit minsan ay naaasar na siya dahil hindi siya magawang pansinin nito, hindi inaasahang hinanap-hanap niya ang presensiya nito. Para bang hindi kompleto ang araw niya kapag hindi siya nakakasilay rito. Nakasanayan kasi niyang kasabay na ito.

Kasarapan ng tulog noon, bigla na lamang napanaginipan ni Maureen ang lalaki. Sa kaniyang panaginip, kinuha ng lalaki ang kaniyang kamay at saka siya hinila upang yakapin ng mahigpit.

“Diyos ko! Ano ba ito? Bakit naman ganoon ang panaginip ko?” kumakabog ang dibdib na tanong ng babae sa sarili.

Magmula noon, tila ba nakakaramdam na ng hiya si Maureen sa tuwing makakasabay niya ang binata. Hindi na niya magawa pang tumingin dito sa sobrang pagkailang.

Hindi naman niya kilala ang lalaki, kahit pangalan nga’y ‘di rin niya alam. Basta ang tanging alam lamang niya ay kung saan ito pumapasok na trabaho dahil sa unipormeng suot.

Sinubukan hanapin ni Maureen ang lalaki sa Facebook. Iniisa-isa rin niya ang pahina ng kompanya sa pag-asang makita man lang ang larawan at pangalan ng lalaking nakakasabay. Pero bigo siya, wala roon ang hinahanap niya.

Isang gabi, habang pauwi, pumara ang dalaga upang bumaba na sana, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, imbes na “para sa tabi” ang sabihin, iba ang inusal ng babae.

“Buh-bye, crush!” sigaw ni Maureen habang nakatitig sa gwapong lalaking kaharap.

Nagkatinginan ang mga tao sa jeep at saka biglang nagtawanan. Si Maureen naman ay halos lumubog sa kinauupan nang mapagtanto ang nangyari.

Nakayuko siyang tumayo sa jeep upang bumaba, ngunit kamalas-malasang nauntog siya ng malakas sa ilaw sa loob ng jeep. Hindi lamang iyon! Nagkamali siya ng hakbang kaya’t nahulog siya habang bumababa.

“Diyos ko, lupa! Kung nakikinig ka, ngumanga ka at lamunin na ako!” namumula sa hiyang usal ng dalaga.

Matapos ng gabing iyon, nagkasakit si Maureen. Hindi siya nakapasok sa trabaho at piniling magpahinga na lamang.

Laking gulat niya noong gabi nang biglang magkaroon ng message request sa kaniyang messenger. Pagkabukas niya, profile picture ng gwapong lalaking kasabay sa jeep at isang mensaheng nagsasabing “Hello.”

“Totoo ba ‘to?” may halong kilig na tanong niya sa sarili. “Gerson… pangalan pa lang gwapo na talaga!”

Duda pa siya noong umpisa pero nang nakumpirma niyang ang gwapong lalaking nagpapadala ng mensahe ay ang kasabay nga niya sa jeep. Pakiramdam niya’y tumama siya sa lotto!

Magmula noon ay palagi na silang nagkakausap. Madalas na rin ang kwentuhan kahit maging sa loob ng jeep.

“N-nalaman ko yung Facebook mo sa Facebook group n’yo. Nag-alala lang ako noon kasi biglang hindi ka pumasok. Walang tumutulo ang laway pag nakatingin sa’kin sa jeep,” biro pa ng lalaki.

“H-hindi ah! Feelingero ka naman!”

“Bye crush pa nga ‘di ba? Tapos nahulog ka pa sa jeep!” natatawang sabi ng lalaki.

Bigla naman namula si Maureen at parang nalunok na ang dila dahil sa sobrang hiya.

“B-bakit naman kasi kailangan mo pang sabihin ‘yan?!” inis na sabi ng dalaga.

Natawa lang si Gerson noon at saka bumaba ng jeep. Nagtuloy-tuloy pa ang pag-uusap ng dalawa. Naging mag best friends pa nga sila dahil doon.

Walang paglagyan ang kanilang saya sa tuwing magkasama, pero kahit ganoon, kailangan pigilan ni Maureen ang nagsusumikabong damdamin. Pero kapag mas lalo niyang pinipigilan, mas lalo rin niyang nararamdaman ang pagkahulog sa binata.

Valentines day noon. Sabay umuwi mula sa trabaho ang dalawa. Habang naglalakad patungong sakayan ay may nadaanan silang nagbebenta ng mga bulaklak.

“Wait, may bibilhin lang ako,” sabi ng lalaki.

Sumunod si Maureen at tiningnan si Gerson.

“Para sa girlfriend n’yo ba, sir?” tanong ng tindera noon.

“Opo, ate! Ibibigay ko mamaya para matuwa naman. Walang date-date ngayon gawa ng trabaho po e,” kwento naman ng lalaki.

Parang kinurot naman ang puso ni Maureen nang malaman na may kasintahan na pala ang lalaking iniibig. Gusto na niyang umuwi at tumakbo papalayo noon.

“Uy, Maureen! Sumunod ka pala? Pwede bang pahawak nitong bugkos ng bulaklak, kukuha lang ako ng pambayad?” tanong ng lalaki habang inaabot ang bulaklak.

Lumaki ang mga butas ng ilong ni Maureen at tila ba umapoy ang mga mata, “Kung ihampas ko kaya sa mukha mo ‘to? Kapal ng mukha ah!” bulong ng dalaga.

“May sinasabi ka ba?” tanong ng binata.

“W-wala. Magbayad ka na lang diyan para makauwi na!”

Habang naglalakad, biglang nagtanong si Gerson.

“Alam mo ba kung para kanino ‘to?” tanong ng lalaki habang nakatingin sa bulaklak.

“Sa girlfriend mo. Sabi mo kanina ‘di ba?” mataray na sagot naman ni Maureen.

“Para sa’yo ‘yan, Maureen,” mahinang sabi ng binata.

“A-ano? Pero hindi mo naman ako girlfriend! Wag mo nga akong pinagloloko!” pag-iinarte pa ng dalaga.

“Ikaw sa jeep nahulog noon, pero ako, sayo naman nahulog. Mahal kita, Maureen! Unang beses na nakasabay pa lang kita, nasungkit mo na ang puso ko. Will you be my girlfriend?” nakangiti na may halong hiya na pagtatapat ng lalaki.

Parang naistatwa naman ang dalaga sa mga narinig. Kay tagal rin niyang inasam-asam iyon.

Walang pag-alinlangang “Yes!” ang sagot niya.

“Mapalad talaga ako dahil dumating ka sa buhay ko. Pangako ko sa’yo na mamahalin kita ng buong-buo at walang pag-aalinlangan,” matamis na sabi ni Gerson.

Naging maganda ang takbo ng relasyon ng dalawa. Halos araw-araw ay tila ba nililigawan pa rin ni Gerson si Maureen.

Ngayon, mag-asawa na sila at may sarili nang sasakyan, pero may mga pagkakataon na sabay pa pa rin silang sumasakay ng jeep at sabay na umuuwi upang balikan ang mga alaala kung paano

Mula sa pagsakay ng jeep, hanggang sa pag-angkas sa puso ng bawat isa, dasal nilang na patuloy pang rumatsada ang pagmamahalan nilang dalawa hanggang sa magpakailanman.

Advertisement