Pinagdududahan ng mga Anak na May Relasyon ang Kanilang Ina sa Binatang Hardinero, May Kinalaman Pala Ito sa Kanilang Pamilya
“Gabriel, huwag mong kalimutang diligan ang mga orchids ko!”
Ito ang araw-araw na sigaw ni Maricar sa tisoy na hardinero nilang si Gabriel.
Mabait ang binata at mapagkakatiwalaan kaya gustong-gusto siya ng babae. Lingid sa kaalaman ni Maricar na lihim na kinaiinisan ng kanyang mga anak na sina Kelly at Jr ang pagiging malapit niya sa hardinero.
“Ma, napapansin namin ni Kelly na sobrang lapit mo kay Gabriel! Baka mamaya ay mamihasa iyan at lumaki ang ulo,” sabi ni Jr.
“Oo nga, Ma. Tapos nakikita ko pa na palagi mong pinapapasok sa kuwarto mo. Paano kung pagnakawan ka nun!” wika naman ni Kelly.
“Bakit ba kayo ganyan mag-isip? Hindi ganun klaseng tao si Gabriel. Napakabait niya at masipag dito sa bahay. Huwag niyo siyang pag-isipan ng masama!”
Kahit anong paliwanag niya sa mga anak ay hindi pa rin naniniwala ang mga ito sa kanya.
Isang gabi, lumabas ng kuwarto si Kelly para magtimpla ng gatas. Napansin niya si Gabriel na pumasok sa kuwarto ng ina.
“Ano kaya ginagawa ng lokong iyon sa kuwarto ni Mama?” bulong niya sa sarili.
Nilapitan niya ang kuwarto at tangkang bubuksan ang pinto ngunit nakasara iyon sa loob. Nagkaroon ng hindi magandang hinala ang dalagita.
“Si Mama at si Gabriel? Hindi ito maaari!”
Ikinuwento niya sa kapatid ang natuklasan.
“Kuya, si Mama at si Gabriel may relasyon!” aniya.
Napabalikwas ng bangon si Jr sa sinabi ni Kelly.
“Ano? Paano mo nasabi, Kelly?”
“Nakita ko si Gabriel, pumasok sa kuwarto ni Mama. Nang bubuksan ko ang pinto ay nakasara! Ano pa bang iisipin mo?” histerikal na sabi ni Kelly.
“Sigurado ka?”
“Sigurado ako, Kuya! Hinding-hindi ako puwedeng magkamali si Gabriel ang nakita kong pumasok sa kuwarto ni Mama!”
“Relaks lang, sis! Malalaman din natin ang totoo. Huhulihin natin sila sa akto!”
Kinaumagahan, habang papasok sa eskwela ang magkapatid ay nakita nilang inaabutan ng pera ng kanilang ina ang hardinero.
“Sobra na, kuya! Ako nga pahirapang makahingi ng pera kay Mama tapos siya ganun lang kadali?” inis na wika ng dalagita.
“Lalabas din ang baho ng lalaking iyan!” sambit pa ni Jr.
Inintay nilang makapasok ng bahay ang ina bago kinompronta ang binata.
“Hoy, titgil-tigilan mo nga ang pagiging sipsip mo kay Mama!” galit na sabi ni Kelly.
“A-anong ibig mong sabihin?” anito.
“Nagmamaangmaangan ka pa, e huling-huli ka namin na hinuhuthutan mo ang nanay namin!”
“Wala akong hinuhuthot kay Tita.”
Napamulagat ang magkapatid sa tinuran ng binata.
“Pakiulit mo nga ang sinabi mo?” inis na tanong ni Jr.
Inulit naman ni Gabriel ang sinabi niya sa mahinahong boses.
“W-wala akong hinuhuthot kay Tita Maricar!”
Parang nagpanting ang tainga ng magkapatid nang marinig ang salitang “Tita”.
“Wala kang karapatang sabihang Tita si Mama dahil hindi ka niya pamangkin at hindi ka namin kamag-anak!” sigaw ni Kelly.
Tumango lang si Gabriel. Sa puntong iyon ay wala siyang kalaban-laban sa magkapatid kaya siya na ang nagpakumbaba.
“Kung iyan ang gusto niyo, hindi ko na uulitin. Pasensiya na kayo!”
“Dapat lang! Matuto kang lumugar!”
“At isa pa, tigil-tigilan mo ang pang-aakit kay Mama!”
Nagulat si Gabriel sa pamimintang ni Kelly.
“Alam mo ang tinutukoy ko, Gabriel!” anito.
Kinabahan nang husto si Gabriel, may gutong tumbukin ang dalagita sa diin nang pagkakasabi nito.
Lingid sa kanilang kaalaman ay nakikinig lang ang kanilang ina. Kanina pa pala nito pinagmamasdan ang pangungutya ng dalawang anak kay Gabriel.
Pagpasok ng binata sa loob ng bahay ay agad siyang tinanong ni Maricar.
“Ayos ka lang ba?” nag-aalalang wika ng babae sabay haplos sa pisngi ni Gabriel.
“Baka may alam na sila, ano pong gagawin natin?”
Nang dumating ang magkapatid galing sa eskwela ay may nabuo silang plano. Huhulihin nila ang ina at si Gabriel sa akto.
Dahan-dahan silang naglakad papunta sa kuwarto ng ina. Gaya ng inasahan ay nakasarado iyon sa loob. Nang biglang may nagbukas ng pinto. Nagtago ang dalawa sa gilid ng refrigerator. Laking gulat nila kung sino ang iniluwa niyon.
“Si Gabriel, Kuya! Pawisan ang gago! May ginawa na naman silang milagro ni Mama.”
“Lintek itong Gabriel na ‘to! Humanda ka sa akin!”
Inabangan ng magkapatid ang pagbalik ni Gabriel sa loob ng kuwarto at kasabay niyon ay inaktuhan nila ang pagpasok sa nakabukas na pinto.
Nakita nila ang sirang electric fan na nakalagay sa ibabaw ng mesa at mga panlinis.
“O, anong ginagawa niyo rito?” tanong ni Maricar.
“Kayo ang dapat naming tanungin, Ma! Ano ang ginagawa ng lalaking iyan dito sa loob ng kuwarto mo?”
“Pinapaayos at pinapalinis ko sa kanya ang nasirang electric fan dito sa kuwarto.”
“Kunwari pa kayo, e kitang-kita ko na palagi siyang pumapasok dito at araw-araw niyo pang binibigyan ng pera. Sabihin mo nga, Ma may relasyon ba kayo?”
“Magpapaliwanag ako, mga anak,” mahinahing sabi ng ina.
“Ano pa bang ipapaliwanag mo, Ma? Buking na namin ang relasyon niyo ng hardinerong iyan!” malakas na sigaw ni Kelly.
Hindi na nakapagpigil pa si Maricar at umamin na sa dalawa.
“Wala kaming ginagawang masama. Si Gabriel ay anak ko rin. Kapatid niyo siya!” bunyag ni Maricar.
“K-kapatid namin siya? Paano?” nagtatakang tanong ni Jr.
“Siya ang anak ko sa una kong asawa. Lumaki siya sa kanyang lola sa probinsiya kaya hindi niyo siya nakilala. Nang mamatay ang Papa niyo ay ipinangako kong ipapakilala ko si Gabriel sa inyo, ngunit hindi ko alam kung matatanggap niyo siya bilang kapatid kaya minabuti kong ilihim muna sa inyo ang lahat at sabihin sa takdang panahon. Pinatira ko dito si Gabriel bilang hardinero para hindi kayo makahalata sa tunay niyang pagkatao.”
“Ma, sana sinabi niyo sa amin ang totoo para hindi namin kayo pinagdudahan at pinagbintangan ng kung ano-ano,” wika ni Kelly.
“Oo nga, Ma. Matatanggap naman namin si Gabriel bilang kapatid, sambit naman ni Jr.
Niyakap ni Maricar ang mga anak at humingi ng paumanhin.
“Patawarin niyo ako kung naglihim ako sa inyo! Simula ngayon ay parte na ng pamilya natin si Gabriel.”
“Sorry kung pinagdudahan ka namin, Kuya Gabriel! Sana mapatawad mo kami ni Kelly!” nagsisising wika ni Jr.
“Salamat sa pagtanggap sa akin bilang kapatid niyo, Jr, Kelly!” wika ng binata.
Hindi inakala ng magkapatid na ang pagdududa at hinala nila sa kanilang ina ang magiging daan upang malaman ang katotohanan tungkol sa isa pa nilang kapatid na si Gabriel. Ito rin ang naging tulay para mabuo ang kanilang pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!