Inday TrendingInday Trending
Isang Misis ang Niloko ng Asawa nang Mangibang Bansa Ito, Ngunit Natutunan Niyang Meron pa Palang Nagmamahal sa Kanya

Isang Misis ang Niloko ng Asawa nang Mangibang Bansa Ito, Ngunit Natutunan Niyang Meron pa Palang Nagmamahal sa Kanya

Labinlimang taon nang kasal si Faye at Ramon. Sa kanilang pag-sasama ay nagkaroon sila ng dalawang lalaking anak, si Dante at si Luis.

Dahil nakita ng kanilang dalawang anak kung paano magmahalan at magbigay ng respeto ang kanilang mga magulang – naging maayos ang paglaki ng mga bata.

Ang panganay na anak na si Dante ay lumaking maayos na binata at masipag na mag-aaral. Gayundin naman si Luis na nasa ika-anim na baitang na.

Bihira lamang makikitang mag-away si Faye at Ramon, at kung magtalo man sila ay idadaan lamang nila ito sa tahimik na pag-uusap. Gayunpaman, lumalaki na ang kanilang mga anak at unti-unti nang hindi sumasapat ang parehas nilang sweldo sa kanilang mga trabaho.

“Dear, saan daw ba gustong mag-college ni Dante?” tanong ni Faye.

“Gusto raw kasi niya mag-seaman. E ang pinaka-malapit satin ay yung sa AIMS ata yun?” sagot naman ng asawa nito.

“Ah oo nga, dear, parang nabanggit nga niya sa akin yan nung nakaraang nag kukwentuhan kami,” malungkot na sagot ni Faye.

Alam nila sa sarili nila na hindi nila kakayaning pag-aralin si Dante sa mamahaling paaralan gayong nag-aaral rin si Luis.

Matapos ang mahaba at paulit-ulit na pag-uusap ng mag-asawa, kanilang napagdesisyunan na ang pinaka-praktikal na solusyon ay ang mangibang bansa si Ramon. Mahirap, ngunit kailangan nilang gawin.

Matagal na rin namang may nag-aalok na kamag-anak si Ramon na siya’y tulungang makapag-abroad. Kaya naman hindi masyadong naging mahirap ang pag-aayos ng kanyang mga papeles at iba pang kakailanganin para sa kanyaang pag-aabroad. Tatlong buwan lamang ang inabot bago siya’y tuluyang naka-alis na ng bansa.

Para kay Ramon at Faye, hindi ito magiging mahirap dahil buo naman ang tiwala nila sa isa’t-isa. Kahit kailan ay hindi pa nila naging problema ang pagkakaroon ng iba.

Malungkot din ang kanilang dalawang anak, dahil nasanay sila na sa lahat ng kanilang gagawin at pupuntahan ay buo silang apat.

“Basta pa, uuwi ka kaagad ha,” naiiyak na sabi ni Luis.

“Siyempre naman. Tatlong taon lang naman ang kontrata ko doon kaya uuwi at uuwi talaga ako,” pangaasar ni Ramon sa kanyang mga anak.

“Pwede naman ako magpalit ng kurso pa eh,” sambit ni Dante habang pinipigilan ang pag-iyak.

“‘Yan ang huwag mong gagawin anak, ‘wag na ‘wag mong liliitan ang mga pangarap mo. Si papa ang bahala sa’yo,” anito, sabay yakap sa kanyang panganay na anak.

Ang mga unang buwan matapos umalis ni Ramon ay naging madali sa kanilang apat. Hindi nawala ang kanilang komunikasyon dahil gabi-gabi silang magkakausap sa Facebook.

Buwan-buwan ay nakakapagpadala si Ramon ng pang matrikula ng kanyang mga anak. At ang kanyang mag-ina rin ay nakalipat sa mas maayos na tahanan. Para mas matutukan ang kanilang mga anak, si Faye ay nakapaghanap ng trabahong maaaring gawin kahit nasa bahay lamang.

Hangang sa nagbigay ng masamang balita si Ramon, “Baka hindi muna ako makapagpadala ngayong buwan. May sakit daw ang tatay kailangan nila ipagamot,” anito.

Buong puso namang inintindi ni Faye ang sitwasyon. Ngunit ang isang buwan na walang padala ay naging tatlong buwan, hanggang naging anim na buwan.

Mabuti na lamang at may trabaho si Faye at may ipon siya galing sa mga sobrang padala ng kanyang asawa noon. Wala siyang ginalaw sa mga ito at nanatili siyang masinop sa kanilang pera.

Kaya naman patuloy pa ring nakapag-aral ang dalawa nilang anak.

Nagkakaroon man ng pagdududa si Faye ay mas nangibabaw pa rin ang pag-intindi, pag-unawa at pagmamahal niya sa kanyang asawa.

Ang kanilang pag-uusap din sa pamamaraan ng video call ay nabawasan ngunit pilit pa ring inintindi ito ni Faye.

Hanggang sa malaman niya ang balitang dumurog ng kanyang puso – may ibang babae si Ramon.

Si Malou, ang ate ni Ramon ang mismong nagsabi ng balitang ito kay Faye.

“Ayaw ko man na sa akin manggaling, pero gusto kong malaman mo kasi halos buong pamilya namin alam na at ayaw kong nagmumukha ka nang t*nga dahil kapatid na rin kita,” sambit ni Malou.

Kinakabahan at nanginginig si Faye nang marinig ito, ngunit minabuti pa rin niyang kumalma.

Patuloy ni Malou, “Ilang buwan na palang may ibang babae si Ramon sa Taiwan, nakilala niya raw sa trabaho doon. Kaya pala hindi na nakakapagpadala sa inyo dahil sa babae lahat binubuhos ang pera.”

Punong puno ng sakit ang naramdaman ni Faye. Wala siyang nagawa kundi umiyak nang umiyak nang umiyak. Umaga, tanghali at gabi makikita siyang umiiyak lamang. Maging sa kanyang trabaho sa bahay ay wala siyang magawa kundi umiyak.

Pinilit niyang kausapin si Ramon ngunit hindi na ito sinasagot ang mga tawag niya.

Dumating sa puntong napagod na si Faye sa kakaiyak at wala siyang ibang maisip kung hindi tapusin na lamang ang buhay niya.

Nang mapansin ni Dante at Luis na sobra-sobra na ang pinagdadaanan ng kanilang nanay, kinausap nila ito.

“Ma, alam ko malungkot dahil hindi tayo pinili ni papa, pero sana wag mo kaming sukuan,” sambit ni Dante.

“Ma, ayaw kong mawalan ng nanay. Wala na nga akong tatay, wala pa akong nanay?” naiiyak na sabi ni Luis.

Doon naisip ni Faye na tama ang kanyang mga anak. Hindi man maayos-ayos ang relasyon niya sa kanyang asawa ay meron naman siyang dalawang mabuting anak na laging nandyan para sa kanya.

Si Dante at Luis ang dahilan kung bakit piniling magpatuloy ni Faye sa buhay. Simula noon ay sama-sama silang nagsikap na mag-iina upang makaraos sa buhay. Ang isa’t-isa ang hinugutan nila ng lakas ng loob at tapang sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement