Inday TrendingInday Trending
Banal na Aso, Santong Kabayo

Banal na Aso, Santong Kabayo

Halos araw-araw ay laman ng simbahan itong si Aling Teresa. Tuwing araw lamang ng Lunes siya hindi napapadpad sa simbahan upang magsimba sapagkat walang namang misa. Dalawang beses magsimba ang matanda kada araw, isa sa umaga at isa naman sa gabi.

Pagtungtong ng alas sais ng gabi ay dadasalin na niya ang kanyang nobena at mag rorosaryo. Ang mga malalaking rebulto naman ng santo ang agad na bubungad pagbukas ng pinto sa kanilang tahanan. Malaki rin kung magbigay sa simbahan si Aling Teresa. Sa tuwing misa nga ay lagi ring maririnig ang kaniyang pangalan sa Pasasalamat. Talagang relihiyosa kung maituturing itong si Aling Teresa.

Isa lamang ang problema, si Aling Teresa ay iba makitungo sa kaniyang kapwa. “Tumabi ka nga r’yan sa aking dadaanan, bata! Baka marumihan ang aking damit,” pagtataboy ng matanda sa isang batang pulibi. “Alis! Sinabi ng alis d’yan, eh!” sigaw niya muli sa bata habang inaambaan ng kanyang dalang payong. Wala namang nagawa ang bata kundi umalis na lamang.

Habang pauwi sa kanyang bahay ay sinipa niya ang isang pusa na papalapit sa kanya. “Pesteng mga pusang ito. Haharang-harang sa daanan. Kung matatapakan mo naman ay sila pa ang mangangagat!” wika niya sa kanyang sarili. Nang makauwi sa kanilang tahanan ay agad niyang dinatnan ang kanyang nag-iisang anak na binata na may kasamang isang dalaga.

“Mano po, Ma,” wika ng kanyang anak na si Francis. Nang akma naman magmamano din ang dalaga sa kaniya ay hindi niya ito pinahintulutan. “Sino naman yang kasama mo, Francis? Kaklase mo?” tanong niya sa anak. Halatang ayaw ni Aling Teresa sa babaeng kasama ng kanyang anak kaya mararamdaman mo sa kanya ang inis sa tono ng kaniyang pananalita.

“Ma, ito nga po pala si Grace, ang nobya ko,” nakangiting pagpapakilala ni Francis sa dalaga. Nagulat si Aling Teresa sa sinabi ng kanyang anak.

“Anong nobya ang sinasabi mo r’yan. Disi syete ka pa lang, Francis. Baka naman mapabayaan mo ang pag-aaral mo. Saka saan mo ba nakilala ang babaeng ito?” pag-iinteruga ng kanyang ina.

Kinahapunan ay umuwi na ang dalaga. Hindi na siya nahatid pa ni Francis alinsunod sa kanyang ina sapagkat gagabihin daw ang kanyang anak sa daan.

“Ma, naman! Ipinagpaalam ko po sa tatay niya si Grace. ‘Pag nalaman po noon na hindi ko hinatid ang kanyang anak ay tiyak magagalit ang tatay niya sa akin,” pagpapaliwanag ni Francis sa kanyang ina.

“Tigilan mo ako sa pagno-nobya mong ‘yan, Francis. Baka kung saan mo lamang nakilala ang babaeng ‘yon. Hindi mo alam baka oportunista ‘yon at ginagamit ka lang!” sambit naman ni Aling Teresa.

“Tigilan ninyo na ang pagsasalita ng ganyan kay Grace, Ma. Mabuti siyang tao!” pagtatanggol naman ni Francis kay Grace.

Nagkita kinabukasan sa paaralan si Francis at Grace. “Parang ayaw sa akin ng mama mo, Francis. Natatakot ako masyado sa kanya,” pahayag ng dalaga. “Kagabi nga pala ay tinatanong ni tatay bakit hindi mo raw ako ihinatid. Ang sinabi ko na lang ay biglang sumama ang pakiramdam mo kaya nagsabi ako na ako na lang ang uuwing mag-isa. Parang ayaw na niya akong payagan na pumunta sa inyo,” dagdag pa ni Grace.

“Pasensya ka na sa mama ko, Grace. Hayaan mo papaliwanagan ko siya. Matatangap ka rin non,” pagkukumbinsi ng binata.

Isang gabi pagkagaling sa simbahan ay agad na hinanap ni Aling Teresa si Francis sapagkat alas-otso na ay wala pa ang binata. Ilang beses niyang tinawagan ang telepono ng anak ngunit hindi ito makontak.

Nagtanong na rin siya sa ilang kaibigan ng binata na kanyang kakilala ngunit walang makapagturo kung nasaan si Francis. Isang kaibigan ang nagmungkahi na baka na kila Grace ang binata. Kaya agad siyang nagpasama upang puntahan ang bahay nila Grace.

Hindi maganda ang komunidad na inuuwian ng dalaga. Sa may kanto ng kanilang eskinita ay may isang sugalan na halos aabot na sa tinitirahan ng dalaga. Sa tuwing makakakita ng mali si Aling Teresa ay nag aantanda ito. “Diyos ko!” mahinang wika ng ginang.

Nang matunton nila ang bahay ni Grace ay huminto muna ito sa tapat ng kanilang bahay at nag-antanda ng tatlong beses. “Diyos ko anong klaseng makasalanang lugar ito,” kumatok siya at pinagbuksan ang ginang ng ama ng dalaga. “Sino ho sila?” wika ni Mang Teroy, tatay ni Grace.

“Ako ang mama ni Francis. Nariyan ba ang anak ko? Kailangan ko na siyang iuwi baka kung anong kasalanan pa ang matutunan niya sa inyo,” pagmamataas ni Aling Teresa. Agad namang kinausap ni Grace ang matanda.

“Pakiusap ho, huwag ninyo naman kaming bastusin sa sarili naming bahay. Kauwi-uwi lamang po ni Francis, giniit po kasi niyang ihatid ako dito,” magalang na tugon ni Grace. Umirap lamang si Aling Teresa at umalis.

“Hindi ko gusto ang tabas ng dila ng nanay ni Francis,” wika naman ni Mang Teroy sa anak.

Sa inis ni Aling Teresa ay pinuntahan niya si Grace kinabukasan sa eskwelahan upang kausapin. Nang makita niya ang dalaga habang kasama ang ilang kaibigan ay agad niya itong pinagsalitaan ng masakit.

“Layuan mo na ang anak ko pwede ba? Hindi ka magandang impluwensya sa kanya, opotunista ka! Alam ko na ang mga uri ninyo. Akala mo ba ay may mapapala ka sa anak ko?” nagngangalit na sambit ng ginang.

“Pwede ho ba huwag ninyo akong hiyain dito? Mag-usap po tayo ng maayos. Hindi ko po maintindihan ang sinasabi ninyo,” tugon naman ng dalaga.

“Huwag kang magmaang-maangan alam ko namang sinyota mo lang ang anak ko kasi gusto mong may mahita ka sa kanya,” patuloy sa pagsigaw si Aling Teresa

Biglang dating ng kanyang anak na si Francis. “Ma, tumigil na kayo sa kakasalita ng masasakit kay Grace! Tama na ‘yan!” pag-awat ng binata sa kanyang ina.

“Si Grace po ang tumulong sa akin para makapasa ako sa ilang subjects ko. Ginawa niya ‘yon ng walang kapalit. Matalino si Grace at isa siyang iskolar. Wala siyang tinatapakan na kahit sino,” pasigaw na rin na paliwanag ni Francis sa kanyang ina.

“Pasensya na po kayo, Ale” pagsingit ng isang kaibigan ni Grace. “Parang mali naman po ang ginagawa ninyo sa kaibigan namin. Hindi po masamang tao si Grace. Sa katunayan nga po ay presidente siya ng aming asusasyon na tumutulong sa mga ulilang bata sa ampunan.

Marami na rin pong mag-aaral ang natulungan niya rito. Kung siya ay walang klase ay libre po siyang nagtuturo ng asignatura sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Kaya hindi po tama na pagsalitaan ninyo siya ng ganyan,” dagdag pa niya. Napaiyak na lamang si Grace sa lahat ng kanyang narinig. Nasaktan masyado ang kanyang kalooban sa panghuhusga ng ina ng kanyang nobyo.

“Alam ninyo po, Ginang Teresa, malaki po ang paggalang ko sa inyo dahil nanay kayo ni Francis. Lalong tumaas ang tingin ko sa inyo ng sinabi ng anak ninyo sa akin na kayo po ay taong simbahan.

Ngunit sa pinapakita ninyo po sa akin, parang hindi naman po yata iyan ang mga tinuturo ng Diyos. Sana naman po sa dalas ninyo sa simbahan ay maipakita ninyo rin po sa tao ang lahat ng kabutihan na itinuturo doon. Maging ehemplo sana kayo lalo sa mga kabataan. Tigilan ninyo na po ang panghuhusga at pang-aalipusta sa inyong kapwa dahil hindi po iyan kalugod-lugod sa Panginoon,” mariing sambit ni Grace sa ina ng kasintahan.

Walang mapaglagyan ang kahihiyan na naramdaman ng mga sandaling iyon ni Aling Teresa. Wala siyang mukhang maiharap sa mga tao na naroon sapagkat alam niya sa kanyang sarili na tama ang mga sinabi ng dalaga. Dali-dali siyang umalis dahil sa kahihiyan. Hindi niya akalain na ang nobya pa ng sarili niyang anak ang magbibigay sa kanya ng pangaral.

Magmula ng araw na iyon ay binago ni Aling Teresa ang kanyang pag-uugali. Tila ba nagising siya sa katotohanan mula ng marinig ang masasakit na salita mula sa mga kabataan. Mukhang tama nga ang mga ito. Anong silbi ng pagiging taong simbahan kung hindi naman niya kayang itama ang sarili.

Advertisement