Inday TrendingInday Trending
Dismayado ang Babaeng Ito Dahil sa Kasalang-Bayan Sila Ikakasal ng Kaniyang Nobyo; Ipagpatuloy Pa Kaya Niya ang Pakikipag-Isang Dibdib Dito?

Dismayado ang Babaeng Ito Dahil sa Kasalang-Bayan Sila Ikakasal ng Kaniyang Nobyo; Ipagpatuloy Pa Kaya Niya ang Pakikipag-Isang Dibdib Dito?

Umoo si Kristine sa alok na kasal ng kaniyang nobyong si Emil, subalit tila nagdadalawang-isip siya ngayon.

“Hindi mo na ba mahal si Emil? Anong problema?” tanong sa kaniya ng kaibigang si Michelle.

“Mahal ko naman si Emil, at wala akong ibang lalaki. Huwag kang magkamali sa iniisip mo. Kaya lang…”

“Kaya lang, ano?”

“Kaya lang, iniisip ko kung kaya ba niyang buhayin ang pamilya namin. Alam mo naman na hindi ganoon kalaki ang kinikita niya sa pagiging mensahero sa kompanyang pinagtatrabahuhan niya,” pag-amin ni Kristine.

“Friend… ano ka ba naman… masipag naman sa Emil, magtiwala ka lang sa kaniya. Hindi ka naman niya siguro pababayaan. Saka mabait at responsableng lalaki siya, kaya huwag kang mag-alala dahil tiyak na kayang-kaya ka niyang buhayin dahil sa sipag niya.”

“Sabagay, tama ka naman diyan,” sabi na lamang niya sa kaibigan.

Nang magkita sina Kristine at Emil upang pag-usapan ang kanilang magiging kasal, nagulat si Kristine sa tinuran ni Emil.

“A-Ano? Sasabay tayo sa kasalang-bayan sa probinsya ninyo?”

“Oo, mahal. Nabalitaan ko na magkakaroon daw ng kasalang-bayan sa amin sa Tarlac at isasabay ito sa Araw ng mga Puso. Balak ko sana na magpalista nang sa gayon ay makatipid tayo. Ano sa palagay mo?” tanong sa kaniya ni Emil.

“Grabe ka naman sa akin! Magpapakasal tayo pero kasabay ng iba? Hindi mo man lamang ba ako pakakasalan mula sa sarili mong bulsa?” talagang nadismaya si Kristine sa planong inihahain sa kaniya ng nobyo.

“May ipon naman ako rito mahal, kaya lang syempre, gusto ko rin sanang maging praktikal. Yung perang naipon ko, puwede nating magamit sa pagsisimula ng buhay may-asawa natin. Nang sa gayon, makapagrenta tayo at makabukod na, habang naghahanda tayo ng sariling dream house natin. O kaya, puwede naman tayong magsimula ng isang negosyo,” paliwanag ni Emil.

“Pero minsan lamang ikasal ang isang babae, Emil. Sana naman, maipagkaloob mo sa akin ang seremonyang gusto ko. Sana naman yung eksklusibo at hindi ‘yung may mga kasama tayo,” muling giit ni Kristine.

Kinuha ni Emil ang mga kamay ni Kristine.

“Mahal, gagawin din natin iyan, kung gusto mo, taon-taon pa. Pero sa ngayon kasi, hindi natin kailangan pa ng magarbong kasalan. Ang mahalaga naman, kahit simple lamang ay maikasal na tayo. Saka, mahalaga ay mahal natin ang isa’t isa. Mahal mo ba ako?” tanong ni Emil.

“Oo naman… mahal na mahal kita, Emil. Ikaw lang naman ang lalaking gusto kong pakasalan at wala nang iba,” pahayag ni Kristine. Niyakap siya ni Emil.

“Iyon lang naman ang mahalaga sa akin, mahal.”

Makalipas nga ang ilang buwan ay idinaos na ang kasalang-bayan sa probinsya nina Emil. Nakilala na niya ang mga kamag-anak nito na pawang mababait. Buhay na buhay ang mainit na pagtanggap sa bisita.

Isang simpleng trahe de boda ang isinuot ni Kristine ngunit lutang na lutang ang kaniyang simpleng kagandahan.

Si Emil naman ay nakahiram ng barong Tagalog sa kaniyang kaibigan. Kay kisig nitong tingnan.

Hindi maiwasan ni Kristine na makaramdam ng pagkairita nang makita niya ang napakaraming mga magkasintahan na makakasabayan nila sa pagpapakasal.

Hanggang sa huling pagkakataon, umaasam pa rin siya na maging pribado ang isa sa mahahalagang mga kaganapan sa buhay ng isang babae; ang maiharap sa dambana ng lalaking nakatadhana para sa kaniya.

Ilang minuto lamang at nagsimula na nga ang seremonya ng kasalang-bayan.

Pagkatapos ng kasalan, hindi inaasahan ni Kristine ang sorpresang reception para sa kanila ng mga kamag-anak ni Emil.

“A-Akala ko wala tayong reception eh, sabi mo kasi wala dahil wala tayong budget,” bulong ni Kristine sa kaniyang mister.

“Sabi ko naman sa iyo ‘di ba? Akong bahala sa kasal natin. Tradisyon na iyan sa baryo namin, bayanihan ng mga magkakapitbahay. Sila na raw ang bahala sa reception natin.”

At hindi makapaniwala si Kristine dahil halos buong mga mamamayan sa barangay nina Emil ay bisita nila! Gulat na gulat si Kristine lalo’t parang magkakakilala ang lahat.

“Ganito talaga rito. Kapag hindi naimbitahan, magtatampo.”

Maya-maya ay nagsimula na nga ang handog na munting programa para sa bagong kasal na sina Kristine at Emil.

Maya-maya, sinabihan ng mga emcee ang bagong kasal na pangunahan ang sayawan o tinatawag na ‘money dance’.

“Hindi ako marunong sumayaw, mahal,” bulong ni Kristine kay Emil.

“Sumabay ka na lang sa akin. Ako na’ng bahala.”

At tumugtog na nga ang banda ng isang sweet na kanta. Sumayaw na nga ang mag-asawa.

Maya-maya, nagulat si Kristine nang magsimulang maglapitan sa kanila ang mga bisita. Bawat isa ay nagsabit ng iba’t ibang pera—may 500 at 1000 piso!

Pagkatapos ng sayawan, halos mahub*d sa katawan ni Kristine ang kaniyang wedding gown dahil sa bigat ng mga perang nakasabit sa kaniya.

Tumataginting na 500,000 piso ang kabuuang halaga ng perang nalikom nila. Hindi makapaniwala si Kristine.

Ginamit nila ang naturang pera upang magsimula ng kanilang buhay-may-asawa. Nakabili ng murang lupa si Emil sa kanilang probinsya upang mapatayuan ito ng dream house nila ni Kristine. Idinagdag niya ang kaniyang naipon upang mapabilis ang pagkakatayo nito.

Ginamit din nila ang pera upang makapagsimula ng kanilang negosyo.

Makalipas ang limang taon, sa kanilang wedding anniversary, muling humarap sa dambana sina Emil at Kristine, ngunit sa pagkakataong ito ay pribado na—ring bearer ang kanilang panganay na anak, at flower girl naman ang kanilang bunso.

‘Renewal of vows’, ‘ika nga.

Tinupad ni Emil ang mga pangako niya kay Kristine, at tutuparin pa niya ang iba pa.

Advertisement