
Pabigat ang Tingin Niya sa mga Magulang na May Sakit, Hindi Niya Akalain ang Sakit na Mararanasan sa Pagkawala ng Dalawa
Bunso sa tatlong magkakapatid ang dalagang si Elle. Lahat sila ay mga babae dahilan para sila’y tawagin ng karamihan bilang Tres Marias. Ngunit kahit sila’y pantay na minahal at inalagaan ng kanilang mga magulang, siya pa rin ang tanging nahuhuli sa buhay.
Sa edad na dalawampu’t lima, may sarili nang negosyo, bahay, at ipon ang dalawa niyang kapatid na ngayon ay parehas nang naninirahan sa ibang bansa kasama ang mga asawang may ibang lahi. Ang dalawang ito ay mayroon na ring tig-isang anak na talagang nagpasaya sa kanilang mga magulang.
Habang siya, ngayong dalawampu’t limang taong gulang na, wala pa rin siyang permanenteng trabaho at pawang mga kapatid niya mula sa ibang bansa ang nagpapakain at sumusuporta sa kaniya at sa kanilang mga magulang na pareho nang may sakit.
Palagi niyang dinadahilan sa iba ang pag-aalaga niya sa kaniyang mga magulang kaya hindi niya magawang makipagsabayan sa tagumpay ng kaniyang mga kapatid. “Kung wala lang pabigat sa buhay ko, malamang, mas matayog pa ang lipad ko kaysa sa mga ate ko! Baka nga kahit bente anyos lang ako, magkaroon na ako ng sariling kumpanya, eh!” pagyayabang niya sa kaibigang nakasabay niya sa pagbili ng gamot sa botika.
“Matagumpay na anak ka pa rin naman, eh, dahil ikaw ang siyang nag-aalaga sa mga magulang niyong may sakit. Ang hirap kaya no’n! Kung ako sa’yo, kaysa ituring mo silang pabigat, sulitin mo ‘yong mga araw na binibigyan ka nila ng pagkakataon na pagsilbihan sila dahil kapag ‘yan sila, nawala…” pangaral ng kaniyang kaibigan na agad niyang pinutol.
“Magiging maalwan na ang buhay ko at makakapag-abroad na rin ako!” nasasabik niyang dugtong na ikinailing na lamang nito.
Pagkauwi niya sa kanilang bahay, napansin niyang namumutla maigi ang kaniyang amang naghihintay sa kaniya sa pintuan, lulan ng isang wheel chair.
“Ano na namang ginawa mo sa sarili mo? Bakit gan’yan ang kulay ng labi mo? Uminom ka na naman ba ng suka?” inis niyang sermon dito saka pinunasan ang bibig nito.
“Si-si mama mo…” hirap na hirap nitong sabi dahilan para siya’y mapahangos sa silid ng kaniyang ina at siya’y labis na nanghina nang makitang nakabulagta na ito.
Tinangka niya pa itong dalhin sa ospital ngunit hindi na talaga nito nakayanan. Mag-isa niyang inayos ang lahat ng papeles para sa burol nito dahil hindi makakauwi ang dalawa niyang kapatid. Hindi niya na alam kung paano pagsasabayin ang pag-aalaga sa ama niyang wala nang buhay ang kalahating katawan at ang pag-aasikaso sa mga bisita ng kaniyang ina.
Lalo pa siyang nakukunsumi sa tuwing tatawag ang kaniyang ama sa kaniyang selpon para magpapalit ng diaper habang siya’y nakikipag-usap sa mga nakikiramay sa pagkawala ng kaniyang ina.
“Hanggang kailan ba tayo magiging ganito, papa, ha? Dapat ikaw na lang ang nawala, eh! Si mama, kahit mahina na, nakakalad pa at kayang asikasuhin ang sarili niya! Samantalang ikaw, pati pagpapalit ng diaper inaasa mo sa akin! Sumunod ka na sa kaniya, ha, para sumaya-saya naman ako!” sermon niya rito habang padabog niya itong nililinisan ng katawan.
Pagkatapos niyang palitan ito ng diaper, hindi na niya ito inilagay sa wheel chair at ito’y sapilitan na niyang pinatulog upang huwag nang makaperwisyo pa sa kaniya.
Lumipas ang buong gabi na hindi siya nakatanggap ng tawag sa ama dahilan para ganoon niya labis na maasikaso ang mga bisita. Nagawa niya pa ngang makipag-inuman sa mga pinsan niyang dumating galing pang probinsya. Kinaumagahan, nagising siya dahil sa isa na namang tawag na talagang ikinainis niya.
“Kahit kailan talaga si papa, napakaperwisyo!” sigaw niya saka agad na sinagot ang tawag mula sa numero ng kaniyang ama, “Ito na, pupuntahan na kita!” bulyaw niya rito.
“Elle, wala na si papa mo,” hikbi ng kaniyang pinsan sa kabilang linya dahilan para siya’y mapabalikwas at puntahan ang silid ng kaniyang ama.
Napaupo na lamang siya sa sahig nang makitang nasa sahig din ang walang buhay na katawan ng kaniyang ama. Nakatanggal na ang diaper nitong puno ng dumi habang hawak nito sa kamay ang isang rolyo ng tissue at alcohol.
“Mukhang sinubukan niyang linisin ang sarili niya pero hindi niya na talaga siguro kaya,” hikbi ng pinsan niya, roon niya naalala ang mga sinabi niya rito kagabi na talagang ikinakonsensya niya.
Kahit na puno ng dumi ang buong katawan nito, mahigpit niya itong niyakap habang humihingi ng tawad.
“Mabuhay ka lang, papa, kahit tumanda na ako sa tabi mo, ayos lang! Huwag mo lang akong iwan katulad ng ginawa nilang lahat sa akin!” iyak niya.
Sabay na niyang pinalibing ang kaniyang ama sa kaniyang ina nang hindi man lang nakikita ng mga kapatid niyang walang balak na umuwi ng Pilipinas.
“Masaya pa rin po akong makasama at mapagsilbihan kayo hanggang sa huling hininga niyo. Sana lang, sinulit ko talaga ang bawat segundo,” pagsisisi niya habang pinagmamasdan ang lapida ng dalawa.
Hindi man niya alam kung saan at kung paano magsisimula, sinulit niya ang mga araw ng pagluluksa upang alalahanin kung gaano siya kamahal ng kaniyang mga magulang.
Pagkatapos noon, siya rin ay agad nang nagtayo ng isang grocery store gamit ang perang ipon ng kaniyang mga magulang na nakalaan pala talaga para sa kaniya. Ipinangalan niya ito sa kaniyang mapagmahal na mga magulang bilang pag-alala sa mga ito.