Inday TrendingInday Trending
Ikinakahiya ng Babaeng Ito ang Kanyang Inang Isa Lamang ang Mata, Taon ang Lumipas ng Malaman Niya ang Nakakalungkot na Sikreto Nito

Ikinakahiya ng Babaeng Ito ang Kanyang Inang Isa Lamang ang Mata, Taon ang Lumipas ng Malaman Niya ang Nakakalungkot na Sikreto Nito

Walang araw na hindi pinangarap ni Kim na sana iba nalang ang naging kanyang nanay. Napakagandang babae ni Kim kaya naman hindi siya makatagal tuwing kasama niya ang nanay niya.

Naiinis siya tuwing sila’y nasa labas at lagi silang pinagtitingan. Para sa kanya, maigi sana kung tinitignan siya dahil sa siya’y maganda. Pero hindi. Agaw pansin kasi ang hitsura ng kanyang nanay dahil iisa lamang ang mata nito.

“Pwede naman kasing ako lang mag-isa! Ba’t ka ba sama nang sama?!” bulyaw nito sa kanyang nanay.

“Baka kasi kung anong mangyari sa’yo Kim, hindi pupwedeng wala kang kasama, pasensya ka na,” sagot naman nito.

“Eh takpan mo yang mata mo! Nakakairita eh!” sigaw nito sa kanyang nanay.

Hindi na nakaka-imik si Rosa tuwing sinisigawan siya ng kanyang anak patungkol sa kanyang mata. Kahit masakit ang ginagawa ng anak nito ay kahit kailanman hindi sumama ang kanyang kalooban.

Palaging napipili si Kim para sumali sa mga beauty contest sa kanilang paaralan.

Kung tatanungin ang kanyang mga kaklase, mala-barbie ang ganda nito dahil sa bilugan niyang mga mata. Samahan mo pa ng mahaba at itim na itim na buhok at ang kanyang balingkinitan na katawan. Kaya naman angat na angat ang ganda niya kumpara sa iba.

“Anak, anong oras nga ulit yung contest niyo?” excited na tanong ng kanyang nanay.

“Asa namang hahayaan kong pumunta ka dun no?!” pagma-malditang sagot ni Kim.

“Sige na anak, gusto lang kitang mapanood, alam mo namang proud na proud ako sa’yo,” nakangiting sagot ng kanyang nanay at akmang susuklayin sana ang buhok ng anak.

“Pwede ba?!” sabay hawi nito sa kamay ng kanyang nanay. “Wag na wag kang pupunta dun ha! Nakakahiya! Baka makita ka pa ng mga kaibigan ko!” patuloy na sambit nito.

Napakasakit para kay Rosa na parati itong naririnig sa anak, ngunit mas malulungkot siya kung magagalit lalo ang anak niya sa kanya.

Ngunit kahit anong pigil ng anak ay pupunta parin ito sa kanilang paaralan para siya’y mapanood. Ang kaso lang ay palagi siyang magtatago sa likod ng maraming tao at magtatakip ng tela sa mukha. Hangga’t maaari ay ayaw niyang may makakita o makakilala sakanya, kaya kahit sa anak niya’y hindi siya magpapakita.

Napakasaya niya tuwing makikita ang anak sa entablado at pinapalakpakan ng marami. Ngunit, nalulungkot rin ito dahil hindi niya masamahan ang kanyang anak tuwing itatanghal na panalo.

Bata pa lamang siya ng iniwan na sila ng kanyang tatay, kaya siya at ang kanyang nanay na lamang ang magkasama.

Tuwing tatanungin ng kanyang mga kaklase kung nasan ang nanay nito, “Nasa abroad nga!” ang palagi niyang sagot.

Nagkolehiyo si Kim at nakapagtapos sa kursong Education. Dahil d’yan ay nagkaroon din siya ng tsansyang makapangibang bansa.

Dahil kating-kati na siyang makalayo sa kanyang nanay ay kinuha niya agad ang oportunidad na makapunta at makapagtrabaho bilang guro sa Thailand.

Habang siya’y nasa ibang bansa, madalas siyang sinusubukang kontakin ng kanyang ina.

“Anak, kumusta ka na dyan?” “Anak, anong oras kita pwedeng tawagan?”“Okey naman ako dito anak, pero sana palagi kang mag-iingat dyan.” “Miss na kita anak, sana makauwi ka na ulit.”

Yan ang mga mensaheng pinapadala ni Rosa sa anak. Ngunit ni isang maayos na sagot ay wala siyang nakuha dito.

Nang makauwi na si Kim ng Pilipinas ay dito na rin siya nakahanap ng mapapangasawa. At makalipas lang din ng ilang taon ay nagkaroon din sila ng mga anak.

Nabalitaan ni Rosa na nakauwi na pala ang kanyang anak at may sarili na itong pamilya. Napakasaya niya bilang isang ina nang marinig niya ang magandang balita na ito.

Nang makarating siya sa bahay ng kanyang anak, ay dali-dali siyang nag door bell. Lalo siyang sumaya nang makitang maayos ang naging buhay ng anak nito.

Laking gulat ni Kim nang makitang nanay niya ang nakatayo sa labas ng kanilang pinto. Ngunit ang kanyang pagka-gulat ay mabilis na napalitan ng galit.

“Anong ginagawa mo rito?!” mahinang bulyaw ng kanyang anak para hindi siya marinig ng ibang tao sa loob ng kanilang bahay.

“Nung nalaman kong may pamilya ka na pala, hindi ako nagdalawang isip na bisitahin ka, ‘nak,” nakangiting sabi ng nanay niya. Yayakapin sana nito si Kim ngunit umatras siya.

“Hon, sino daw yung nag-door bell?” tanong ng asawa ni Kim na nasa may sala.

“Wala hon, naliligaw lang daw, mali ang napuntahan na bahay,” sagot naman nito.

“Pwede ba? Umalis kana, masaya ako nung hindi kita nakikita kaya umalis ka nalang!” sambit nito bago saraduhan ng pinto ang kanyang sariling ina.

Hindi na nangulit pa si Rosa at umuwi na lamang sa kanilang probinsya.

Ilang buwan ang lumipas at nakakuha ng imbitasyon si Kim mula sa kanyang paaralan noong high school para sa isang reunion ng kanilang batch.

Nang mag-punta si Kim sa reunion ay naisipan niyang pumunta sa kanilang lumang bahay – kung nasaan ang kanyang ina.

Pero wala siyang nadatnan na tao.

Ani ng mga kapitbahay, ilang buwan na ang lumipas ng pumanaw si Aling Rosa. Sa balitang kanyang narinig, ay ni isang patak ng luha ay walang lumabas sa kanyang mga mata.

Inabot din ng kapitbahay ang isang sulat na para kay Kim galing sa kanyang nanay:

“Anak naiintindihan ko kung bakit mo ako pinapalayo at hindi pinapakita sa mga kaibigan mo dahil iisa ang mata ko. Huwag kang mag-aalala dahil naiintindihan ko at pinapatawad kita. Noong bata ka pa ay naaksidente ka at masira ang isa mong mata, kaya naman hindi ako nagdalawang-isip na ibigay sa’yo ang sa akin dahil anak kita. Hindi rin ako nagsisisi na ginawa ko ito dahil nakita ko namang napakaganda ng iyong buhay ngayon. Pasensya na kung hindi ako makakapagtagal sa mundo dahil sa malalang sakit ko, pero kampante naman akong aalis na nasa mabuting kalagayan ka. Ang aking mata ay iyo, kaya para na rin tayong palaging magkasama. Mahal na mahal kita, anak.”

Naiyak na lamang si Kim sa sulat ng kanyang ina. Hindi siya makapaniwala sa lahat ng sakripisyo na ginawa ng kanyang ina para sakanya. Sising-sisi din ito dahil naging masama siyang anak.

Kung maibabalik lang niya ang oras, ngunit alam niyang hindi na. Kaya naman nangako na lamang siya sa kanyang sarili na aalagaan ang kanyang mga anak at palalakihin na may magandang pag-uugali. Ipinakilala rin niya ang kanyang asawa’t mga anak sa kanyang ina nang dalhin niya ang mga ito sa puntod ng matanda.

Advertisement