Inday TrendingInday Trending
Matagal na Naging Kabit ang Babae ng Isang Mayamang Politiko; Hindi Niya Inaasahang Siya Pala Mismo ang Magpapaanak sa Misis Nito

Matagal na Naging Kabit ang Babae ng Isang Mayamang Politiko; Hindi Niya Inaasahang Siya Pala Mismo ang Magpapaanak sa Misis Nito

Hawak-hawak ni Jovy ang napakagandang sanggol sa kaniyang kamay.

“Congratulations!” Nakangiting sabi niya sa babaeng nagluwal ng sanggol. Babaeng pamilyar na pamilyar sa kaniya.

Pagkatapos noon ay ibinigay na niya sa nars ang sanggol dahil nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib. Lumabas siya at nakita ang isang lalaking nakayuko sa isang silya. Pawisan iyo at bakas sa mukha ang pag-aaalala sa asawa habang naghihintay.

Nagtagpo ang kanilang mga mata at saglit na nagkatitigan. Napalunok ang doktora at saka tumalikod at naglakad palayo. Ayaw niyang makitaang lalaking iyon at mas lalong ayaw niyang titigan ang mga matang nangungusap nang oras na iyon.

Makalipas ang halos dalawang linggo, may natanggap siyang tawag.

“Hi! Who’s this?” tanong ni Doktora Jovy.

“Kumusta ka na?”

Kilalang-kilala niya ang boses na iyon.

“K-Kiko? Oh, hi! Congratulations sa baby girl mo ha? May pangalan na ba?” tanong ng babae.

“M-meron na. Salamat ha? Gusto ko lang talagang magpasalamat sa safe delivery. Pasensiya ka na dito ko na lang nasabi,” mabilis na pagsasalitang sabi ng lalaki. “Napansin ko kasing nagmamadali kang umalis noong nakita mo ako,” sabi naman ng lalaki.

“Ah, e, kailangan kasi. Ganoon naman sa ospital. Pasensiya na,” halos magwala naman ang isip ni Jovy dahil may nais siyang marating.

“I see. O siya. Iyon lng naman. Maraming salamat ulit. It was nice talking to you, Jovy.”

“No worries, Kiko.” agad na ibinaba ng doktor ang kaniyang cellphone at naupo sa isang tabi.

Napabuntong hininga na lamang siya. Nagsusumigaw kasi ang puso niya na sabihin miss na miss na niya ang lalaki at gustong-gusto ni itong makausap.

Napakarami niyang tanong na nangangailangan ng kasagutan. Bakit bigla na lamang nabuhay ang damdamin niyang matagal nang nakalimot?

“Ayoko! Ayoko nang maramdaman ito. Iba na ang sitwasyon ngayon!” pagkumbinsi niya sa sarili.

Bunga ng matagal na panahon, natutunan niyang tanggapin ang mga bagay na sadyang hindi na babalik pa. Natutunan niyang pansamantala lang ang lahat at walang sinuman ang nagmamay-ari.

Naging kabit kasi siya ni Kiko noon. Pumayag siya dahil mahal talaga niya ang lalaki. Pero nagbago ang lahat nang umangat pa ang katungkulan ng nito sa politika. Isa pa, nakakatunog na rin ang asawa sa mga kalokohan nito. Nawalan ng panahon ang lalaki at naisantabi siya.

Doon niya napagtanto na kahit anong mangyari, isang hamak na kabit lamang siya ng politiko at kahit kailn ay hindi aabot sa lebel ng tunay na asawa.

“Diyos ko! Edukada naman ako. Doktor naman ako. Bakit ba nagpapakabaliw ako sa isang bagay na alam kong hindi ko naman deserve?” natatawang tanong ni Jovy sa sarili.

Habang nasa clinic, biglang may kumatok sa kaniyang pinto.

“Dok, may nagpabigay po ng bulaklak sa’yo,” nilagay ng staff niya ang malaking bouquet ng rosas sa kaniyang lamesa.

“Kanino galing ito?” tanong ng babae.

“Kaibigan n’yo raw po. Pero umalis na po,” sagot naman ng staff. Paglabas ng staff ay agad na tiningnan ni Jovy ang card na kalakip ng bulaklak. Nakita niya roon ang isang mensahe:

“I miss you so much! Can we talk? Please meet me tonight! Sa dating tagpuan tayo. 7pm.” Saad sa sulat.

Galing kay Kiko ang sulat. Pero bakit? Parang kakakausap lang nila sa cellphone ah? Nilukot ng babae ang sulat at itinapon. Pero isang saglit pa ay pinulot niya ito at saka pinasadahan ng basa ulit. Kumabog ng malakas ang kaniyang dibdib at nakaramdam ng kaunting saya.

Dumating nga si Jovy sa restawran. Nakita niya kaagad ang lalaking katagpo sa loob. Lumakas ang tibok ng puso niya at nakaramdam ng kaba. Nagdalawang isip pa siya kung hahakbang ba o hindi. Kaya lang, nang magtagpo ang kanilang mga mata at masilayan niya ang magandang ng lalaki, tila ba biglang bumigay ang kaniyang puso.

Iyon ang mga ngiting hindi niya nasilayan ng matagal na panahon. Mga ngiting nagpapasaya sa kaniya.

Naupo si Jovy sa harapan ng lalaki at hindi napigilang magtanong. “Bakit at paano mo nagagawa ito?”

“Ha? Ang ano?” tanong ni Kiko.

“Ito mismo. Nasa labas ka samantalang kakapanganak lang ng asawa mo?” mahinahong tanong niya na may kaunting kirot sa puso.

“Anong tanong ba naman ‘yan? Nagpaalam ako, ‘wag kang mag-alala. Ang alam niya nag golf ako ngayon,” sagot naman ng lalaki.

Tumahimik lamang si Jovy at hindi na nagtanong pa. Kahit na halos sumabog ang puso niya sa dami ng mga tanong, hindi na ito nagawang lumabas pa sa kaniyang bibig. Natatakot siya sa posibleng maging sagot.

Bigla na lamang kinuha ni Kiko ang kamay ng babae at nagsalita.

“Masaya akong makita ka. Tagal din simula nung huli kitang nahawakan, nayakap at naamoy,” sabi pa ni Kiko.

Nagsimula nang tumulo ang mga luha sa mata ni Jovy. Hindi na niya mapigilan pa ang rumaragasang emosyon.

“Para saan ba ito, Kiko? Tatlong taon kang nawala! Hindi ka nagparamdam, tapos ngayon babalik ka na parang wala lang ang lahat? Ako pa ang nagpaanak sa asawa mo! Naisip mo ba ang nararamdaman ko?” sumabog ang damdamin ni Jovy at inalis ang kamay sa pagkakahawak.

“I am very sorry, Jovy. I am sorry. Alam kong nasaktan kita and I am sorry.”

“It’s too late for that, Kiko. Alam mo magpasalamat ka na lang ngayon dahil hindi kita nasampal. Isinarado ko na ang puso ko sa iyo. Kung nagi-guilty ka man, pakawalan mo na. Maging masaya ka lang pero ‘wag na ‘wag mo na akong paasahin pa dahil napakasakit na.

Sana ito na ang huling beses kita makikita at makakausap. Umayos ka para sa anak at asawa mo. Tama na. Ayoko na!” pinunasan ng babae ang luha sa kaniyang pisngi, kinuha ang bag at saka tumayo.

“Jovy!” pagtawag ng lalaki. “Jovy, I’m sorry!”

Diretsong naglakad si Jovy pala. Masakit pa rin pala sa kaniya. Pero ngayon, alam na niya ang tunay niyang halaga. Ito na rin siguro ang matagal niyang inintay kaya may sugat na naiwan pa rin nakabukas, ang closure.

Sa edad na 31, alam na niya ngayon kung bakit mag-isa pa rin siya. May isang kabanata pa pala kasi ng buhay niya ang hindi niya magawang tuldukan noon. Pero sa pagkakataong ito, handa na siya.

Nilanghap niya ang sariwang hanging at saka ngumiti. Naglakad-lakad siya habang pinapakiramdaman ang yakap ng malakas na hangin sa kaniyang balat.

“Ngayon, kaya ko na. Kaya ko na nang wala ka…” nakangiting niyang usal.

Advertisement