Inday TrendingInday Trending
Ang Lola Kong Bungangera

Ang Lola Kong Bungangera

“Magsigising na nga kayo! Omel! Diyos ko, kang bata ka. Mag-iigib ka pa sa poso. Bumangon ka na riyan!”

Naputol ang magandang panaginip ni Omel dahil sa “alarm clock” na bibig ng kanilang Lola Rosing na itinuturing niyang “bungangera.” Balik na naman siya sa realidad.

“Heto na nga po, eh,” medyo iritableng sagot ni Omel. Kinuha niya ang dalawang timba upang pumila sa poso. Dalawang tao pa ang nakapila bago ang kaniyang turno.

Si Lola Rosing na yata ang pinakamasungit na lolang nakilala niya. Napakaaga nito kung gumising araw-araw. Gumagawa na ito ng mga gawaing-bahay at nagluluto ng panindang palitaw na ipinalalako sa kanilang kapitbahay. Ito na ang nagsilbing magulang nila ni Chelsea, ang kaniyang nakababatang kapatid. Nagtatrabaho sa ibang bansa ang kanilang ama habang ang nanay naman nila ay matagal nang pumanaw.

Aminado si Omel na malayo ang loob niya sa kanyang Lola Rosing. Isa siyang tipikal na tinedyer. Ayaw niya kasi na ang lahat ng kilos niya ay pinakikialaman. Lalo na ngayong nagbibinata na siya. Pakiramdam niya’y bata pa rin ang turing sa kaniya nito. Laging nasisita ang kaniyang mahabang pagtulog. Laging nasisita ang kaniyang pagbili ng mga damit at sapatos. Ayaw na ayaw din nito ang paggamit niya ng malaking headset kapag nakikinig siya sa mga kanta.

Minsan nakasagutan pa niya ito.

“Napakarami mo ng sapatos at damit. Bakit panay ang bili mo? Aba’y magtipid ka naman. Hindi biro ang pagpapagod ng tatay mo sa Dubai,” sermon ni Lola Rosing.

“Kailangan ko ho ito. Alangan naman pong kayo ang panay ang bili, eh, hindi naman kayo umaalis ng bahay. Tsaka hindi naman po ninyo pera ang pinambibili nito,” sagot ni Omel.

“Aba’t sumasagot ka na ngayon sa akin? Bastos kang bata ka. Ikaw lang naman ang inaalala ko. Matuto kang magtipid sa pera.”

Ang isa pang kinaaayawan ni Omel ay ipinamamalita kaagad ng kaniyang lola sa kanilang tatay ang mga nagaganap. Nagsusumbong ito. Pinagagalitan tuloy siya ng kaniyang tatay kapag tumatawag ito o kaya’y kapag kausap siya nito sa video call.

“Anak, huwag mo namang bigyan ng sama ng loob ang lola mo. Magpasalamat na lang tayo’t binabantayan niya kayo,” pangaral ng ama ni Omel.

“Pa, masyado kasi akong pinag-iinitan ni lola, eh. Wala naman akong ginagawang masama.”

“Mahal ka ng lola mo. Intindinhin mo na lang ang kasungitan niya. May edad na siya. Tsaka para sa kabutihan mo rin naman ang mga pangaral niya. Dapat ay pinakikinggan mo siya,” saad ng ama.

Isang umaga ay muling nagkasagutan sina Lola Rosing at Omel. Hindi kasi naghugas ng mga pinagkainan ang binatilyo. Inuna pa nito ang pakikipaglaro sa online games.

“Ano ka ba naman, Omel? Inuuna mo pa ang paglalaro. Puwede bang maghugas ka muna ng mga pinagkainan mo? Anong gusto mo? Ako pa ang maghuhugas?” sabi ni Lola Rosing. “Mamaya na lang ho,” sagot ni Omel.

“Wala nang mamaya. Sige ako na lang ang maghuhugas. Nakakahiya naman sa iyo,” saad ng matanda. “Sinabi nang mamaya na nga lang ho, eh!” pagalit na sabi ni Omel.

“Bakit ka nagagalit? At bakit ka sumisigaw?” tanong ng matanda. Sa sobrang inis ni Omel ay padabog niyang inihagis ang tablet sa sofa at umalis ng bahay.

Nagpalakad-lakad ang binata hanggang sa makarating sa bandang palengke. Nagpupuyos ang kaniyang damdamin. Gusto na niyang lumayas sa bahay. Paano kaya kung hilingin niya sa kaniyang papa na bumukod na lamang siya? Gusto niya siya lamang mag-isa at walang sisita sa lahat ng kaniyang mga ikikilos. Matutulog siya kung kailan niya gusto. Maglalaro siya ng online games maghapon at magdamag ng walang mga matang nakatingin sa kanya’t mga bibig na manenermon sa kaniya.

Habang naglalakad at nagmumuni-muni nakakita siya ng isang matandang babaeng halos kuba na at hindi na makalakad. Nakaupo ito sa kalye malapit sa isang poste. Namamalimos ito. Ngumiti ito sa kaniya at inilahad ang mga kamay.

“Pasensya na po. Wala po akong dalang pera,” sabi ni Omel.

“Kahit magkano lang, iho, pangkain lang,” sabi ng matanda.

Inaya ni Omel ang matanda na maupo. Kinapanayam niya ito.

“Bakit po kayo namamalimos, lola?”

“Wala kasing makain ang mga apo ko. Walang trabaho ang anak ko. Hirap na hirap sa buhay. Gusto kong makapag-uwi ng pagkain para sa kanila,” tugon ng matanda.

Naantig ang damdamin ni Omel. Naalala niya ang kanyang Lola Rosing. Ganoon din ito sa kanila. Kahit masungit ito mas inaalala pa rin nito ang kapakanan nila ni Chelsea. Kahit masakit ang katawan nito dahil sa rayuma tumatayo pa rin ito tuwing umaga upang asikasuhin silang magkapatid.

Sinamahan ni Omel ang matanda sa pag-uwi nito. Nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga apo nito. Ipinangako niya sa matanda na babalik siya’t bibigyan sila ng pagkain.

Pagbalik sa bahay ay niyakap ni Omel ang kaniyang Lola Rosing. Unang beses niya itong ginawa sa matanda. Niyakap din siya nito at hinalikan sa pisngi.

“Patawarin niyo po ako, lola. Patawad po kung naging matigas ang ulo ko. Patawad po kung nasasagot ko po kayo. Gusto ko pong sabihin sa inyo na nagpapasalamat po ako sa paggabay at pag-aalaga niyo sa amin ni Chelsea. Deserve niyo pong maalagaan at mahalin!” hinging paumanhin ni Omel.

Magmula noon ay lagi nang sinusunod at hindi na sinasagot ni Omel si Lola Rosing. Binabalikan din niya ang matandang nakilala na si Lola Carmen upang bigyan ito ng kaunting pagkain gayundin sa maliliit na mga apo nito hanggang sa mabalitaan niyang magtutungo na ang mga ito sa Iloilo dahil nakahanap na ng trabaho roon ang anak nito.

Napagtanto ni Omel na kailangang igalang ang mga lolo at lola sa pamilya dahil sa kanila nagmula ang lahat.

Advertisement