Inday TrendingInday Trending
Naghanap Siya ng Aliw sa Iba Kahit Siya’y May Pamilya na; Isang Dalaga ang Sumampal sa Kaniya ng Katotohanan

Naghanap Siya ng Aliw sa Iba Kahit Siya’y May Pamilya na; Isang Dalaga ang Sumampal sa Kaniya ng Katotohanan

Isang semestre na lang ang bubunuin ng binatang si Jordan at siya’y tuluyan nang makakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Pinangako niya sa kaniyang ina na siya’y makakapagtapos kasabay ng kaniyang mga kaklase kahit na siya’y pasaway at walang hilig sa pag-aaral.

Kaya lang, bago pa niya matapos ang thesis na magiging batayan kung siya’y makakapagtapos o hindi, nalaman niya namang nagdadalantao ang kaniyang tatlong taong nobya.

“Paano ka na ngayon niyan, ha? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, mag-iingat ka? Bakit mo binuntis ang nobya mo?! Anong ipapakain mo roon?” galit na sabi ng kaniyang ina nang malaman ang balitang ito.

“Mag-aaral pa rin ako para makapagtapos po ako ng pag-aaral at makakuha ng magandang trabaho. Kapag nangyari ‘yon, aakuin ko na ang lahat ng responsibilidad,” katwiran niya na labis na pinanghawakan ng kaniyang ina dahilan para alagaan din nito paminsan ang nobya niyang dinadala ang anak niya.

Matagumpay nga siyang nakapagtapos pagkalipas ng ilang buwan at katulad ng pangako niya sa kaniyang ina, agad na rin siyang naghanap ng trabaho.

Tila umayon naman ang tadhana sa kaniya dahil siya’y agad na natanggap bilang isang serbidor sa isang kilalang hotel sa Makati. “Ito na ‘yon, mama, makakapagbayad na po ako sa lahat ng abono niyo sa mag-ina ko,” wika niya sa kaniyang ina habang pinaplantiya nito ang kaniyang uniporme.

Kaya lang, ilang buwan lang ang lumipas, siya naman ay nahumaling sa iba’t ibang babaeng nakakasama niya sa trabaho. Hindi niya maiwasang hindi mapatingin sa mga naggagandahan at nagseseksihang empleyadong kasama niya. Idagdag pa ang mga katrabaho niyang lalaki na kahit may sarili na ring pamilya, lumalandi pa.

Ito ang rason para ganoon na lang siya tumugon sa tawag ng laman na hindi kalaunan, nabisto ng kaniyang ina’t asawa.

Dito na nagkabuhol-buhol ang buhay niya. Lumayas sa kanilang bahay ang kaniyang asawa kasama ang kanilang anak at kahit saan niya ito hanapin, hindi niya ito makita na para sa kaniya, isang magandang pangyayari dahil tuluyan na siyang makakabalik sa kaniyang buhay binata.

“Jordan, ayusin mo ang pamilya mo! Hindi mo kakailanganin ng maraming babae! Ang kailangan mo, isang babaeng makapagtitiis sa ugali mo! Hanapin mo ang asawa mo!” payp ng kaniyang ina habang pinaghahandaan siya ng almusal.

“Hayaan mo na siya, mama. Kung gusto niya naman, uuwi ‘yon mag-isa. Hayaan mo muna akong masulit ang mga araw na malaya ako,” sagot niya sa ina saka agad itong nilayasan.

Narinig man niya kung paano ito manggalaiti sa kaniya, pinasawawalang-bahala niya lang ito at agad na pumasok sa trabaho.

Pagdating niya roon, nagulantang siya sa ganda ng bagong empleyado at nang makita niyang halos lahat ng katrabaho niyang lalaki ay umaaligid-aligid dito, diretsahan niya itong tinanong, “Pwede ba kitang ligawan?” na ikinagulat naman nito.

“Hindi ako pumapatol sa may asawa, ha, ayoko ng sabit,” diretsahan din nitong tugon na ikinatawa ng kaniyang mga katrabaho.

“Wala, wala akong asawa! Gusto mo ba ikaw ang asawahin ko? Ilang anak ba ang gusto mo? Papaligayahin kita hanggang sa maramdam mo ang saya ng langit! Paniguradong magiging masaya tayong dalawa!” sambit niya pa rito na ikinangisi nito.

“Bakit hindi mo ayusin ang gusot ng pamilyang nabuo mo? Tiyak, iyon ang mas makapagpapasaya sa’yo at sa mag-ina mo. Tama na ang pagbubuhay binata, Jordan, hirap na hirap na sa’yo ang pinsan ko,” mataray nitong tugon na ikinagulat niya!

Bago pa may lumabas na salita sa bibig niya, may binigay itong papel sa kaniya na naglalaman kung nasaan ang kaniyang mag-ina.

“Hindi pa huli ang lahat. Magbago ka na,” bulong pa nito saka siya tinapik-tapik sa likuran. Doon niya labis na napagtantong ang tagal na nga niyang tinatakasan ang responsibilidad na siya lamang ang makakatugon.

Oramismo, siya’y agad na nagpunta sa lugar na iyon. Hindi na niya inisip na trabaho niya o ang iisipin ng kaniyang mga katrabaho. Ang importante na sa kaniya ngayon ay ang muling makita ang kaniyang mag-ina.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga niyang nakita ang kaniyang mag-ina. Tahimik na hinehele ng kaniyang asawa sa isang duyan sa pagitan ng dalawang malaking puno ang kanilang anak habang patagong umiiyak.

“Pupwede pa ba tayong magsimula ulit?” tanong niya na ikinagulat nito.

“Paano mo nalamang nandito kami?” tanong din nito saka agad na binuhat ang kanilang anak upang ilayo sa kaniya.

“Hindi na iyon importante, ang mahalaga, mabuo na ulit tayo. Pakiusap, bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon,” hikbi niya na ikinaiyak na rin nito.

Hindi kalaunan, muli niyang nakuha ang loob ng kaniyang asawa at ito’y umuwi na rin kasama niya sa kanilang bahay na ikinasaya rin ng kaniyang ina.

“Sa wakas, natauhan na ang anak ko,” sabi nito saka niyakap ang kaniyang anak.

Simula noon, pilit na niyang iniwasang tumigin sa ibang babae. Itinuon niya lang ang kaniyang sarili sa pagtatrabaho para sa mag-ina niyang siya lang ang tanging inaasahan at katulad ng sabi ng pinsan ng kaniyang asawa, rito niya naramdaman ang tunay na saya.

Advertisement