Inday TrendingInday Trending
Ipapatikim Ko Sa’yo!

Ipapatikim Ko Sa’yo!

Parang sasabog ang dibdib ni Kyla sa galit. Paano’y lasing na naman kasi ang kaniyang asawa. Hindi na niya alam pa kung paano papatigilin ito. Hindi na niya alam kung anong klaseng pakikiusap ang dapat niyang gawin. Nasubukan na nga raw niya ang lahat ng pamamaraan. Galit, nagwawala, sumisigaw, malungkot, lumuluha. Ginamit na rin niya ang pinakahuling sandata at iyon ay si Trina, ang dalawang taong gulang na anak nila.

“Hindi ka man lang naaawa sa amin ng anak mo. Hindi ka na nga namin nakakasama rito ay mas inuuna mo pa ang uminom diyan. Nakiusap kami ng anak mo sa’yo bago ka umuwi riyan pero anong nangyari? Bakit hindi mo man lang kami kayang pagbigyan,” wika ni Kyla sa telepono.

“Ano bang problema mo? Eh, shot lang naman ‘yong ginagawa ko. Hindi naman ako umuuwi ng lasing. Hindi ka kasi marunong makisama. Wala ka kasing kaibigan kaya hindi ka umiinom!” baling ni Reymart, ang mister ng babae.

“Hindi mo ba naiintindihan ‘yong punto ko? Sobra-sobra na ‘yong pag-inom mo! Halos wala ka nang awat. Mas madalas pa ‘yong pag-inom mo ng alak kaysa ang makasama kami,” sagot ni Kyla rito.

“Monday to Friday, Kyla, nandiyan ako sa Maynila nagtatrabaho para lang mabigyan kayo ng magandang buhay. Ano ba ‘yong huminga ako dito sa Bulacan? Kaunting shot. Wala naman akong ginagawang masama! Kahit itanong mo pa kay mama. Nakakabwisit ka na!” bulyaw ni Reymart sa telepono.

Hindi na kinaya pa ni Kyla at ibinaba na ang telepono. Huminga siya ng malalim tsaka bumuhos ang kaniyang mga luha. Napakalaki na nang ipinagbago ni Reymart. Kung dati ay napakalambing nitong asawa noon ay siya namang napakalamig nito ngayon.

Kasama nga nila ang mister ngunit sa gabi lamang ito kapag nakauwi na galing sa trabaho. Ni hindi na nga nito naaabutan si Trina dahil tulog na ang bata. Mas dumadalas din ang pag-uwi ng lalaki sa nanay nito sa Bulacan. Hindi naman niya mapigilan o magawang makapagreklamo sa kaniyang biyenan dahil matanda na ito at palaging hinihiling na makita ang paborito nitong anak.

“Talagang sinasagad mo ko! Kung nagawa ko na ang lahat ng paraan at ganiyan ka pa rin puwes ipapatikim ko sa’yo ang lasa ng sarili mong medisina!” isip-isip pa nito.

Nang makauwi si Reymart sa kanilang bahay ay agad na umalis si Kyla. Dahan-dahan pa niyang inihanda ang sarili dahil baka mapansin ito ng asawa at pigilan siya.

“Hayop ka, hindi mo talaga ako papansinin, ha. Aalis talaga ako. Magdusa ka sa pag-aalaga sa anak mo!” bulong ni Kyla sa sarili bago niya hinalikan si Trina na noong mga oras na iyon ay nanonood ng Cocomelon.

Ito ang unang alis ni Kyla sa loob ng dalawang taong pag-aalaga sa kaniyang anak. Wala kasi silang katulong at siya na ang nag-alaga sa bata simula nung isinilang niya ito.

“Kailangan mong gawin ito, Kyla. Hindi ka na importante sa asawa mo. Hindi ka na niya mahal o baka nga may ibang babae na siya. Napaka-boring mo kasi. Ang pangit mo. Wala kang kwenta,” saad niya sa sarili habang umiiyak at hawak ang kaniyang dibdib.

Punung-puno ng galit ang puso ni Kyla ngayon. Pinasok niya ang isang gusali kung saan alam niyang makakapagwalwal siyang mabuti. Bumili siya ng alak at maraming sigarilyo na siyang isinilid niya sa kaniyang bag.

“Ate, tatlong oras lang po,” sabi ni Kyla sa resepsiyonista ng motel. At binigyan naman siya nito ng susi sa kwarto.

Maliit lang ang espasyo ng kwarto. Kinatok ni Kyla ang mga pader at napag-alaman niyang kahoy lamang ito. Inilibot niya ang kaniyang paningin at naghanap kung may nakatagong camera. Sinilip niya ang banyo, hinawakan ang kama at pinatay ang tv na may malaswang palabas.

Saglit siyang natulala at patuloy lamang ang pagbagsak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Sinilip niya ang telepono at nagdarasal na sana nagtext na ang asawa niya. Na nagmamakaawa ito na sana bumalik na siya pero wala siyang natanggap na tawag o text man lang mula sa asawa.

“Walang ganun, Kyla,” pahayag ng babae.

Kaya kinuha niya ang bote ng alak at binuksan ito tsaka inilapag sa mesa. Inilabas din niya ang sigarilyo at lighter.

“Bakit mo gagawin ‘yan? Bakit mo sisirain ang ‘yong sarili?” wika ng konsensya ni Kyla. “Kailangan ko siyang maintindihan. Kailangan kong maramdaman ‘yong sinasabi niyang saya kapag kasama ang alak at sigarilyo. Baka tama siya. Baka kaya hindi ko siya maintindihan kasi hindi ko alam ‘yong sayang naidudulot ng mga ito,” sagot naman ng babae na tila may kausap talaga siya sa kwarto.

Kaso biglang tumunog ang kaniyang telepono, “Anak, miss na kita! Alam kong matapang ka at kaya mo iyan. Huwag kang susuko sa buhay, ha. Kapag hindi mo na kaya magdasal ka lang. IpagpasaDiyos mo,” mensahe mula sa nanay ni Kyla.

Mas lalo pang bumigat ang mga luha ng babae dahil ngayon lamang niya naalala na hindi lang pala asawa ang nawawala sa kaniya kung ‘di ang koneksyon niya sa Diyos. Mabilis niyang itinapon ang alak at sigarilyo. Umiyak siya nang umiyak habang nagdarasal. Ibinigay niya ang lahat ng sama ng loob sa Panginoon, lahat ng tanong at sakit na nararamdaman.

Ngayon niya napagtanto na siya ang magiging talo kung magpapadala siya sa galit at sisirain ang sarili. Naibigay at nasubukan na nga niya ang lahat pero nakalimutan niyang ibigay ang hiling niya sa Panginoon at dasal.

Umuwi siya at nadatnang malungkot si Reymart habang pinapatulog ang kanilang anak, “Saan ka ba galing? Kung galit ka sa mga sinabi ko patawarin mo ako. Ang dami kong pagkukulang at pagkakamali. Alam kong nasaktan kita at mahirap nang paniwalaan ang mga sinasabi ko pero sana, sana bigyan mo pa ako ng pagkakataon,” wika nito.

“Ang bilis naman pala ng dasal ko,” isip-isip ni Kyla habang nakatitig sa kaniyang asawa.

“Huwag mo na kaming iiwan, ha,” dagdag pa ng kaniyang mister. Tumango lamang si Kyla at niyakap ang kaniyang mag-ama. Alam niyang hindi magiging madali at mabilis ang pagbabago o pagbibitiw ni Reymart sa kaniyang bisyo pero ayos na sa kaniya na marinig mula sa bibig mismo ng asawa ang mga pagkukulang nito at mga pagkakamali.

Ngayon ay mas lalo pa niyang ipinagdarasal ang asawa at ang kanilang pagsasama. Araw-araw din siyang humihingi ng gabay para mabigyan niya ng tamang liwanag ang kanilang pamilya.

Advertisement