Pinahiya ng Misis ang Mister Dahil Amoy Imburnal ang Paa Nito; Hininga Pala Niya ang Mas Masangsang
Siyam na taon nang nagsasama ang mag asawang Jodi at Belmont, mayroon silang nag-iisang anak na babae. Si Jenika, pitong taong gulang na ang bata. Sobra ang pagmamahal ng mister kay Jodi na natagalan siya nito sa kabila ng masamang ugali niya. Matuusin ang babae at mahilig mamintas sa kapwa. Wala siyang pakialam kung makakasakit na siya, basta sasabihin niya ang nararamdaman niya.
“Aba bakit naman nay, eh nagiging honest lang naman ako.” sabi ni Jodi sa kanyang ina isang gabing naghahapunan ito sa bahay nila. Pinagsasabihan kasi siya ng matanda tungkol sa pagiging pintasera niya, kanina kasi ay harap-harapan niyang sinabi na hindi masarap ang inilutong ulam ng kapitbahay nila, kahit pa nagmagandang loob na lamang ang babae na bigyan siya.
“Kahit na ba, isipin mo pa rin ang mararamdaman ng kapwa mo. Paano kung sa iyo sabihin iyon? O pintasan ang anak mo hindi ba at masakit?”
“Hindi, kung totoo naman eh,” sabi niya na nakakibit balikat pa. Napailing na lamang ang matanda, sarado pa ang isip ng kanyang anak.
Maya-maya pa ay narinig nilang bumukas na ang gate, dumating na ang asawa niyang si Belmont. Stay in ang lalaki at tuwing Sabado at Linggo lamang ang uwi sa kanila. Sinalubong ito ni Jodi sa pintuan at hinalikan ito.
Hinubad ng lalaki ang kanyang sapatos at medyas.
“Kain na,” sabi ni Jodi. Nagulat siya nang umalingasaw ang mabahong amoy. Sigurado siyang galing iyon sa paa ng asawa niya. Ah, siguro ang ibang sapatos nitong nakahilera sa tabi ng pintuan nila ang naaamoy niya kanina pa!
“Bakit ang baho?” tanong niya sa lalaki.
“H-ha?” sabi naman ng kanyang asawa, pagud na pagod pa ito mula sa byahe.
“Sabi ko ang baho! Ayan o lalong tumindi, amoy patay na daga!” nilakasan niya pa ang boses at di inisip na mapapahiya ang asawa niya dahil naririnig ng kanyang ina ang pamimintas niya.
“Mamaya na iyang usap, kain na muna kayo,” sabi naman ng matanda, naaawa sa manugang.
Sumunod na ang dalawa sa hapag kainan at sinimulan nang kumain, naroon na rin ang anak nilang si Jenika.
“Ay talagang sinabi ko sa harap niya. Tapos itong si Marlen, nagpagawa pa ng bahay akala mo ikina-Donya nya yun eh mukha pa rin naman syang katulong. Yung nanay ng classmate ni Jenika, Diyos ko po! Iginawa ng project ang anak kapanget-panget naman, puchu puchu lang.” tuloy tuloy ang pamimintas niya sa mga kakilala habang kumakain sila. Tahimik lang naman ang kanyang mag aama, nakatingin rin sa kanya ang anak.
Maya-maya pa ay muling nagsalita si Jodi, “Sorry, hindi ko talaga kaya ang baho ng paa mo Belmont. Kanina ko pa siya talaga naaamoy.” at naduwal pa siya.
Napalingon siya nang magsalita si Jenika, “Si mommy kung anu-anong baho ng iba ang nakikita galing naman ang baho sa bibig nya,”
“Jenika anong sabi mo?!” akmang hahablutin niya ang bata pero agad itong kinuha ng nanay niya at iginiyang makapasok sa kwarto, naiwan silang mag-asawa sa hapag kainan. Bumuntong hininga ang lalaki.
“Ayan, kaya lalaking masama ugali ng anak mo kinakampihan nyo. Pag ako nagsasalita sinasaway nyo ako eh tinuturuan ko lang naman maging honest ang bata, magagalit ka? Totoo namang mabaho ang paa mo!”
“Honey, ayaw ko itong sabihin sayo kasi ayaw kong masaktan ka pero pakiramdam ko ay kailangan mo tong marinig kasi nagiging masama kana.” bungad nito.
“Ano? Sabihin mo na!” pangungulit niya.
“Mabaho ang hininga mo.”
Napaisip si Jodi at hiningahan ang kanyang kamay, napahiya pa siya dahil tama nga ang kanyang mister. Sariling bibig niya pala ang kanyang naaamoy. Ganoon siya kamahal nito kaya tinitiis nito ang amoy para lang di siya masaktan. Kinabukasan ay nagpunta sila sa doktor at sinabi nitong mayroon siyang Halitosis, iyon ang tawag kapag sobrang baho ng hininga ng isang tao. Hindi basta bad breath kung hindi mas malala pa, karaniwan itong may pinanggagalingan.
Tama ang doktor, dahil mula pala sa bituka niya ang amoy na lumalabas sa kanyang bibig. Mayroon siyang gastric reflux, isang sakit sa bituka kapag sobrang acid na ang natatanggap ng katawan, kung hindi pa nagsabi ng totoo si Belmont ay hindi pa iyon maaagapan.
Natuto na si Jodi ng kanyang leksyon.
Laging tandaan na malapit ang bibig sa ilong. Baka pintas tayo nang pintas sa iba, ang naamoy natin ay sariling baho pala.