Napakahilig sa paggamit ng online dating app ang dalagitang si Abigail. Simula nang ipakilala ng kaniyang kaibigang si Mary Dale ang paggamit nito. Halos maghapon na niyang hawak ang kaniyang selpon. Wala siyang ginawa kung ‘di mag “swipe left” kapag hindi niya gusto ang lalaki at “swipe right” naman kapag gusto niya. Marami na siyang nakatagpo at nakilalang lalaki dahil sa app na iyon.
Kaya naman inirekomenda niya ito sa kaniyang mommy. Matagal na itong biyuda at hindi na ulit nakapag-asawa. Ayaw nito. Mas inuna nito ang pagtatrabaho para sa kanilang magkakapatid. Napagtapos nito ng pag-aaral ang kaniyang Ate Vanessa. Ang Kuya Raymart naman niya ay malapit na ring magtapos sa kolehiyo. Siya naman ang bunso na nasa senior high school.
Minsan tinanong niya ang kaniyang mommy kung wala na ba itong balak mag-asawa.
“Matanda na ako, anak. Wala na akong planong mag-asawa. Bakit mo naman naitanong iyan? Gusto mo bang magkaroon ng bagong daddy?” tanong ng ina kay Abigail.
Umiling si Abigail. “Hindi naman sa ganoon, mom. Kaya lang sayang kasi. Hindi mo ba naisip na sayang naman ang beauty mo kung walang nakak”-appreciate?”
Totoo naman. Maganda pa rin ang kaniyang ina sa kabila ng edad.
Nilapitan si Abigail ng kaniyang Mommy at niyakap.
“Sapat na kayo para sa akin.”
Isang gabi walang magawa si Abigail. Isang plano ang kaniyang naisipan. Ireregister niya sa naturang app ang kaniyang mommy. Siya ang makikipag-usap. Kumuha siya ng mga magagandang larawan ng kaniyang mommy sa Facebook. Matapos makagawa ng account ay inupload naman niya ang mga nakuhang larawan. Sinimulan na nga niya ang paghahanap ng makakapareha ng kaniyang mommy gamit ang nilikhang account. Ilang swipe lamang at may naka-match na kaagad ito. Isang gwapong lalaking kasing edad ng kaniyang mommy. Batay sa profile nito ay isa itong negosyante.
Unang nagbigay ng mensahe ang lalaki na agad namang tinugunan ni Abigail sa punto de vista ng kaniyang mommy. Diego Ramirez ang pangalan ng lalaki. Single pa umano ito.
“Biyuda ako. I have three kids. Okay lang ba?” tanong ni Abigail. Sa isip-isip niya ay tiyak na pagagalitan siya ng kaniyang mommy kapag nalaman nito ang kaniyang ginagawa.
“That’s okay. I wanna know more about you, Belinda.” Belinda ang pangalan ng mommy ni Abigail.
Halos araw-araw at gabi-gabi kung magkausap sina Abigail at Diego. Walang kamalay-malay si Belinda sa ginagawa ng anak. Nalilibang naman sa kaniyang ginagawa si Abigail. Tumagal ang pag-uusap ng dalawa nang halos isang buwan hanggang sa magyaya ng meetup si Diego.
“Hindi puwede. Busy akong masyado sa mga anak ko,” tugon ni Abigail. Hindi siya maaaring makipagkita rito dahil mabubuko ang kaniyang kasinungalingan. Isa pa, tiyak na pagagalitan siya ng kaniyang mommy lalo na kung malalaman nitong ginamit niya ang mga larawan at katauhan nito sa isang dating app.
Umamin si Diego na nahuhulog na ang loob nito kay Belinda. Hindi na malaman ni Abigail ang kaniyang gagawin. Gusto niyang ipagtapat ang lahat sa kaniyang mommy subalit nagdadalawang-isip siya. Minabuti na lamang ni Abigail na i-deactivate ang ginawa niyang account dahil nakokonsensya na rin siya sa kaniyang mommy at sa kausap na si Diego.
Isang araw namasyal sa isang sikat na mall sa EDSA ang mag-ina. Habang nasa loob ng isang boutique isang ginang ang panay sulyap kay Belinda. Hanggang sa lumapit na ito sa kanila.
“Are you Belinda Rayos?” Seryosong tanong ng ginang. “Yes, I’m Belinda Rayos. Do I know you?” takang tanong ni Belinda.
Bigla na lamang nitong sinampal si Belinda.
Nagulat si Belinda at mas lalong nagulat si Abigail. Dinuro ng ginang si Belinda.
“Ikaw pala ang ka-chat ng asawa ko! Malandi ka! Matanda ka na pero maharot ka pa rin! For your information, I am Mrs. Zenaida Macaspac-Ramirez, the legal wife of Diego Ramirez na kinakalantari mo!” Galit na sabi ni Zenaida.
“Excuse me? Baka nagkakamali ka. I don’t use dating apps. Hindi ako gumagamit nun at hindi ko kilala ang Diego na asawa mo!” Galit na sabi ni Belinda.
Inilabas ni Zenaida ang kaniyang selpon at ipinakita kay Belinda ang screenshots ng mga usapan nila ni Diego maging ang profile picture ni Belinda sa dating app. Hindi makapaniwala si Belinda. Halos takasan naman ng ulirat si Abigail. Ito ang naging bunga ng kaniyang kalokohan at nadamay pa ang kaniyang mommy na inosente at walang kamalay-malay sa mga pangyayaring siya naman ang may kagagawan.
“Hindi ba ikaw iyan? O, ano? Magde-deny ka pa?” Halos iduldol ni Zenaida sa mukha ni Belinda ang selpon niya.
“I’m sure na poser iyan at hindi ako iyan. Huwag mo akong susundan kung ‘di idedemanda kita!” galit na sabi ni Belinda at hinila na si Abigail patungo sa kanilang kotse.
Pagdating sa bahay ay umiiyak na inamin ni Abigail ang kaniyang ginawang kalokohan. Sising-sisi siya kaniyang ginawa. Nagalit si Belinda subalit inunawa na lamang niya ang nagawa ng anak.
“Mommy, I’m so sorry. Sorry talaga. I did not expect na ganito ang mangyayari,” lumuluhang paghingi ng tawad ni Abigail kay Belinda.
“Darling, don’t do it again, okay? Hihingi tayo ng sorry sa pamilya ni Diego. Sasamahan kita,” Paniniguro ni Belinda sa anak.
Nang gabing iyon ay tumabi sa pagtulog si Abigail sa kaniyang mommy.
Nakipagkita sina Belinda at Abigail sa mag-asawang Diego at Zenaida. Ipinaliwanag nilang mag-ina ang mga nangyari. Humingi naman ng tawad si Zenaida sa ginawa niyang pananampal kay Belinda. Naging maayos naman ang lahat sa pagitan ng dalawang pamilya. Nangako naman si Abigail na hindi na niya uulitin ang kaniyang pagkakamali. Dineactivate na rin niya ang kaniyang sariling account sa naturang dating app.