
Kahit na Alam nang Mali, Pinili Pa rin ng Babae na Maging Isang Kabit; Grabeng Aral ang Natutunan Niya nang Tamaan ng Karma
Taong 2016 nang magtrabaho si Liezel bilang receptionist sa isang hotel sa Pasay. Maayos pa noon ang buhay nila ng kanyang asawa kasama ang isang anak. Pero hindi rin nagtagal, sumuong sila sa matitindi at mabibigat na problema.
“Hello. Nasaan ka na? Bakit hindi ka pa nakakarating?” tanong ni Liezel sa asawa.
“Ah, e, hindi muna ako makakauwi ngayon. Marami pa kasi akong inaasikaso sa trabaho,” tugon naman ng mister.
Madalas nang hindi umuuwi ang asawang lalaki sa kanilang bahay. Nalaman na lamang niya na may inuuwian na pala itong ibang babae at doon na dinadala ang mga kinikitang pera.
Naghiwalay ang dalawa. Bagama’t hindi pa kasal kaya ganoon na lamang kabilis silang iwan ng lalaki. Kasabay noon, nag-umpisa na rin silang malubog sa utang.
Naputulan na sila ng internet at kuryente. ‘Di na rin nila magawang makabayad ng renta. Pati ang anak ay wala na ring makain. Isang beses nakita niya kumakain ang anak na palaman sa tinapay ang ulam.
“Anong kinakain mo, anak?”
“Mayonnaise po, mama. Pero busog na po ako,” nakangiting sabi pa ng bata.
Halos madurog ang puso ni Liezel sa sobrang awa sa anak. Ilang araw na rin siyang hindi makapasok sa trabaho dahil walang pamasahe na magamit.
Dahil sa sitwasyon, sinubukan niyang dumiskarte ng pera. Sinubukan niyang gumawa ng online show para sa mga foreigner na ka-chat. Ipinapakita niya ang maseselang bahagi ng katawan kapalit ng pangakong pera.
May isang nangako sa kaniya na magpapadala daw na malaking halaga, kapalit nito ay gagawin niya ang naisin ng foreigner sa camera.
Isinama pa niya ang anak papuntang remittance center upang kunin sana ang pangakong halaga. Pero labis ang pagsisisi niya nang mapagtantong niloko lamang pala siya nito.
Mangiyak-ngiyak siyang umuwi ng bahay. Wala na siyang ibang pagpipilian kundi ibenta ang mga appliances at ibang natitirang gamit.
“Liezel, anong nangyayari? Bakit hindi ka na nakakapagreport sa work?” tanong ng boss ni Liezel.
“Ang totoo po kasi niyan ma’am, wala po akong maipamasahe,” pag-amin ng babae.
Ipinagtapat ni Liezel ang totoo at sa kabutihang palad, pinahiram siya ng maliit na halaga ng kaniyang boss. Bahagya silang nakaraos sa pagsubok na iyon.
Taong 2017, nakakilala siya ng lalaking akala niya ay makakaramay niya sa buhay, si Ferdie. Pero ang masakit noon, nalaman niyang may sabit pala ito.
“May asawa ako Liezel, pero ayokong mawala ka. Mahal kasi kita,” sabi ng lalaki.
“Mahal din kita, Ferdie. Okay lang kahit pangalawa lang ako. Ang mahalaga, makasama kita.”
Itinuloy pa rin ni Liezel ang pakikipagrelasyon kahit alam niyang mali na. Lahat ng kaibigan niya ay nagagalit na rin dahil hindi niya magawang sundin ang payo ng mga ito.
“Ano ka ba naman Liezel?! Nag-iisip ka pa ba? Bakit ba pilit kang sumisiksik sa lalaking may asawa na?” galit na bulyaw ng kaibigan.
“Mahal ko siya at kailangan ko siya. Bakit ba hindi ninyo maintindihan iyon?” tugon naman ng babae.
“Para kang kabayo na may takip sa mata dahil wala ka nang ibang nakikita. Halos lahat ng atensyon mo ibinuhos mo na lang diyan sa partner mo at sa lihim niyong pag-iibigan!” saad pa ng galit na kaibigan.
Dumating rin siya sa punto na napabayaan na niya ang ibang importanteng tao sa buhay niya. Napabayaan niya ang anak at nakalimot na rin tumawag sa Diyos. Doon nagsimulang yanigin ng tadhana ang inaakala niyang magandang buhay. Natuklasan ng misis ni Ferdie ang kanilang lihim na relasyon.
“Kilala kita, Liezel. Ikaw ang kalaguyo ng asawa ko ‘di ba?” tanong ng asawa ni Ferdie nang minsan siyang sugsugin sa labas ng trabaho.
“H-hindi ko alam ang sinasabi mo,” pagtanggi pa ni Liezel.
“’Wag na tayong maglokohan rito. Alam naman natin ang totoo. Isa lang naman ang pinunta ko rito… layuan mo ang asawa ko!
Buntis ako. Babae ka rin kaya sana naiintindihan mo ako. Maayos pa kitang kinakausap ngayon, pero pag nalaman kong umaaligid ka pa rin sa asawa ko, hindi ako magkakamaling balatan ka ng buhay,” mataray na pahayag ng babae.
Naging masalimuot ang buhay ni Liezel simula noon. Kahit na kinompronta na ng tunay na asawa, pinili pa rin niyang manatili sa piling ng karelasyon. Pero napakasakit na para siyang nanlilimos ng oras. Mas madalas na kasing wala ang lalaki upang alagaan ang buntis na asawa. Wala naman kasi siyang karapatan dahil hamak na kabit lamang siya.
“Gusto ko na sanang kumalas, Liezel. Para sa asawa ko at magiging anak namin. Gusto ko nang itama ang naging pagkakamali ko. Patawarin mo sana ako. Tapos na tayo…” pahayag ng lalaki.
Tumango na lamang si Liezel. Napakasakit man pero wala siyang magagawa kundi tanggapin. Ilang araw pa ang lumipas, nalaman niyang buntis rin pala siya. Pero dahil sa sobrang stress na pinagdaanan, nalaglag ang bata.
‘Di na niya alam ang gagawin. Gusto na niyang maglaho na lamang sa mundo pero nakita niya ang anak. Kaya kahit na lugmok na lugmok na, pinipilit pa rin niyang lumaban para rito.
“Panginoon, napakalaki ng pagkakasala ko sa’yo at sa mga tao sa paligid ko. Patawarin sana Ninyo ako. Ayoko na ng ganitong buhay. Ayoko nang makasakit. Pagod na pagod na po ako.
Ikaw na ang bahala Panginoon ko. Sa’yo ko na ipinagkakatiwala ang lahat…” taimtim na dalangin ni Liezel habang umiiyak.
Hanggang ngayon pilit na lumalaban si Liezel upang maitama ang mga pagkakamali. Sa mga oras na nalulungkot, sa Diyos siya dumudulog. Ang Diyos ang kaniyang naging takbuhan at sandigan.
Magmula noon, nagkaroon ng malaking pagbabago sa buhay ni Liezel. Na-promote siya sa trabaho at tumaas rin ang sahod. Nakabayad siya sa mga pinagkakautangan at namuhay nang maginhawa.
Naging napakalaking aral sa kaniya ang nangyari sa buhay. Minsan ang pagmamahal na hinahanap natin ay hindi natatagpuan sa mundong ibabaw, dahil madalas ang kakulangan na ating nadarama ay nakakamit lamang sa pagbabalik loob at pagtitiwala sa Diyos.