Hindi Marunong Magbayad ng Utang ang Babae, Ikinawindang Niya ang Kakaibang Ganti ng Tadhana sa Kanya
“Baka may extra ka ngayon, hiram sana ako!”
Ito ang palaging hirit ni Jelay sa mga ka-opisina. Walang araw sa isang linggo na hindi siya nangungutang.
Marami siyang dahilan, porke’t gipit siya, may sakit ang anak niya, may importante siyang dapat bayaran at lahat na yata ng puwedeng idahilan ay nasabi na niya sa mga taong pinagkakautangan kaya hindi maiwasan na pagtsismisan siya ng mga kasamahan sa trabaho.
“Psst, Reynel, nangutang na naman ba sa iyo si Ma’am Jelay?” tanong ni Carol.
“Oo, nung isang linggo! Hindi pa nga niya nababayaran sa akin, e! Sabi niya babayaran daw niya ako sa suweldo, pero dumaan na ang suweldo hindi pa rin siya nagbabayad ng utang.”
“Hay naku, ganyan din siya nung nangutang sa akin. Sabi niya may sakit daw yung bunso niya at kailangang i-confine sa ospital. Naawa naman ako kasi may anak din ako at alam ko ang pakiramdam kapag may sakit ang anak, nangako kasi siya na magbabayad sa sinabi niyang araw pero hindi niya tinupad. Nabayaran naman niya ang kalahati pero iyong natitirang kalahati ay parang nilista ko na lang sa tubig,’ wika ni Carol.
Kapag dumarating si Jelay sa opisina ay pinagtitinginan siya ng mga kasama dahil parang wala lang sa kanya ang hinaing ng mga ito. Mataas kasi ang katungkulan niya kaya ilang din ang mga kasama niya na komprontahin siya. Minsan iniisip ng mga ka-opisina niya kung bakit palagi siyang nangungutang at nagigipit sa pera samantalang mas mataas pa nga ang suweldo niya kumpara sa mga kasama.
Isang araw, kinausap na siya ng isa sa pinagkakautangan niya na si Donnabelle.
“Ma’am Jelay, baka naman po puwede ko nang singilin iyong utang niyong dalawang libo? Kailangan ko po kasi ng pera dahil magpapadala ako sa mga anak ko sa probinsiya,” anito.
“Naku, pasensya ka na, Donna pero wala pa akong maibabayad sa iyo.”
“Pero ma’am ang sabi mo sa akin nung huli tayong nag-usap ay babayaran mo ako kahapon. Nangako ka pa nga na siguradong mababayaran mo ako.”
“Sorry talaga, pero wala talaga akong maibabayad sa iyo. Pangako babayaran ko ang utang ko sa suweldo.”
“Kahit kalahati lang, ma’am!” pakiusap ng babae.
Medyo tumaas na ang tono ni Jelay sa pangungulit ng katrabaho.
“Wala talaga akong maibabayad, Donna. Pasensya ka na,” pagmamatigas niya.
Halatang nagpigil sa sarili ang babae. Kinuyom ang mga palad na tumayo sa kinauupuan.
“Hindi ka na makakaulit sa akin!” bulong nito sa sarili.
Naging usap-usapan ang pagkompronta ni Donnabelle kay Jelay sa buong opisina.
“Narinig niyo na ba ang balita na kinausap daw ni Donna si Ma’am Jelay kung kailan ito magbabayad ng utang?” wika ni Siena.
“Kanina pa namin alam, ‘te! May maitatago ba dito sa opisina lalo na kung tungkol kay Miss Utang!” natatawang sagot ni Carol.
“Ano raw sabi kay Donna?” tanong ni Reynel.
“Ayun, hindi pa raw mababayaran!”
“Naku, kung ako kay Donna ay huwag na siyang umasa na mababayaran siya ng buo. Parang hindi naman niya kilala ang babaeng iyon,” sabi ni Carol.
“Balita ko, may balak na raw mag-resign si Donna matapos niyang makipag-usap kay Ma’am Jelay,” kuwento pa ni Siena.
Napapalatak na lang si Carol sa balita ng kasama. Hindi na ito bago sa opisina, sa sobrang inis ng ibang empleyado kay Jelay at sa ugali nitong hindi pagbabayad ng utang ay hindi na nakakatagal at nagre-resign na lang.
Isang umaga, nagising si Jelay na nananakit ang kanyang mga kamay. Laking gulat niya nang makita iyon.
“Ano ‘to?!” sigaw ni Jelay nang makitang nagsusugat ang dalawa niyang kamay. Namamaga ito at nagnanana pa. Hindi siya makapaniwala na bigla na lang iyon nangyari sa kanya. Agad niya itong ipinasuri sa doktor.
“Imposible! Wala akong makitang ibang sintomas kung bakit ka nagkasugat ng ganyan sa kamay mo, hija,” sabi ng doktor.
“Pero, dok ano ang dahilan kung bakit nagkaganito ang kamay ko?” halos mangiyak-ngiyak niyang tanong.
“Sorry, hija, pero ngayon lang kasi ako nakakita ng ganyang kondisyon. Hayaan mong pag-aralan ko muna itong mabuti,” anito.
Paglabas niya sa ospital ay naisip niyang dumaan sa Quiapo para magsimba ngunit sa ibang lugar siya dinala ng kanyang mga paa. Hindi niya namalayan na nasa harap na siya ng isang bahay na may nakapaskil sa labas na “Albularyo, hilot, hula atbp!”
Dahil gusto na niyang malunasan ang namamaga at sugatang mga kamay ay nagdesisyon siyang magpakonsulta na lang sa isang albularyo ngunit hindi niya inasahan ang sinabi nito.
“Kinulam ka, hija!” sabi ng matandang albularyo.
“Ho, bakit at sino naman po ang gumawa nito sa akin?” aniya.
“Ang taong pinagkakautangan mo. Pero hindi ko makita kung ano ang kasarian o itsura niya,” sagot ng matanda.
“Diyos ko, paano pong malulunasan itong mga sugat ko?”
“Kailangan mong bayaran ang mga taong pinagkakautangan mo, iyon lang ang paraan para mawala ang kulam!”
Nang pumasok siya sa opisina ay agad niyang binayaran ang mga kasamahang pinagkakautangan niya. Huli niyang binayaran ay ang utang niya kay Donnabelle. Buti na lang at naabutan pa niya ang babae dahil huling araw na nito sa opisina at nakatakda nang lumipat ng ibang trabaho.
Matapos niyang makabayad ng utang, kinagabihan din ay unti-unting nawala ang pamamaga at naghilom ang mga sugat niya sa kamay. Gusto lamang pala ng taong kumulam sa kanya na magbayad siya ng utang. Napag-isip isip niya na iyon ang naging KARMA niya sa hindi pagbabayad ng utang.
Ang hindi alam ni Jelay ay si Donnabelle ang kumulam sa kanya. May kaalaman ang babae sa karunungang itim kaya ito ang ginawang ganti sa kanya.
Mula nang maranasan niya ang kakaibang pangyayaring iyon sa kanyang buhay ay natuto na siyang magbayad ng utang sa tamang oras.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!