Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap ang Dalaga na Siya ang Kakambal Niya na Hinahanap ng Matanda, Nagulat Siya nang Malaman Nitong Nagsisinungaling Siya

Nagpanggap ang Dalaga na Siya ang Kakambal Niya na Hinahanap ng Matanda, Nagulat Siya nang Malaman Nitong Nagsisinungaling Siya

Hindi maiwasan ni Wendy ang hindi mainggit sa kakambal niyang si Windy. Parehas na parehas man ang itsura nilang dalawa mula sa hubog ng mukha’t katawan, pati na rin sa kanilang pananamit at galaw, ibang-iba naman ang ugali nito kaysa sa kaniya dahilan para ito ang mas bigyang pansin ng karamihan kaysa sa kaniya.

Malambot kasi ang puso ng kaniyang kakambal. Palagi nitong iniisip ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili. May pagkakataon pa ngang kahit gutom na gutom na ito, binigay pa rin nito sa kaniya ang natitirang pagkain nang malaman nitong hindi pa rin siya kumakain.

Kabaliktaran naman nito ang ugali niya. Bukod sa palagi niyang iniisip ang sariling kapakanan, hindi rin siya marunong makibagay sa mga tao. Sa katunayan, kahit na dalawampu’t limang taong gulang na siya ngayon, wala pa rin siyang nagiging nobyo kahit isa at palagi pa siyang natatanggal sa trabaho dahil sa ugali niya.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mainggit sa kakambal niyang bukod sa may maganda nang trabaho, malapit na rin ito ikasal. “Darating din ang araw na ako naman ang kaiinggitan ng Windy na ‘yan!” inis niyang sabi nang makaramdam ng inggit matapos malamang naghahanda na ito para sa nalalapit na kasal.

Sa sobrang inis niya noong araw na ‘yon, napagdesisyunan niyang maglakad-lakad muna upang makalanghap ng sariwang hangin. Kaya lang, bago pa siya makalabas ng kanilang bahay, nagtaka siya sa isang magarang sasakyang nasa harapan ng kanilang bahay.

Kakatukin niya pa lang sana ang bintana ng sasakyan ng bigla na itong bumaba at isang matandang ngiting-ngiti ang bumungad sa kaniya.

“Ang tagal kitang hinanap, Windy! Mabuti na lang natagpuan na kita ngayon!” sabi ng matanda na ikinapagtaka niya, “Halika, hayaan mo akong bumawi sa’yo! Kahit anong gusto mo, bibilhin ko!” yaya nito saka siya pinaanyayahang pumasok sa kotse at dahil nga sarili niya lang ang iniisip niya, buong araw siyang nagpanggap na siya ang kakambal niyang hinahanap ng matanda.

“Natatandaan mo pa ba ‘yong araw na binigyan mo ako ng isang tinapay? Diyos ko, kung alam mo lang kung gaano ako kagutom noong araw na ‘yon! Hulog ka talaga ng langit sa akin, hija!” kwento nito na binigyan niya ng pekeng ngiti.

“Opo naman, paano po kayo yumaman nang ganito?” tanong niya.

“Hindi ba’t binigyan mo ako ng bente pesos no’n? Sabi mo ibili ko ng pagkain ko, pero ang ginawa ko, pinantaya ko sa lotto! Hindi ko naman akalaing tatama ako!” masaya pa nitong sabi na ikinangiti niya.

“O, dapat ibigay mo ang hati ko sa premyo,” sabi niya na ikinatigil nito.

“Naku, palabiro ka talaga, hija! Baba na tayo, nandito na tayo sa mall!” patawa-tawa nitong sabi.

Ngunit pagkababa nila, may tatlong batang pulubi ang sumalubong sa kanila. Lahat ng ito ay pilit niyang tinaboy at nang nagpumilit ang mga ito na manghingi sa kaniya, tinadyakan niya ang isang bata upang lumayo.

“Hindi ikaw si Windy, hija,” seryosong sabi ng matanda habang tinatayo ang batang natumba dahil sa ginawa niya.

“Ako si Windy! Ano ka ba? Akin na ang hati ko para makauwi na ako,” sabi niya rito.

“Siguro ikaw ang kakambal niya na pinagdasal naming dalawa na magkaroon ng maayos na buhay. Pero tingin ko, hinding-hindi ka magkakaroon ng maayos na buhay kung asal basura ka,” diretsahang sabi nito saka sinakay sa kotse ang mga batang pulubi at siya’y iniwan sa naturang mall.

Paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang sinabi ng matanda habang siya’y naglalakad pauwi. Nang makarating pa siya sa kanilang bahay, nakita niya kung gaano kasaya ang kapatid niya sa pakikipag-usap sa mga batang pulubing dinala roon ng matanda.

“Ngayon, alam ko na kung bakit ganito ang takbo ng buhay ko,” hikbi niya.

Simula noon, pinilit niyang ayusin ang pag-uugali niya. Mahirap man dahil nga likas sa kaniya ang pagkakaroon ng masamang ugali, nagawa niyang magbago sa tulong ng kakambal niyang hindi siya sinukuan.

Sinama siya nito sa pagtulong sa mga nangangailangan, tinulak siya nitong magsilbi sa simbahan, at higit sa lahat, tinuruan siya nito kung paano sumaya at makuntento sa mga bagay-bagay.

Dahil doon, paglipas ng ilang buwan, tuluyan siyang nagbago na tila ba isang milagro sa mga malalapit na tao sa kaniya.

“Ngayon, masasabi ko nang kakambal ka talaga ni Windy, Wendy,” sambit ng matanda sa kaniya nang makasama niya ito sa programa na nagbibigay ng pagkain sa mga taong kalsada.

Advertisement