
Mahal na Mahal ng Lalaki ang Kaniyang Anak; Hindi Siya Makapaniwala sa Tingin Nito sa Kaniya
“Oy, mauna na ako ha? Susunduin ko pa kasi ngayon ang anak ko at ipapasyal ko pa siya,” paalam ni Jomar sa kaniyang mga katrabaho.
“Ay sir, hindi ka ba mag o-overtime ngayon? Akala ko pa naman ay may kasama ako ngayong magpaka-martyr para sa kompanya natin. Iiwan mo naman pala ako,” kunwaring nagtatampong sabi ni Mika sa kaniya. Bagong hire lamang ang dalaga at siya ang nagsilbing trainer nito sa trabaho kaya naman malapit ang dalawa sa isa’t isa.
“Oo eh, pasensiya ka na at may daddy duty ako ngayon. Bukas nalang kita sasamahan kung mag kinakailangan mo uling mag-overtime,” sagot niya sa dalaga habang inaayos ang kaniyang mga gamit sa kaniyang desk.
“Biro lang naman po, sir. Kayo naman po napaka seryoso, paki-hi niyo na lang po ako kay Jerry,” nakangiting sagot sa kaniya ng dalaga at muli nang humarap sa sariling computer para magtrabaho. Siguradong gabi na naman ang uwi ng mga ito.
Pagkatapos ayusin ang kaniyang mga gamit ay agad din umalis na sa opisina nila si Jomar at nagtungo sa paaralan ng kaniyang nag-iisang anak na si Jerry.
Pagkarating niya ay nasa agad niya din namang nakita ang kaniyang anak na naka-upo sa waiting area kung saan naghihintay ang mga bata sa kanilang sundo. Agad niya din naman nilapitan ang anak na sinalubong siya ng yakap. Napaka-sweet na bata talaga ni Jerry, kaya naman mahal na mahal niya ang kaniyang anak.
“O, anak, kanina ka pa ba naghihintay kay daddy?” tanong niya sa anak. Umiling naman ito bilang sagot. Hindi kasi talaga madaldal na bata si Jerry.
“Saan mo gustong pumunta, anak?” tanong niya ulit sa anak.
“Mall!” masiglang sagot nito habang tumatalon-talon pa. Halatang hinintay talaga ng anak niya ang date nilang mag-ama. Napangiti naman siya sa anak. Mukhang masaya naman ang anak niya. Isang bagay na labis na ipinagpapasalamat niya ng lubos.
Masayang namasyal ang mag-ama. Kumain muna sila sa labas, nagpunta sa malapit na park, nag-shopping at siyempre naglaro sa Timezone. Pagkauwi nilang dalawa ay pareho silang bagsak sa pagod. Masyado atang nag-enjoy ang mag-ama.
“Nakauwi na pala kayo. Mukhang napagod kayo sa date niyong dalawa ha?” komento ng babae habang nakatingin sa kanila ni Jerry.
“Kaya nga po eh. At least po nag-enjoy ng sobra si Jerry,” nakangiti niyang sagot sa babae. Si Aling Marie ang yaya ni Jerry. Ito rin ang naging yaya niya noong maliit na bata pa lamang siya hanggang sa nagbinata na siya. Parang pangalawang ina niya na rin ang matanda kaya naman lubos ang tiwala niya rito.
“Kung sana lang ay nabubuhay pa si Aileen. Tiyak na mas masaya ang pamilya niyo,” malungkot na komento ng matanda.
Si Aileen ang ina ni Jerry at asawa niya. Sumakabilang buhay ito matapos manganak kay Jerry. Mahina kasi ang katawan ng kaniyang asawa at hindi nito nakayanan ang panganganak at binawian ng buhay ilang sandali lamang matapos maipanganak ang kanilang anak.
Napatingin siya sa nakatulog nang anak at marahang hinimas ang buhok nito.
“Pangako kong aalagaan at mamahalin kita ng lubos. Alam kong kailanman ay hindi papantay ang pagmamahal ko sa ina mo pero gagawin ko ang best ko para sa’yo anak,” pangako niya sa natutulog na anak at hinagkan ito sa noo.
Sampung taon na ang lumipas at binata na si Jerry. Nasa high school na ito at malapit na ring magtapos at aapak na nang kolehiyo.
Pumunta siya sa eskwelahan ng anak para sorpresahin sana ito. Matagal-tagal na rin nung huling lumabas ilang mag-ama kaya naman medyo nasasabik siyang makita ang reaksyon ng anak.
Halos wala na kasi siyang oras para sa anak nitong huli dahil sa dami ng kaniyang tambak na trabaho. Lalo na kasi at kaka-promote lang sa kaniya ng boss niya sa trabaho.
Tatawagin niya na sana si Jerry ng marinig niya ang usapan nila ng mga kaklase nito.
“Oy Jerry, totoo bang b*kla ang daddy mo? Sabi ng daddy ko kasi huwag akong makipagkaibigan sa’yo dahil baka b*kla ka rin,” natatawang sabi ng isang kaklase ng anak. Susugod na sana si Jomar sa narinig pero napahinto siya dahil nagsalita si Jerry.
“Oo. B*kla nga ang daddy ko, but that doesn’t make him any less than your dad. In fact, that makes him more than your dad. Siya ang tumatayo kong mommy at daddy. Mabait siya, masipag at mapagmahal. Mabuting tao ang daddy ko. Kaya kung ayaw mo akong maging kaibigan dahil b*kla ang daddy, ayaw naman kitang maging kaibigan dahil mapanghusga ka at ang daddy mo. Hindi kita kailangan sa buhay ko,” sagot ni Jerry sa kaklase nitong natameme sa reaksyon ni Jerry.
“And just so you know, proud ako sa daddy ko. He is a great dad,” dugtong pa nito bago iniwan ang kaklaseng natameme sa narinig.
Napaluha naman si Jomar sa kaniyang narinig. Hindi siya makapaniwala na may harap-harapang nangungutya sa kaniyang kasarian sa mga kaklase at mga magulang nito sa kaniyang anak. Pero mas hindi siya makapaniwala sa narinig sa anak. Sobra siyang nagpapasalamat sa Diyos at sa kaniyang namayapang asawa na si Jerry ang ibinigay na anak sa kaniya.