Inday TrendingInday Trending
Pinili Niyang Maging Kabit at Magtrabaho sa Ibang Bansa Upang Makasama ang Kasintahan, Di Niya Akalain na Magbabago ang Lahat

Pinili Niyang Maging Kabit at Magtrabaho sa Ibang Bansa Upang Makasama ang Kasintahan, Di Niya Akalain na Magbabago ang Lahat

“Honey, baka puwedeng mas paagahin natin iyong balak nating kasal?” tanong ni Jessa sa kaniyang kasintahan.

“Bakit naman? Hindi ba’t napag-usapan na natin ‘yan? Hindi ba puwedeng mag-antay pa ng onti?” sunod-sunod na tanong ni Limuel.

“Hon, kasi buntis ako. Lagot ako nito sa mga magulang ko,” sagot ni Jessa.

Nagulat si Limuel sa binalita ng kasintahan at pinangakuan na mas papaagahin ang kasal ngunit nakiusap ito na kung maaari ay pagkatapos na lamang niyang makapanganak upang mas mapaghandaan ang mga gagastusin para sa kanilang magiging anak. Naunawaan naman ito ni Jessa kaya sumang-ayon ito.

Makalipas ang isang buwan matapos makapanganak ni Jessa ay agad nilang pinabinyagan ang sanggol. Sa loob-loob ni Jessa ay marahil oras na upang mapag-usapan naman ang kanilang kasal kaya muli niya itong binanggit kay Limuel.

Doon ay hindi na nakapagdahilan pa ang lalaki. Wala na siyang ibang nagawa kung hindi sabihin ang tinatago niyang lihim sa kasintahan. “Patawarin mo ako, Jessa. Mahal na mahal kita pero hindi na kita puwedeng pakasalan. Matagal na akong kasal sa ibang babae at may mga anak na rin kami,” pag-amin ni Limuel. Labis ang pagkagulat ni Jessa na hindi man lang siya nakaimik sa sinabi ng kasintahan. Bagkus ay naluha na lamang siya at tumakbo palayo rito hanggang sa makauwi siya sa kanila.

Matapos maglabas ng sama ng loob sa pag-iyak si Jessa at matapos niyang makapag-isip ng matagal ay napagdesisyunan niya nang kausapin si Limuel. Siya ay nakipaghiwalay dito. Hindi naman ito tinanggap ni Limuel kaya patuloy niya pa ring sinuyo ang dalaga.

Tatlong buwan ang lumipas at hindi pa rin tinigilan ni Limuel si Jessa. At dahil mahal pa rin ni Jessa si Limuel ay muli itong nakipagbalikan kahit na alam niyang pamilyado na ito. Pinagplanuhan nilang magtrabaho sa ibang bansa upang makalayo sa kanilang mga pamilya at makapagsama.

Sa kanilang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa ay mas naunang natanggap si Jessa. Siya ay nagsumikap ng mabuti upang matulungan rin na makakuha ng trabaho si Limuel sa kaniyang pinapasukan at upang maisunod na rin ang kanilang anak.

Lumipas ang ilang buwan ngunit hindi pa rin nakakakuha ng trabaho si Limuel sa bansang pinagtatrabahuhan ni Jessa. Hanggang sa lumipas ang isang taon at wala pa rin kaya naman nagtataka na si Jessa. “Hon, ano ng balita? Wala pa bang tumatawag sa iyo sa mga inaplyan mo?” tanong ni Jessa. “Wala pa nga rin, hon, eh. Parang hindi ata ako papalarin diyan,” sagot ni Limuel. “Hon, huwag kang susuko. Para ‘to sa mga pangarap natin,” paghihikayat ni Jessa. “Sige, hon,” sagot ni Limuel.

Ilang buwan pa ang lumipas at hindi pa rin nakakakuha ng trabaho si Limuel at mas dumalang ang pakikipagkomunikasyon niya sa kasintahan. Kung makakapag-usap man sila ay parati itong nagmamadali na tila ba sawa ng siyang kausapin ang kasintahan. Naging malamig na ang pakikitungo ni Limuel kay Jessa.

Nagduda na si Jessa na may mali sa mga nangyayari kaya naman ginawan niya ng paraan upang mabuksan ang Facebook account ni Limuel at doon na bumulagta ang masakit na katotohanan. Nadiskubre niya na may ibang babae na si Limuel bukod sa asawa nito at bukod pa sa kaniya. Nabasa niya ang mga chat messages ng bagong babae nito at hindi mapagkakaila na sila ay mayroon ng relasyon.

Noong una ay tinatanggi pa ito ni Limuel hanggang sa umamin na lang siya at sinisi ang lahat kay Jessa. “Ang pilit mo naman kasi na diyan tayo sa ibang bansa manirahan, eh! Hindi ka na lang kasi makuntento sa mga araw na nilalaan ko para sa’yo!” Paninisi ni Limuel. “Ano, para lalo mong iparamdam sa akin na kahati namin ng anak mo ‘yung unang pamilya mo? Hindi ako mapapasok sa ganitong sitwasyon kung hindi dahil sa’yo!” Depensa ni Jessa. “Bandang huli tinanggap mo rin naman, di ba? Kung ganito lang din at ipagpipilitan mo ‘yang gusto mo ay itigil na natin ‘to!” Sagot ni Limuel.

Sa pagkakataong iyon ay si Limuel naman ang nakipaghiwalay. Noong umpisa ay hindi ito matanggap ni Jessa ngunit tinatagan niya ang kaniyang sarili at kinayang mag-isa. Sa kaniyang isipan ay sobra na ang dalawang beses na panloloko sa kaniya ni Limuel at hindi na ito maaaring pumangatlo pa. Napag-isip-isip niya rin na mali ang makiapid sa asawa ng iba. Bagama’t nabulag siya ng pag-ibig noon ay iwinawasto niya na ito ngayon.

Ilang taon ang nakalipas at nakuha niya na rin ang anak niya mula sa Pilipinas. Doon ay nagsama na silang manirahan mag-ina sa ibang bansa. Nagkaroon na rin ng ibang kasintahan si Jessa na banyaga at tanggap nito ang anak niya. Sila ay malapit nang ikasal. Habang si Limuel ay hiniwalayan na ng kaniyang asawa matapos malaman na nambababae na naman ito. Hiniwalayan din siya ng bago niyang babae nang malaman na may asawa na pala ito. Mula noon ay nabuhay ng malungkot at mag-isa si Limuel.

Advertisement