Malas Daw ang Anak ng Babaeng Ito Ayon sa Paniniwala sa Kanilang Lugar, Ngunit Papatunayan Niyang Mali ang Haka-haka
“Nito! Tawagin mo si Aling Minda! Manganganak na ako!” sigaw ni Natalia.
Kumaripas ng takbo si Rey habang bitbit ang isang itak at kinatok ang komadrona nilang kapitbahay.
“Aling Minda gising ho! Parang awa niyo na! Manganganako na ho ang misis ko!” sigaw ni Rey sa bahay ng ale habang magmamasid siya sa paligid.
Nakatira ang mag-asawa sa isang liblib na probinsya kung saan ang mga tao ay kailangang nasa loob na ng bahay pagsapit ng ala singko ng hapon dahil marami raw aswang at ibat-ibang engkanto na nagkalat dito.
“Naku naman Rey! Ang malas naman manganak niyang asawa mo, biyernes pa!” saad ng ale sabay labas sa kaniyang bahay at nagtalokbong ito ng itim na tela. Halos tatlong minuto ang layo ng kanilang bahay, probinsya kasi kaya malalayo ang pagitan.
“Kumuha ka ng tubig, mga kumot at plangana!” sigaw ng ale at ikinumot niya ang itim na tela sa tyan ng babae sabay pinaire ito. Mabilis lang ang pangyayari at agad na nakapanganak si Natalia, kambal na babae ang kaniyang supling.
Inayos na ni Aling Minda ang lahat at pinatulog na ang mag-ina hangang sa sumapit ang umaga.
“Natalia at Rey uuwi na ako, nga pala binabati ko kayo sa inyong naging anak at nakaraos ka kahit na biyernes. Alam mo naman dito sa atin e pag biyernes malakas ang mga aswang at engkanto,” saad ng ale.
Nagpasalamat ang mag asawa sa ale at masayang nanirahan bilang unang mga magulang.
“Mga anak, ang bibilis niyong lumaki! Sana maging baby nalang kayo palagi! Mahal na mahal kayo ni mama!” sambit ni Natalia sa mga anak habang sila ay nasa labas at nagpapahangin.
“Naku ineng dahan dahan ka sa paghiling at baka marinig ka ng mga hindi natin nakikita,” saad ni Aling Minda.
Mabilis ang paglaki ng kambal ngunit noong ito ay nag isang taon ay napansin ni Natalia hindi parin humahaba ang mga binti ng kaniyang anak. Hangang sa dumating na nagdalawang taon ng mga bata at ganoon parin ang mga binti nila, nag-alala na silang mag-asawa.
“Aling Minda, bakit ho kaya ganito ang binti ng mga anak ko? Bakit mas maliit kaysa sa kanilang katawan?” tanong ng babae sa ale.
“Naku! Ayan na! Lumalabas na ang malas! Malas yang mga anak mo! Pinanganak mo kasi ng biyernes yan tapos hiling ka pa nang hiling sa hangin baka narinig na yan ng mga engkanto!” sagot sa kanila ng ale.
Umalis nalang si Natalia at umuwi sa kanilang bahay.
“Rey, ang sakit sakit magsalita ni Aling Minda para tawagin niyang malas ang mga anak natin! Baka pwede tayong dumayo sa kabilang nayon may center doon diba? Ipatingin natin ang mga bata,” saad ni Natalia sa asawa.
“Hayaan mo magbebenta ako ng mga gulay para naman may pera tayong dala papunta doon. Kung gusto mo patingin muna tayo sa albularyo?” baling ni Mang Rey sa misis.
Pagtitinda lamang ng tanim na gulay ang pinagkakakitaan ng mag-asawa, simple lang naman kasi ng buhay nila sa probinsya.
Kinaumagahan ay agad na nagpatingin ang dalawa sa albularyo kasama ang kanilang kambal. Mapapansing maliliit ang mga binti ng bata at mahina ang mga ito, halos hindi ito makatayo ng walang suporta, hindi parin nakakapagsalita ang mga bata at tila sanggol parin ang kanilang boses. Mama, papa at dede lamang ang kaya nitong sabihin ng buo.
“Napaglaruan ng mga engkanto ang anak ninyo Natalia,” wika ng albularyo.
“Ano ho kayang pwede naming gawin?” tanong ng babae.
“Pagkauwi niyo ay mag-alay kayo ng pagkain at bumulong sa hangin na bawiin na nila ang ginawa sa inyong anak,” saad ng matanda.
Dali-daling umuwi ang mag-asawa at nagdasal, nag-alay at naki-usap sila sa mga halaman doon, sa kanilang paligid ngunit dumaan ng ilang buwan ay hindi pa rin gumaling ang mga anak niya. Kaya naman nakipagsapalaran na ang mag-asawa sa kabilang nayon para doon magpatingin.
“Misis, hindi po na engkanto ang anak ninyo. Kulang lang po sila sa nutrisyon at kung papansinin po natin ay binti lang naman ang maiksi sa parte ng kanilang katawan at wala ng iba pa kaya hindi ko po masasabing mga unano sila. Reresetahan ko po kayo ng ilang bitamina para maipainom ninyo sa inyong mga bata at bumalik po kayo pagkatapos ng isang buwan dahil titingnan natin kung may pinagbago ba,” saad ng doktor.
“Importante rin ho ang tamang paghilot sa mga binti ng mga bata para lumakas ito. Sa kanilang pagsasalita naman, kung bakit hindi pa rin malinaw ay sa tingin ko naman normal lang rin ho ito. Hindi naman ho kasi pare-parehas ang paglaki ng mga bata, yung iba ho maaga nakakapagsalita yung iba naman ho ay matagal pero normal naman ho sila. Palakasin lang po muna natin ang resistensiya nila,” dagdag ng doktor.
Walang binayaran ang mag-asawa dahil libre lang pala ang pagpapagamot doon. Pagkauwi nila ay agad nilang sinunod ang sinabi ng doktor, hinilot niya ang mga binti at sinasabayan niya ito ng dasal. Mas naging madasalin pa si Natalia at itinigil niya ang paniniwala sa mga sabi-sabi ng kaniyang mga kapitbahay.
Mas binigyang pansin din ng mag-asawa ang kinakain ng kambal, pinapakain nila ito ng iba’t-ibang gulay at prutas. Aminado naman si Natalia na naging pabaya siya sa pagpapakain sa mga anak dahil parating sabaw lamang ng kanin ang binibigay niya o ‘di kaya naman kamote. Abala kasi siya sa pagtatanim ng gulay. Ibinigay din niya ang mga bitaminang natangap mula sa doktor.
At lumipas ang isang buwan, nakita niyang kahit papano tumigas ang mga tuhod ng kambal at bumalik silang muli sa doktor.
“Ayan misis, bumigat na ang kambal natin. Ibig sabihin nito gumagaling na sila sa malnutrisyon. Ipagpatuloy niyo lang po ang pagpunta dito sa amin,” saad ng doktor.
Ipinamahagi ni Natalia ang kaniyang naging karanasan sa mga kapitbahay at ang doktor na tumulong sa kanila. Ngayon ay apat na taon na ang mga kambal at nakakalakad na rin ang mga ito.
Ginagalang pa rin niya ang mga paniniwala ng kaniyang mga kapitbahay ngunit hindi na siya nagpapa-apekto dito dahil para sa kaniya, wala nang mas mananaig pa sa pananampalataya sa lumikha sa atin.
Hindi rin niya itinuturing na malas ang kaniyang mga anak dahil lang sa mga kasabihan at haka-haka sa kanilang lugar dahil kahit ano pa ang maging katauhan ng kambal ay buong puso parin niya itong tatanggapin at mamahalin.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.