Utang sa Isang Taong Grasa
“Hoy! Taong grasa! Lumayas ka nga riyan!” wika ni Mang Berto sabay sipa sa taong grasa na nakatambay malapit sa kanyang hardware. “Sa iba ka na lang maglagi, huwag dito! Minamalas ang negosyo ko dahil sa’yo!” pagpapatuloy pa ng negosyante.
itong si Mang Berto dahil sa dami ng pagmamay-ari niyang mga hardwares sa kung saan-saang lugar. Ngunit kaakibat ng kanyang karangyaan ay ang sama din ng kanyang ugali. Masama ang tabas ng dila at talaga namang mapagmataas ito.
Madalas niyang ipagtabuyan ang mga pulubing nakikita niya sa malapit sa kanyang tindahan. Lalong mainit ang dugo niya sa isang taong grasang walang ginawa kundi umupo sa malapit sa kanyang hardware. “Ikaw naman kasi, Jenny! Bigay ka ng bigay ng pagkain d’yan sa baliw na ‘yan, tignan mo tuloy at ayaw ng umalis. Baka mamaya ay biglang manakal ‘yan dito!” sambit ni Mang Berto sa kanyang anak na si Jenny.
“Pa, kayo naman. Ayan na naman kung magsalita kayo sa kapwa niyo. Malayu-layo naman siya sa tindahan natin, ah? Wala namang ginagawang masama ‘yung tao. Hindi na nga ‘yan halos gumagalaw d’yan sa kinauupuan niya, sinipa n’yo pa. Ang init-init lagi ng dugo niyo,” pagpapaliwanag ng kanyang anak.
“Naaalibadbaran ako sa itsura ng pulubi na ‘yan, anak. Hindi ko alam bakit kayang-kaya mong pakitunguhan ang mga ganyang uri ng tao,” naiinis na tugon naman ni Mang Berto. “Kaya ako minamalas, eh!”
Kahit na madalas pagtabuyan ni Mang Berto ang taong grasa ay hindi pa rin ito umaalis sa kanyang kinauupuan. “Uminom muna kayo,” wika ni Jenny sabay lapag ng isang basong tubig sa tapat ng lalaki. Hindi naman ito agad kinuha ng taong grasa.
“Sumilong kayo sa lilim, Tatang. Napakainit ng panahon ngayon,” panandaliang tumingin si Jenny sa lalaki ngunit wala pa rin itong imik. Tumalikod na siya at muling bumalik sa kanilang tindahan.
“Binigyan mo na naman! Ano ba, Jenny, gusto mo bang maging isang pilantropo? Tigilan mo ‘yang magiging mabait mo d’yan sa taong grasa na ‘yan parang hindi kita, anak.
Mamaya niyan sunggaban ka pa n’yan. Hindi mo alam kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga katulad niya. Kaya lubayan mo yang lalaking ‘yan,” mariing pinagsasabihan ni Mang Berto ang kanyang anak na dalaga. Hindi na lamang umimik si Jenny sapagkat araw-araw naman ay ganoon ang mga sinasabi ng kanyang ama.
Kahit alam ni Jenny na mapapagalitan siya ay palagi pa rin niyang inaabutan ng tubig at pagkain ang taong grasa.
“Jenny, isang beses mo pang bigyan ‘yan pagbubuhulin ko na kayo ng taong grasa na ‘yan! Tumulong ka na nga lang dito. Kung anu-ano pa ang ginagawa mo. Nakita ko nang ang daming bumibili, inuuna mo pa ‘yung baliw na ‘yun,” nag-iinit na ang ulo ng ama. Hindi muling sumagot si Jenny dahil ayaw niyang makipagtalo sa kanyang ama.
Isang hapon, habang naglalakad palayo sa tindahan ay napansin ni Mang Berto na nawawala ang kanyang pitaka. Dali-dali niya itong hinanap. Binalikan niya ang kanyang mga yapak pabalik ng tindahan ng bigla niyang matanaw ang taong grasa na nakaumang sa estante at tila may dinudukwang.
“Walanghiya kang baliw ka! Anong ginagawa mo r’yan!” napatakbo si Mang Berto nang makita niya ang taong grasa. “Pitaka ko ‘to, ah! Hay*p ka! Bakit mo kinukuha ang pitaka ko?!” halos mapatid ang litid ni Mang Berto sa galit.
Sinapak niya ang lalaki at patakbo niyang tinungo ang gripo. Binuksan niya ito sa pinakamalakas at tinapat ang hose sa kawawang taong grasa.
“Iyan ang dapat sa’yo! Marumi ka na nga ay marumi pa ang budhi mong baliw ka!” Dali-dali namang tumakbo palabas ng tindahan si Jenny upang tignan ang kaguluhan. Inawat niya ang kanyang ama sa kanyang gingawa.
“Pa, tama na po!” pagmamakaawa ni Jenny.
“Bakit mo ako inaawat? Iyang baliw na ‘yan naaktuhan ko na dinudukwang ang pitaka ko! Magnanakaw! Kaya siguro laging nakatambay malapit ‘yan sa tindahan kasi kumukuha siya ng tyempo para makapagnakaw, eh!” galit na galit na wika ng negosyante. “Lumayas ka na d’yan, kung hindi ay hindi lang ‘yan ang matitikman mo!” sigaw pa ni Mang Berto sa taong grasa habang nakahandusay ang lalaki sa kalsada.
Kahit na binantaan na ni Mang Berto ay hindi pa rin umaalis sa kanyang pwesto ang taong grasa sapagkat ilang araw lang ang nakalipas ay naroon na naman ito. “Malapit na akong tumawag ng pulis, Jenny! ‘Wag na ‘wag kang makalapit-lapit sa magnanakaw na ‘yan, ah! Binibigyan mo pa noon ng pagkain, tignan mo ang ginawa sa akin,” hindi matigil ang gigil ni Mang Berto sa taong grasa.
Kinagabihan, pauwi na ang mag-ama. Nang mapalingon si Mang Berto sa taong grasa ay nakita niya na nakakatitig ito sa kanya. Hindi iniaalis ng taong grasa ang tingin niya sa mag-ama.
“Anong tinitingin-tingin mo d’yan?!” pag-aangas ni Mang Berto.
“Pa, tigilan ninyo na siya,” pag-awat naman ni Jenny sa ama. Biglang may dalawang lalaking bumaba mula sa kanilang motor at akmang gagawan ng masama si Mang Berto.
“Anong kailangan ninyo? Bitiwan ninyo ako!” sigaw ng negosyante habang nagpupumiglas. Ayaw rin naman pakawalan ng isang lalaki si Jenny. Tinutukan si Mang Berto ng baril ng isang lalaki at hinahanap niya ang pitaka nito na naglalaman ng lahat ng benta ngayong araw.
“Mga hay*p kayo! Bitiwan ninyo ako!” nakapiglas si Mang Berto. Nang tangkang papuputukan na si Mang Berto ng baril ng nasabing lalaki ay hindi nila namalayan na iniharang ng taong grasa ang kanyang katawan upang iligtas si Mang Berto. Nang bumagsak ang taong grasa dahil sa tama ng baril ay agad namang tumakas ang dalawang lalaki na hindi natangay ang pitaka ng negosyante.
Laking gulat na lamang ni Mang Berto sa ginawa ng taong grasa. Hindi niya akalain na handa itong ialay ang kanyang buhay para sagipin silang mag-ama sa kabila ng lahat ng kanyang masasamang ginawa sa lalaki. Agad nilang dinala ang taong grasa sa ospital, ngunit binawian na rin ito ng buhay.
Upang makakuha ng pagkakakilanlan sa mga sumalbahe sa mag-ama ay agad nilang tinignan ang kuha ng CCTV sa kanilang tindahan. Sinuri nila ang mga kuha mula noong mga araw bago pa man mangyari ang krimen. Laking gulat ni Mang Berto nang mapanood niya sa kuha ng CCTV noong araw na pinagbuhatan niya ng kamay ang taong grasa.
Ang tunay na nangyari pala ay nalaglag ni Mang Berto ang kanyang pitaka ilang hakbang mula sa tindahan. Nang makita ito ng taong grasa ay agad niya itong pinulot. Mula sa estante ay tumingin ito kung mayroong tao sa tindahan at nang walang makitang kahit sino ay dumukwang ito upang ibalik ang pinataka ngunit doon na siya sinunggaban ni Mang Berto.
Hiyang-hiya si Mang Berto sa kanyang ginawa. Hindi niya akalain na ang taong grasang madalas niyang ipagtabuyan at pagsalitaan ng masakit ang siya palang gagawa ng kabutihan sa kanya. Upang mabigyan ng hustisya ang pagkasawi ng taong grasa ay ginawa nila ang lahat upang mahanap ang dalawang suspek. Nang mahanap ang mga lalaki ay agad silang nagsampa ng kaso at tuluyan na silang kinulong.
Sa isang banda naman ay binigyan ng maayos na libing ng mag-ama ang taong grasa na kinikilala nilang bayani na nagbuwis ng sarili niyang buhay upang sila ay maisalba sa kapahamakan. “Patawarin mo ako…” paghingi ng tawad ni Mang Berto mula sa kabaong ng taong grasa. “Utang namin sa iyo ang aming mga buhay,” nagpaalam na ang matanda sa kanilang bayani. Mula noon ay naging mapagkumbaba na si Mang Berto sa kahit sino.