Inday TrendingInday Trending
Hindi Makatagal sa Kahit Anong Trabaho ang Babaeng Ito; Mababago Pa Kaya Niya ang Pangit na Pag-uugali

Hindi Makatagal sa Kahit Anong Trabaho ang Babaeng Ito; Mababago Pa Kaya Niya ang Pangit na Pag-uugali

“Kasalanan mo lahat iyan Arturo! Tingnan mo yang anak mo, mahina! Lampa! Iyakin! Bini-baby mo kasi kahit matanda na,” saad ni Aling Imelda sa asawa.

“Oo na, kasalanan ko na! Bakit ba kasi kailangan pa niyang magtrabaho e may maliit naman tayong negosyo at isa pa kaya ko naman kayong buhayin ha?! Bakit papahirapan mo yung bata?!” baling ni mister kay misis.

“Para ano? Para walang alam gawin yang anak mo kundi ang umasa sa’tin? Paano kung bukas makalawa matigok tayo bigla? Ano mangyayari sa kaniya? Nganga? Mag-isip ka nga Arturo!” sigaw ng ale sabay labas sa kanilang kwarto.

“Angel, tumayo ka diyan! Late ka na sa trabaho mo! Pumasok ka na sa trabaho at wag kang masyadong maarte! KAYA MO YAN, ANAK!” pahayag ng ale habang kinakatok ang pintuan ng kwarto.

Binuksan naman ng dalaga ang pintuan at tsaka ito lumabas at umalis ng walang imik.

“Tignan mo, ‘di kana naawa sa anak mo. Itatapon niya ang sarili niya sa trabahong ayaw naman niya! Anong klaseng ina ka?” saad ni Mang Arturo.

“Tigilan mo ako sa pagmamando paano maging isang ina, Arturo! Tinuturuan ko lang ‘yang anak mo! Nakapagtapos ng kolehiyo e ganyan kahina ang loob? O ganyan ka arte yan dahil sa pang-iispoil mo?! Tigilan mo ako!” tsaka lumabas si Aling Imelda ng bahay at pumunta sa kanilang pwesto sa may palengke.

Meron silang maliit na negosyong palabahan, may self-service na washing machine at meron din naman yung sila ang naglalaba. Dalawa na ang pwesto nilang mag-asawa, agad nilang napalago ang negosyo lalo na ngayong tapos na mag-aral si Angel ng kolehiyo.

Si Angel ay ang nag-iisa nilang anak, 40 anyos na si Mang Arturo noong ito ay kanilang nabuo at 33 anyos naman si Aling Imelda at dahil nag-iisa nga ito ay labis na pangiispoil ang natanggap sa kaniyang ama.

Halos lahat ng luho ay bigay sa bata at hindi ito kailanman nakatanggap ng palo at masasakit na salita sa kaniyang magulang, sino nga ba namang magulang ang nais masaktan ang kanilang anak? Hindi ba’t wala naman?

Bata pa lamang ay napapansin na nilang kulang ito sa atensyon, yung tipong pag may ginawa ang bata ay kailangan itong purihin ng kaniyang ama, masungit kasi si Aling Imelda kaya naman si Mang Arturo ang mas malapit sa anak.

Kaya ngayong nagtratrabaho na ang bata ay parati na lamang itong umuuwi ng luhaan. Katulad ng una niyang pasok sa isang restwaran bilang kahera, umuwi itong namamaga ang mata.

“Oh anak anong nangyari sa’yo?” bati ni Mang Arturo sa dalaga.

“Daddy! Ayoko na mag trabaho doon, sinisigawan ako ng manager doon e. Mainit ulo nila sa’kin!” bulalas ng dalaga.

“Siya sige magresign ka na agad bukas! Wag ka na babalik doon. Dito nga sa’min lumaki ka ng hindi kita sinisigawan tapos sila gaganunin ka lang? Tahan na anak, ayos lang yan unang trabaho mo pa lang naman iyan kaya wag ka na tumuloy doon,” saad ni Mang Arturo.

“Anong magresign? Kakaumpisa pa lang ng anak mo papatigilin mo na sa trabaho? Bakit? Inalipusta ka ba nila ha Angel?” tanong ni Aling Imelda habang bitbit ang mga tuyong damit ng kanilang customer.

“Hindi naman, mama. Yung manager ko kasi doon parang buong araw na lang akong sinisigawan. Kaunting pagkakamali ko lang e nakasigaw agad, tapos lagi pa binabatayan lahat ng galaw ko, ayoko ng ganon mama e,” saad ng dalaga habang nakayuko.

“Diyos ko naman anak, normal lang iyan kasi trabaho yan at hindi ka naman nila anak para amu-amuhin,” saad ng ale sa dalaga.

Hindi ito nagsalita imbes ay pumasok na lang ito sa kaniyang kwarto at nagkulong at hindi na muling pumasok pa sa naturang restawran.

Ilang linggo ang lumipas ay agad naman siyang nakahanap ng trabaho bilang data encoder at natuwa ang kaniyang magulang dahil lumilipas na ang tatlong buwan at hindi pa ito nagreresign, ngunit nagulat sila ng umuwi ito ng isang tanghali.

“Oh anak, mamaya pa ang uwi mo ba’t napaaga ka yata?” tanong ni Mang Arturo habang nagtutupi siya ng mga damit na nalabhan na.

“Wala na ho akong trabaho daddy. Itong mga nakaraang lingo kasi lagi daw may mali yung mga tinatype ko, ang sakit-sakit nila magsalita kaya hindi na ako papasok doon,” saad ng dalaga sabay upo sa sofa.

“Paanong masasakit na salita iyon ha Angel sabihin mo nga?” tanong ng kaniyang Inang nagluluto ng pinakbet para sa tanghalian.

“Pinatawag ako sa opisina tapos sabi sa’kin “Angel yung mga gawa mo noong nakaraan ay maraming mali, paki-ayos mo para naman hindi doble doble ang trabaho natin. Nasasayang ang oras Angel at tumatambak ang gawain,”” saad ng dalaga.

“Tapos pagalit pa niyang sinabi, pwede namang mahinahon lang bakit kailangan sumisigaw siya. Para bang ang laki-laki ng sahod ko doon. Kanila na yang trabaho nila mga bwisit!” dagdag pa ng dalaga.

Agad na hinain ng ale ang pakbet sa mesa at tinawag ang kaniyang mag-ama para mananghalian.

“Anak ito bang pakbet kung hindi ko naluto ng maayos kakainin mo kaya? Diba’t hindi rin,” saad ng ale sabay pigil sa kamay ni Mang Arturo sa paglalagay ng pagkain sa plato ng anak.

“Simula ngayon Angel hindi ka na lalagyan ng tatay mo ng pagkain diyan sa plato mo, kami naman dapat ang nilalagyan mo dahil malaki ka na,” saad ng ale.

Walang nagawa ang dalaga kundi magsandok ng kaniyang sariling pagkain, nainis man ang kaniyang mister ay tinapakan na niya ang paa noon at sinyelas na hayaan siya sa kaniyang ginagawa.

“Balik tayo anak. Iyang ulam o kahit anong nakikita mo dito sa bahay, kung hindi ko kaya inaayos yan at ng tatay mo matutuwa ka rin? Diba’t hindi? Parang ganyan lang din sa trabaho, hindi parating ikaw ang pinagsisilbihan, hindi pwedeng hindi ka pagsabihin dahil hindi ka nila kaano-ano, empleyado ka nila Angel at marami pang pwede pumalit sa’yo kung hindi mo gagawin ng maayos ang trabaho mo,” paliwanag ng ale.

“Marami pa rin naman akong ibang trabaho na pwedeng pasukan,” sagot ng dalaga.

“Kita mo, marunong ka sumagot sa’kin pero hindi mo kayang harapin yung mga pagalit sayo ng mga katrabaho mo. Hindi pwedeng ganyan anak na pag ayaw mo na aalis ka na lang, pag napaglitan ka ng kaunti ay mawawalan ka na ng gana. Dahil hindi lahat ng trabaho ay magaan at masaya. Sa opisina, ibat-ibang klase ng tao ang makakasalamuha mo at hindi sila lahat ang mag aadjust para sa’yo. Kailangan anak marunong ka makisama at sumunod sa dapat na gawin,” baling ng ale.

Inawat na ito ni Mang Arturo at kumain daw muna sila ng tanghalian. Hindi pa rin nakinig si Angel sa kaniyang ina at umalis parin ito sa kaniyang trabaho. Nagpalipat-lipat ang dalaga hangang sa nakapasok siya sa banko bilang kahera.

“Mama, pakiramdam ko ay tatagal na ako sa trabaho kong ito dahil mukhang magkasundo kami ng manager. Daddy, proud ka ba sa’kin?” saad ng dalaga sa kaniyang mga magulang ngunit hindi sumagot ni Aling Imelda.

“Oo naman anak, proud na proud ako sa’yo!” mabilis na sagot ng kaniyang tatay.

Natapos ang tatlong buwang training ng dalaga at nailagay na siya ngayon isang branch ng banko, naging maayos ang kaniyang trabaho ngunit sinubukan na naman siya ng panahon dahil nagpalit ng manager ang kanilang store at isang masungit at napakagandang babae ang napunta sa kanila.

“Angel, sabi sa akin marami ka na raw napapasukang trabaho pero lagi kang bigla na lamang nawawala? Sa akin wag na wag mong gagawin yan kasi maapektuhan ang records mo sa lahat ng banko,” saad ng bagong manager na si Miss Malou.

Hindi nakapagsalita ang dalaga at nanginginig ang buo niyang katawan sa takot. Malaki at malakas kasi ang boses niya at halos ilang beses siyang nagkamali ng araw na iyon at hindi niya nakayanan ay umiyak siya sa kanilang banyo.

“Angel, bakit ka umiiyak?” tanong ni Miss Malou.

“Puro po kasi ako mali at galit po kayo sa akin,” saad niya sa babae na tila isa siyang batang naagawan ng candy.

“Tumigil ka nga sa kakaiyak mo. Oo, marami kang mali, pero hindi ibig sabihin noon ay hindi mo na iyon matatama o hindi ka na gagaling. Sunod, hindi ako galit sa’yo, galit lang ako sa maling trabaho. Angel pag andito tayo sa opisina, ang importante dito yung ginagawa natin at hindi yung personal nating nararamdaman, pagkatapos nitong buong araw ay pwede tayong lumabas, pwede tayong maging barkada pero dito sa opisina trabaho ng kailangan natin unahin,” baling ni Miss Malou.

Doon palang nahimasmasahan si Angel sa kaniyang mga ugali. Tama ang kaniyang manager na kung ayaw niyang mapagalitan ay kailangan niyang ayusin ang trabaho. Simulaan noon ay naging idolo niya ang babae at mas ginalingan pa niya sa lalo.

Mas naging responsable din siya sa bahay at tinutulungan na niya ang kaniyang magulang. Mas lumawak na rin ang kaniyang pagiging propesyonal dahil sa tuwing mapapagalitan siya ay hindi na niya ito dinadamdam, bagkus ay binabago niya ang kanyang sarili upang maging mahusay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement