Inday TrendingInday Trending
Tiyahin Ko, Ina Ko

Tiyahin Ko, Ina Ko

Mabigat ang loob ng binatang si Kiko sa kanyang tiyahin na si Mercy, isang OFW. Magmula kasi ng pumanaw ang kanyang ina na si Mildred ay patuloy na ang pangingialam ng tiyahin sa kanilang buhay.

Nasa pangagalaga ngayon ng kanyang Lola Linda ang binatang si Kiko. Hindi na rin niya nakilala pa ang kanyang ama. Sabi kasi ng ina ni Kiko ay nasa sinpupunan pa lamang siya nang iwanan sila nito at hindi na muling nagpakita pa. Hanggang pumanaw na nga ang kanyang ina.

“Lola, bakit ba ang hilig makialam niyang si Tita Mercy sa akin? Eh ‘di ba, pamangkin niyo lang naman siya? Pinsan lang naman siya ng mama, ‘di ba?” naiinis na wika ng binata. “Akala mo kung sinong makaasta. Saka ano ang alam niya sa pagpapalaki ng bata, eh, hindi naman siya magiging ina kailanman kasi isa siyang t*mboy!” nanggagalaiti sa inis si Kiko.

“Tigilan mo na ‘yan, Kiko. Hindi maganda ang magsalita ng ganyan sa matanda lalo na sa tiyahin mo pa. Oo nga’t pamangkin ko lamang siya, pero hindi naman niya tayo pinababayaan. Nag-aalala lamang siya sa’yo,” paliwang ni Aling Linda sa kanyang apo. “Pabayaan mo na at wala namang siyang sinasabing masama. Ang gusto lamang naman niya ay mag-aral ka ng mabuti at huwag magbulakbol. Para sa iyo naman ang lahat ng sinasabi n’ya,” maayos na pakiusap ng kanyang Lola.

“Tiya, nakuha niyo na po ba ‘yung ipinadala ko para sa panggastos n’yo ni Kiko? Pagka may kulang pa ay ‘wag kayong mahihiyang magsabi, ha?” wika ni Mercy sa kabilang linya ng telepono. “Saka, Tiya, maraming maraming salamat po!” Tuluyan ng ibinaba ni Mercy ang telepono.

Madalang kung makausap at makita ni Kiko ang kanyang Tiya Mercy. Tuwing uuwi ito sa Pilipinas ay sa kanila ito tumutuloy upang makasama silang mag-lola. Nagtataka si Kiko, dahil may bahay naman itong sarili, pero mas pinipili pa niyang makasama silang dalawa.

“Malapit nang umuwi ang Tiya Mercy mo at dito siya panandaliang makikituloy. Maging maayos kang makitungo sa kanya, apo, ha?” pakiusap ni Aling Linda sa kanyang apo. “Mabait naman ‘yung si Tiya Mercy mong ‘yon. Basta ang tanging nais niya ay pagbutihin mo ang iyong pag-aaral at ‘wag kang makibarkada sa mga magdadala sa’yo ng maling impluwensiya,” marahang pahayag ng lola niya.

“Pati ba naman pakikipagkaibigan ko ay may masasabi pa rin siya? Bakit hindi na lang kasi s’ya don sa kanila manuluyan, bakit kailangan dito pa? Lumiliit ang mundo ko tuwing narito siya. Parang hindi ako makahinga sa sobrang higpit niya. Daig pa niya ang nanay ko! Saka naiilang ako pag narito sya. Ano ba s’ya? Lalaki o babae? Tita o Tito?” pabalang na wika ni Kiko sa kanyng Lola.

“Sinabi ko na sa’yong tigilan mo na ang pagsasalita ng ganyan sa tiyahin mo. Hindi mo alam ang mga pinagdaanan niya kaya huwag mo siyang husgahan ng ganyan,” unti-unti nang tumataas ang boses ni Aling Linda.

Nang makauwi si Mercy ay tumuloy muna ito sa bahay ng kanyang ina saka tuluyang dumeretso sa bahay ng kaniyang Tiya Linda. Ilang na ilang naman si Kiko sa kanyang tiyahin kaya madalas na lamang siyang sumasama sa kanyang mga barkada.

“Kiko, balita ko ay nariyan daw ang Tiyahin mong tibo galing ibang bansa? Eh ‘di ang dami mong pasalubong niyan?!” pangangantiyaw ng isang kaibigan.

“Oo, nasa bahay. Nakakabato! Ang tagal nga umalis. Napakaraming bawal,” nasusuyang tugon ni Kiko.

“Ang galing din ng tiyahin mo na ‘yan, no? Akalain mo at mas guwapo pa sa atin! Dapat tito ang tawag mo sa kanya hindi tita!” nagpatuloy sa tawanan ang magkakaibigan. Sa loob-loob ni Kiko ay talagang naapektuhan siya sa biro ng mga ito. Nahihiya kasi siya sa kasarian ng kanyang Tita Mercy.

“Kiko, saan ka na naman nanggaling? Pasado alas otso na ng gabi nasa lansangan ka pa? Uwi ba ‘yan ng nag-aaral sa eskwelahan? Maaga pa ang pasok mo bukas, ah?” pagtatanong ni Mercy.

“Galing lang ho ako d’yan sa labasan kasama ng ilan sa nga kaibigan ko. Wala naman kaming masamang ginagawa tumambay lang po kami,” tugon naman ng binata.

“Iwas-iwasan mo ang mga ‘yan. Parang hindi magandang ehemplo ang mga batang ‘yan sa’yo. Parang hindi naman pinaghahahanap sa bahay nila ‘yang mga kaibigan mo na yan, kaya dis oras na ng gabi ay nasa daan pa,” Hindi na nakapagtimpi pa si Kiko sa mga sinabi sa kanya ng kanyang Tita Mercy kaya sumagot na naman siya. Sa pagkakataong ito ay tahasan niyang binastos ang kanyang tiyahin.

“Ano bang pakialam mo? Magulang ba kita? Ikaw na nga lang ang nakikituloy dito ang dami mo pang pangingialam na ginagawa. Bakit hindi mo na lang pakialamanan ‘yang kasarian mo? Kababae mong tao ang gusto mo maging lalaki. Sino ang hindi maayos sa atin?” pabulyaw na saad ni Kiko. Napagbuhatan ng kamay ni Mercy ang pamangkin. Hindi niya sinasadyang masampal ito.

“P-patawarin mo ako, hindi ko sinasadya,” gulat na sambit ni Mercy.

“Oh, masaya ka na niyan sa nagawa mo? Napatunayan mo na ba ang pagkalalaki mo sa pagsampal mo sa’kin?” ayaw parin magpaawat ni Kiko sa pambabastos sa kanyang tiyahin.

“Tumigil ka na, Kiko!” biglang singit ng kanyang Lola Linda na galing sa labas. “Huwag mong ganyanin ang ina mo!” sigaw pa ng matanda.

“Tingin ko, Mercy, kailangan nang malaman ni Kiko ang katotohanan,” napayuko na lamang si Mercy.

“Anong katotohanan ang sinsabi niyo d’yan, La? Anong ina? Siya? Ina ko?” sunud-sunod na pagtatanong ng binata.

“Oo, Kiko. Si Mercy ang tunay mong ina. Naging bunga ka ng pang-aabuso kay Mercy sa ibang bansa. Labing pitong taon na rin ang nakakalipas nang halayin si Mercy doon sa Saudi ng kanyang kasamahan.

Nakakulong ang lalaki. At ipinagpatuloy niya ang pagbubuntis sa iyo kahit na buhay pa niya ang nakasalalay. Nang ipinanganak ka, ipinagkatiwala ka niya sa anak kong si Tess, ang kinikilala mong ina.

Wala siyang naging asawa ngunit inari ka niyang parang tunay na galing sa kanya,” umiiyak na kwento ni Aling Linda.

“Pero bakit mo ako pinamigay sa iba? Bakit hindi siya ang nag alaga sa’kin?” humihikbing tugon naman ng binata.

“Dahil alam niyang hindi mo siya matatanggap! Hinding hindi mo matatanggap na ang iyong ina ay isang t*mboy! Ayaw niyang ipaalam sa iyo na nagawa ka mula sa pananalbahe sa kanya!” dagdag pa nag Lola niya.

“Totoo ang lahat ng narinig mo, Kiko. Ako ang tunay mong ina… Patawarin mo ako kung nilihim ko sa’yo ito ng matagal na panahon,” hindi na rin napigilan ni Mercy ang mapaluha habang humihingi ng kapatawaran sa kanyang anak. “Pinili ko na mahalin ka na lamang mula sa malayo at maging tiyahin mo. Sa ganitong pamamaraan ay hindi ka na magkakaroon ng magulong buhay. Pinili ko na lang na kumayod para mabigyan ka ng maayos na buhay at makuha mo ang lahat ng gusto mo. Patawarin mo ako sa lahat ng ito,” unti-unting napaluhod si Mercy sa bigat ng kanyang dinadala.

“Tumayo na po kayo riyan… Nay.” mahinang sambit ni Kiko kay Mercy habang hawak niya ang kamay nito upang itayo.

“Tama ba ang narinig ko? Tinawag mo akong inay?” gulat na sambit ni Mercy.

“Opo. Tama po kayo. Mabigat pa rin po sa damdamin ko na malaman na isang kasinungalingan pala ang naging buhay ko, pero masaya po ako dahil sa wakas ay nalaman ko na rin ang totoo. Nalaman ko na rin po ang dahilan kung bakit mahigpit kayo sa akin. Patawarin ninyo rin po ako sa mga nasabi ko sa inyo kanina,” unti-unti nang ngumiti ang binata. Niyakap ni Mercy si Kiko. Ang mga yakap na ito ay tila tumapos sa lahat ng pangungulila at paglilihim ni Mercy sa kanyang anak sa loob ng mahabang panahon.

Hindi naglaon ay natanggap na rin ni Kiko ang totoo. Nanatili siya sa pangangalaga ng kanyang Lola Linda. Muli namang nagbalik si Mercy sa ibang bansa upang magtrabaho. Madalas magka-usap ang mag-ina. Maluwag na ring tinatanggap ni Kiko ang lahat ng habilin ng kaniyang ina. Ang pinakaimportante ay tanggap na rin ni Kiko ang napiling kasarian ng kanyang Nanay Mercy. Mas dinalasan na ni Mercy ang kanyang pag-uwi sa Pilipinas para na rin makasama ang kanyang nag-iisang anak.

Advertisement