“Gusto mo ba malaman, anak, kung paano ko nalaman na ang mommy mo ang babaeng papakasalan ko sa simbahan?” tanong ni Julian sa kaniyang binatang anak na si Nathaniel.
“Oo naman, pa! Ikuwento mo po, papa!” sabik na sagot ni Nathaniel.
Lumaki kasi si Nathaniel sa isang napakasaya at mapagmahal na pamilya. Mula pagkabata ay nasaksihan na niya ang walang kupas na pag-iibigan ng kaniyang mga magulang kaya laking tuwa niya na sa wakas ay maririnig na niya mula sa kaniyang tatay ang kuwento ng love story nilang mag-asawa.
“Bata-bata pa ako noon, anak. Dalawang taon na ata kaming magkasintahan noon ng mama mo. At nang dahil sa isang bagay na suot ko ay napatunayan ko na ang mama mo ang babaeng dadalhin ko sa altar,” panimula ni Julian.
At tuluyan nang ikinuwento ni Julian sa anak ang mga nangyari sa nakaraan.
Lumaki sa isang simpleng pamilya si Julian pero kahit na ganoon ay nagsisikap ito na maibigay ang pangangailangan ng kaniyang mga magulang, kapatid at kaniyang kasintahan. Ganoon din naman si Emma. Hindi rin siya lumaki sa marangyang pamilya kaya naiintindihan niya ang paghihirap at pagsisikap na ginagawa ni Julian.
Madalas nga ay kaniya-kaniyang bayad sila sa tuwing magda-date o lalabas. Hindi ito tulad nang nakasanayan na ang lalaki lang ang dapat gumagastos sa tuwing magda-date. Pero kahit na ganoon hindi ito naging hadlang sa relasyon ng dalawa. Sa katunayan nga ay mas napagtibay nito ang kanilang samahan. Sa tuwing si Emma ang mas nangangailangan ay nandiyan si Julian sa tabi niya upang siya ay alalayan. Ganoon rin naman si Emma kay Julian. Magkakampi ang magkasintahan sa hirap ang ginhawa.
Tandang-tanda pa noon ni Julian ang araw na tila ba kinalabit siya ng tadhana na ang babaeng kasama niya ngayon ay ang babaeng niyaya niyang makasama sa habang buhay.
“Love, labas naman tayo para kumain,” paanyaya ni Emma dahil nais nitong makapaglibang. Labis kasi itong napagod sa trabaho sa opisina.
“Bili na lang kaya tayo, love? Tapos lutuin na lang natin sa bahay niyo,” sagot ni Julian na nag-aalangan dahil hindi kaaya-aya ang suot niyang damit.
Hindi na kasi nakakapag-ayos si Julian ng kaniyang sarili magbuhat nang magsabay-sabay siya ng trabaho. At mas pinipili niya na lamang itabi ang kinikitang pera upang makaipon at mas makatulong sa kaniyang magulang.
“Halika na! Minsan lang naman, eh. At tsaka libre ko to, love. May nakuha akong incentive sa trabaho kaya akong bahala sa’yo,” paglalambing na pilit ni Emma.
“Sige na nga pero huwag tayo sa mga sosyal na lugar, ha. Tignan mo ‘tong suot ko, ganito lang,” nahihiyang sagot ni Julian.
“Ayos lang ‘yan, love, kahit ano pang suot mo basta magkasama tayo,” nakangiting sabi ni Emma na walang kahit anong bakas ng kahihiyan ang makikita mo sa kaniya kahit na pangit ang suot na damit ng kasintahan.
Nang mapagdesisyunan na kung saan kakain ay agad nang nagtungo ang magkasintahan sa isang sikat na mall. Pumila sila sa isang restawran kung saan gusto kumain ni Emma. Hindi man halata ngunit napapansin ni Julian ang mga mapanghusgang tingin ng mga tao sa kaniya lalo na at isang magandang binibini ang kaniyang kasama. Tila nagmukha itong driver ni Emma dahili sa kaniyang itsura.
At nang maka-order na sila at hinihintay na lamang ang pagdating nito sa kanilang lamesa sa gitna ng kanilang pagkukuwentuhan ay napatingin si Julian sa kaniyang paanan. Dito ay kaniyang napansin ang kaniyang sapatos na halos sira na sa sobrang gamit. Pudpod na ang swelas nito. May butas na sa gilid at tastas na rin ang sintas ng mga ito.
Nang mga sandaling iyon ay nakaramdam ng pagkaawa si Julian sa kaniyang sarili. Dahil sa sobrang abala na kumita ng pera para sa kaniyang pamilya ay nakalimutan na niyang alagaan ang kaniyang sarili. Ngunit habang naiisip niya na napabayaan na niya ang kaniyang sarili ay bigla naman niyang naalala ang babeng kasama niya ngayon na nasa kaniyang harapan.
Si Emma na kahit ano man ang maging kalagayan at itsura niya ay hindi nagbabago ang pagtingin sa kaniya. Tinignan niya ang kasintahan at kahit anong lalim ng pagkatingin niya kay Emma ay purong kasiyahan lang ang nakikita sa mga mata nito. Ni hindi man lang makita ni Julian sa mata ng babae na nahihiya ito sa itsura ng kaniyang nobyo.
Parang tila isang pelikula na bumagal ang oras at habang tinititigan niya si Emma ay kaniyang naisip na ang babeng ito ang nais na niyang makasama sa habang buhay. Isang babae na mananatili sa kaniyang tabi sa oras ng kasaganahan at kahirapan. Babaeng walang ibang pinaramdam sa kaniya kung ‘di pagmamahal na hindi nanghuhusga at nangmamata.
Mula noon ay mas pinagsikapan ni Julian na maiahon ang sarili sa kahirapan. Nais kasi nito na sa oras na pakasalan niya si Emma ay maibigay niya ang masaganang buhay na karapat-dapat para sa babae at sa magiging pamilya nila.
Ipagpapatuloy pa sana ni Julian ang pagkukuwento sa kaniyang anak nang biglang sumigaw si Emma.
“Nathaniel! Tawagin mo na mayamaya ang mga kapatid mo. Malapit nang maluto ang ulam,” sigaw ni Emma na noon ay nasa kusina.
Nagkatinginan naman ang mag-ama.
“At dahil sa pangit na sapatos ko na ‘yon ay narealize ko kung gaano ako kaswerte sa mama niyo, anak,” wika ni Julian.
“Ang korny mo naman, papa! Akala ko naman po kung ano na ‘yong kuwento mo, pa! May sapatos ka pa pong nalalaman,” biro at nang-aasar na sagot ni Nathaniel.
“Anak, hindi lang ‘yon basta kuwento at hindi lang ‘yon basta sapatos. Kinuwento ko ‘to sa’yo para balang araw kung magkakaroon ka man ng kasintahan ay hanapin mo ang katulad ng mama mo. ‘Yong hindi ka iiwan kahit ano ka pa at kahit simple lang ang kaya mong ibigay dahil, anak, hindi nasusukat ang pagmamahal sa kung ano lang ang nakikita ng mga mata,” seryosong sabi ng Julian sa anak.
“Piliin mo ‘yong babaeng hindi ka iiwan kahit walang-wala ka na. Sa panahon ngayon, anak, madalang na lang makahanap ng babaeng mamahalin ka kahit walang marangyang kagamitin ka na maibibigay or maraming pera,” patuloy ni Julian habang seryosong nakikinig ang anak.
“Iyong babae na tutulungan kang umahon sa buhay at magiging inspirasyon mo para mas lalong magsikap. Dahil ang tunay na pagmamahal, anak, ay ‘yong kahit tinalikuran at sinubok kayo ng panahon at pagkakataon ay hindi niyo pa rin binibitawan at iniiwan ang isa’t isa,” dagdag ni Julian.
“Sa karangyaan ay maaari mo ngang makuha ang mga babaeng gusto mo. Pero, anak, sa oras ng kahirapan doon mo mahahanap ang babaeng kailangan mo,” wika ni Julian na tumayo na at niyaya na ang anak na si Nathaniel para magtungo na sa kusina at kumain.