Inday TrendingInday Trending
Nandito Na Ako Ulit, Love!

Nandito Na Ako Ulit, Love!

“Kuya, huwag mo namang gawin sa amin ito. Hindi ko kayang mag-isa rito sa Pilipinas. Hindi ko kayang alagaan si tatay!” umiiyak na pakiusap ni Jasmin sa kaniyang kuya.

“Jasmin, kailangan kong sundan ang Ate Ester mo, magtratrabaho naman kami ng sabay doon. Kapag kasi hindi ako sumunod sa kaniya ay baka tuluyan na kaming maghiwalay,” saad naman ni Henry habang naglalagay ng kaniyang mga damit sa maleta.

“Mas importante pa ba ang babaeng iyon, kuya? Kaysa sa amin ni tatay? Paano kapag dadalhin ko si tatay sa ospital, paano kapag nagkasakit siya ng malala ng dahil sa sama ng loob? Paano kami?” umiiyak na wika ng kaniyang kapatid.

“Kuya, please, huwag mo kaming iwan,” dagdag pa nito.

“Magpapadala ako ng pera rito, Jasmin. Mas malaking pera ang kikitain ko roon, hindi lang naman ‘yun para kay Ate Ester mo, kundi para sa atin. Sige na, huwag ka nang umiyak. Kailangan mong kayanin kasi aalis ang kuya. Pwede ka namang humingi ng tulong sa mga kapitbahay natin kapag inatake si tatay. Basta, babalik din ako kaagad,” sagot muli ni Henry dito.

Halos isang taon pa lang simula nang pumanaw ang kaniyang nanay ay kaagad na nagkasakit ang kanilang ama, nagkaroon ito ng Alzheimers. Hindi pa man ito ganoon kalala ngunit unti-unti nang lumiliit ang utak ng kaniyang ama at nakakalimot na nang tuluyan. Kaya bilang panganay, si Henry na ngayon ang bumubuhay sa pamilya, bukod sa gastusin nila sa araw-araw ay iniintindi rin ni Henry ang gamot at matrikula ng kaniyang kapatid.

“Alam mo, love, feeling ko tama naman si Jasmin. Dapat hindi ka na lang sumunod dito sa Kuwait. Wala tuloy siyang kasama roon, tapos ganun pa ang katayuan ni tatay,” wika ni Ester, ang nobya ng lalaki.

“Ngayon mo pa ba sasabihin iyan, e nandito na ako sa eroplano, basta parating na ako riyan. Magkakasama na tayo,” sagot naman ni Henry dito.

Unang nobya niya si Ester at aminado ang lalaki na mahal na mahal niya ang babae. Sa sobrang pagmamahal ay hindi na niya kaya pang mawala ito kahit nga paulit-ulit na rin siyang niloko noon. Nabulag at nasanay na lang ang puso niyang magpatawad at magsimulang muli, huwag lamang mawala ang babae sa kanya. Baliw na nga ang tawag sa kaniya ng marami at ang katotohanan na kaya siya lumipad patungo ng Kuwait ay dahil nabalitaan niyang may lalaki nga raw doon si Ester.

Magsasampong taon na rin silang magkasintahan kaya naman hindi na niya makakayanan pang mawala ito. Dumating si Henry sa ibang bansa at agad silang nagsama ng nobya, sa loob ng anim na buwan ay naging maayos ang kanilang relasyon.

Ngunit nagising na lamang siya isang araw na wala na si Ester, iniwan na siya nito at sumama sa ibang lalaki sa Kuwait. Ilang beses niyang hinabol ang babae ngunit wala na, hindi na niya ito nakita kaya umuwi na lamang siya sa Pinas.

Makalipas ang tatlong taon.

“Kuya, salamat sa pagpapa-aral sa akin ha? Ngayong tapos na ako ng kolehiyo ay pwede ka nang mag-asawa,” wika ni Jasmin sa kaniya.

“Oo nga, pwede na tayong ikasal,” saad ng isang babae sa kaniyang likuran. Pamilyar ang boses na iyon na nagbigay kaagad ng kilabot sa buong katawan ni Henry. Ang boses ng kaisa-isang babaeng minahal niya, ang boses ni Ester.

Mabilis na umalis si Jasmin upang bigyan ng oras ang dalawa.

“Kelan ka pa nakauwi ng Pinas?” tanong ni Henry dito.

“Nandito na ako ulit, love. Patawarin mo ako kung nabulag ako dati at kung iniwan kita. Alam kong ang dami kong pagkakamali sayo at ilang beses na kitang niloko. Pero ikaw lang ang tanging lalaking nagmahal sa akin ng totoo,” pahayag ni Ester sabay yakap sa lalaki.

Agad namang niyakap ni Henry ang dalaga at niyapos niya ito ng mahigpit.

“Alam kong tatanggapin mo pa rin ako kaya umuwi ako rito para balikan ka, magsimula tayong muli, Henry,” bulong pa ng babae habang mahigpit silang magkayakap.

“Salamat at bumalik kang muli, Ester. Ang tagal kitang inantay,” saad ni Henry sa babae saka niya binitiwan at tinignan ito sa mga mata.

“Mahal na mahal kita, Ester. Mahal na mahal para sayangin mo lang ako,” madiing binitiwan ng lalaki ang mga katagang iyon. Halatang nagulat si Ester sa kaniyang narinig.

“Ang dami kong sinayang para sa’yo, ang dami kong pinalampas dahil umasa akong magiging tayo hanggang dulo. Pero alam mo kung ano yung nakuha ko sa lahat ng iyon? Wala. Dahil mali ako ng desisyon sa buhay. Hindi pala totoo ‘yung kapag mahal mo mapapatawad mo, matatangap mo kasi nga mahal mo. Napapagod din pala ang puso, mali, nagsisisi rin pala ang puso.”

“Yung anim na buwan na nawala ako rito sa Bansa para piliin ka, para sagipin yung relasyon na akala ko pang habang buhay na ay siya ring sumira sa akin at sa buong buhay ko. Huminto ng pag-aaral si Jasmin dahil kailangan niyang bantayan si tatay, lumala na ang sakit niya. Hindi na niya ako naalala, ang masakit pa nga nito ay ang kilala niyang anak ay si Henry na iniwan daw sila para kay Ester,” wika ng lalaki habang nakangiti sa dalaga.

“Kaya kung nandito ka na para piliin ako, para magsimula tayo? Sa iyo na, dahil hinding hindi ko na ipagpapalit ang pamilya ko para sa ibang tao, umalis ka na sa harapan ko habang may respeto pa ako sa’yo. Salamat sa lahat ng natutunan ko sa’yo at mas salamat dahil nawala ka sa buhay ko,” pahayag muli ni Henry at saka pinuntahan ang kaniyang kapatid.

Hindi nakapagsalita si Ester sa kaniyang narinig, tila napako ang kaniyang mga paa at nanlamig ang buo niyang katawan. Ngayon ay labis niyang pinagsisisihan ang lahat ng kalokohan, dahil nawala na ang lalaking nagmahal sa kaniya ng totoo. Hindi na niya nagawang masagip pa ito dahil siya mismo ang naglagay ng lason sa kanilang pagsasama.

Sa kabilang banda naman ay mas binigyang pansin ni Henry ang kaniyang ama na may sakit at ang kaniyang kapatid. Kung may darating man sa kaniyang babae, mas sisiguraduhin muna niyang mamahalin siya at ang pamilya niya na hindi na niya kailangan pang isakripisyo ang isa.

Kung magmamahal man nga raw siyang muli ay magtitira na siya sa kaniyang sarili at para sa kaniyang pamilya.

Advertisement