Magde-debut na si Claire subalit imbes na pagkasabik ang maramdaman niya ay tila nagdulot pa ito ng pagkabagabag sa kaniyang kalooban. Sinabihan na siya ng kaniyang mga kaibigan at kaklase na aasahan nilang imbitado sila sa kaniyang debut. Wala namang kaso sa gastusin. Ang totoo, kaya naman nilang magkaroon ng tradisyunal na party para sa isang debutante. Ang inaalala niya ay ang kaniyang Mama Renee.
Si Mama Renee ay ang kinalakhan nanay ng dalagita. Ang totoo niyan ay ito talaga ang biological niyang tatay. Noong hindi pa ito naglaladlad.
Kuwento nito ay nagkaroon muna ito ng relasyon sa nanay niya. Nabuntis niya ito. Nagkaanak sila. At siya nga ang bunga. Subalit namatay umano sa panganganak ang kaniyang nanay.
Si Rene na naging Renee ang tumayong tatay at nanay ni Claire. Kasabay nito ay ang paglaladlad ng tunay nitong seksuwalidad. Isang transgender woman ang tatay na nanay ng dalagita.
Wala pang nakakakilala sa Mama Renee ni Claire mula sa hanay ng mga kaklase nito. Ingat na ingat ito kapag nagpo-post ng litrato sa social media. Ayaw niyang makita ng mga ito kung anong klaseng tatay ang mayroon siya. Mas malaki pa ang boobs ng tatay niya kaysa sa kaniya. Retokada na kasi ito. Mahaba ang buhok at laging naka-makeup. Isa itong komedyante at impersonator sa isang comedy bar.
Ito pa mismo ang nagpaalala kay Claire na kailangan na nilang paghandaan ang debut party.
“Hindi ako papayag na wala akong pa-party sa aking unica hija! Ikaw kaya ang prinsesa ko!” sabi sa ni Mama Renee kay Claire habang sila ay nag-aalmusal.
“Huwag na lang po. I-cash mo na lang po kaya?” pabirong hirit ni Claire.
“Hindi! Hindi ako papayag, noh. Asikasuhin na natin ang lahat. Mamili ka na ng theme. Lahat ng detalye. Ako na ang bahala diyan.”
Mahal ni Claire ang kaniyang Mama Renee. Pero aminado siyang ikinahihiya niya ito. Hindi niya kasi alam kung anong magiging reaksyon ng kaniyang mga kaklase at kaibigan kung malalaman ng mga ito na isang transgender ang kaniyang tatay.
May hugot dito si Claire. Natatandaan niya nung dumalo sa kanilang PTA meeting si Mama Renee noong siya ay elementarya pa lamang ay pinagtitinginan silang dalawa ng mga tao. Lalo na ng kaniyang mga kaklase. Hiyang-hiya noon si Claire. Dumating pa sa puntong napaaway pa siya dahil tinutukso ng ilang mga kaklase ang kaniyang Mama Renee.
Bihirang-bihira din kung lumabas ng bahay na magkasama sina Claire at ang kaniyang Mama Renee. Iniiwasan din itong mangyari ni Claire.
Isang masipag na magulang si Mama Renee. Ginawa nito ang lahat upang maibigay kay Claire ang mga pangunahing pangangailangan nito. Hindi niya malilimutan nang sabihin sa kaniya ng anak na dinatnan na siya. Agad na bumili ng pasador si Mama Renee at inalalayan ang anak. Hindi rin ito natutulog tuwing may sakit si Claire. Kapag may nanliligaw sa dalagita ay todo ang payo nito na maging matalino sa pagpili ng lalaking mamahalin.
Sanay na si Claire na madaling-araw na kung umuwi ang kaniyang Mama Renee dahil sa trabaho nito. Tulog na rin siya pagdating nito. Ngunit isang madaling-araw ay hindi makatulog si Claire. Inaalala niya ang kaniyang debut. Nagdadalawang-isip siya kung itutuloy ba ito o hindi.
Narinig niyang dumating ang kaniyang Mama Renee at may kasama itong kasamahan sa trabaho. Nag-uusap ang mga ito. Pinakinggan niya ang usapan.
“Alam mo, mars, ramdam ko naman. Ikinahihiya ako ng anak ko dahil ganito ako.”
Nakilala ni Claire ang tinig ng kaniyang Mama Renee. May kung anong kurot sa puso ang kaniyang naramdaman sa sinabi ng kaniyang Mama Renee.
“Baka hindi naman. Huwag kang nega, mars! Hindi ka ikahihiya ng anak mo. Sa ganda mong ‘yan?” sabi naman ng kaibigan ni Mama Renee na tinatawag nitong “mars” o mare.
“Iyon na nga. Trulalu at walang halong eklavu. Sa ganda kong ito ikinahihiya niya ako. Napawarla na kasi ang lola mo dati noong bagets pa siya dahil sa akin. Kahit wala siyang ispluk sa akin alam ko naman na ayaw niya akong masight sung ng mga friends niya. Kaya nga ako na mismo ang lumalayo. Hindi ko na siya inuusisa kung bakit hindi ako umaattend sa mga ganap niya sa school,” may himig pagpapatawa si Mama Renee subalit mababakas ang kalungkutan sa kaniyang tinig. Hindi kumibo ang kausap nito.
“Mahirap din ang sitwasyon nating mga beks, noh? Pero alam mo super duper pinagmamalaki ko iyong junakis ko na iyan. Tignan mo naman kung kanino nagmana ng kagandahan. Sa akin, ‘di ba? At least kahit mawala ako may mapagsasalinan ako ng kagandahan. Mahal na mahal ko ‘yon,” pagpapatuloy ni Mama Renee.
Hindi na napigilan ni Claire ang pagbuhos ng kaniyang emosyon. Bumuhos ang kaniyang mga luha. Lumabas siya sa kaniyang kwarto at niyakap ang kaniyang Mama Renee.
“Ay, may dramarama sa madaling-araw, beks? Exit muna ako, ah,” paalam ng kaibigan ni Mama Renee.
“Mama, patawarin mo ako. Patawarin mo ako kung ikinahihiya kita. Pero maniwala ka sa akin. Mahal na mahal kita! Salamat po sa pagmamahal. Hindi dapat kita ikinahihiya! Isa kang dakilang magulang sa akin!” sabi ni Claire at niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang Mama Renee.
Dumating ang debut party ni Claire. Ginanap ito sa isang resort. Dumalo ang kaniyang mga kaibigan at kaklase. Napakaganda ni Claire sa suot niyang gown. Ang kaniyang Mama Renee mismo ang nag-ayos sa kaniya. Ipinagmalaki niya sa lahat ang kaniyang Mama Renee.
“Ladies and gentlemen, gusto ko pong ipakilala sa inyo ang aking nanay at tatay, ang aking napakasipag na si Mama Renee!” wika ni Claire.
Nagpalakpakan ang kaniyang mga kaibigan at kaklase. Kabaliktaran sa inaasahan ni Claire humanga ang kaniyang mga kaibigan at kaklase sa kaniyang Mama Renee. Napag-isip-isip ni Claire na hindi niya ito dapat ikahiya dahil wala sa kasarian ang batayan ng pagiging isang mabuting magulang at mabuting tao.