Inday TrendingInday Trending
Dahil Hindi Magawang Isuko ang Pagkababae, Ipinagpalit Siya ng Nobyo sa Iba; Naging Isang Malaking Pagpapala Pala ang Pangyayaring Iyon

Dahil Hindi Magawang Isuko ang Pagkababae, Ipinagpalit Siya ng Nobyo sa Iba; Naging Isang Malaking Pagpapala Pala ang Pangyayaring Iyon

Halos apat na taon nang magkasintahan sina Julie at Gerard. Nagkakilala sila noong kolehiyo at mas naging malalim pa ang relasyon sa mga lumipas na taon.

Maayos si Gerard, gwapo at responsable, iyon nga lang, sadyang minsan ay nagtatalo silang magkasintahan kapag napag-uusapan ang tungkol sa pakikipagtal*k.

Nais sana ni Gerard na makuha ang isang bagay kay Julie. Pero hindi magawang ibigay ng babae dahil hindi pa siya handa.

“Babe, mag four years naman na tayo e. Sigurado ka naman na sa’kin ‘di ba? Baka pwede na natin subukan?” tanong ng lalaki.

“Babe naman e. Napag-usapan na natin ‘to hindi ba? Gusto ko sana pagkatapos na ng kasal ang bagay na iyon.”

“Akala ko ba mahal mo ako? Akala ko ba gusto mo akong makasama habambuhay? Bakit ba hindi mo magawang isuko sa akin ang sarili mo?”

“Hindi pa kasi ako handa. At saka alam mo naman na Kristiyano ako. Gusto kong puro ako na haharap sa altar sa Panginoon kapag ikinasal,” paliwanag naman ng babae.

“Tsss. Kristiyano… lagi na lang ganyan. Wala ka atang tiwala sa’kin e. Kung mahal mo ako, pagbibigyan mo ako.”

Parati na lang sa ganoon nauuwi ang kanilang usapan. Ilang beses kada linggo kung magtalo sila tungkol sa bagay na iyon.

Minsan, inaya ni Gerard si Julie na mag outing. Pero ang hindi alam ng babae, may maitim na plano pala ang lalaki.

“Mag-overnight pala tayo dito ngayon. Yun kasi yung napareserve ko,” saad ng binata.

“M-magsasama tayo sa iisang kama?” gulat na tanong ng dalaga.

“Magkasintahan naman tayo ‘di ba? Doon din naman ang punta natin.”

Nakaramdam ng kaunting pagkailang ang dalaga. Natunugan na niya ang balak ng nobyo. Kaya’t labis ang pangamba niya noong araw na iyon.

“Panginoon, ‘wag ninyo po nawa akong pabayaan…” sambit na panalangin ni Julie.

Inubos nila ang buong maghapon paglangoy at pagpapakasaya sa resort na kanilang pinuntahan. Uminom rin noon si Gerard ng ilang bote ng alak. Dahilan para lalong mangamba si Julie.

Medyo lasing na si Gerard nang ayain na niya sa kwarto ang kasintahan. Nang makapasok na, siniil niya bigla ng halik ang babae.

“Mahal kita, babe…” at saka muling humalik.

Nagiging mainit na ang tagpo at gumagala na kung saan-saan ang mga kamay ng binata kaya kumalas si Julie.

“T-teka… mali na ito, babe. Hindi na tama. Itigil muna natin ha?” pakiusap naman ng dalaga.

“Mahal mo ako, ‘di ba? Kung mahal mo akong talaga, isuko mo sa akin ang pagkababae mo ngayon!” paghahamon naman ng lalaki.

“Kung mahal mo ako, irerespeto mo ako, Gerard! Irerespeto mo yung gusto ko!” diin naman ng babae.

Dahil may presensya na ng alak sa katawan, malakas ang loob na itinulak ng lalaki ang kasintahan sa kama. Hinawkaan nito ang mga kamay ng babae upang hindi makapanlaban.

“Gerard, please, ‘wag!” iyak ni Julie. “Gerard, ano ba?!”

Inipon ng babae ang kaniyang lakas at saka itinulak ang nobyo. Nagmadali siyang tumakbo palabas ng kwarto. Hindi sinasadya namang mabangga niya ang isang lalaki.

“Okay ka lang ba, miss?” tanong ng lalaki sa kaniya.

Hindi makaimik si Julie dahil nanginginig pa sa takot sa naganap.

“Julie, sandali!” sigaw naman ni Gerard na tumatakbo papalapit.

“Ginugulo ka ba nito, miss?” tanong muli ng lalaki.

“Hoy, ‘wag kang makialam dito ha?” bastos na sabi naman ni Gerard.

Bago pa man muling makapagsalita si Gerard ay inupakan na agad ito ng suntok ng lalaking kaharap. Bumulagta sa sahig at nakatulog si Gerard sa lakas ng pagkakasuntok.

Umaga na nang magising ang lalaki. Wala na rin sa resort si Julie dahil inihatid daw ito noong gabi rin sa kanilang bahay.

Lumipas pa ang mga araw, hindi nagparamdam si Gerard kay Julie. Medyo nabahala ang dalaga kaya’t minabuti niyang kausapin ito upang maayos ang gusot na nangyari.

Pumunta siya sa apartment ng binata ngunit laking surpresa niya sa nadatnan. Nakikipagsi*ping ang lalaki sa ibang babae!

“Anong ibig sabihin nito?!” tanong ng dalaga.

“Anong ginagawa mo rito? Hindi ka ba tinuruan na kumatok?” bulyaw naman ng lalaki.

“Nakita ko kasi ang ginagawa ninyo sa mula sa labas na bintana. Bakit Gerard? Bakit mo nagawa ito?”

“Ikaw ang may kasalanan, Julie! Kung hindi ka sana nagpapakipot pa, e ‘di sana hindi tayo hahantong sa ganito! Kasalanan mo ‘to! Kung pinagbigyan mo lang sana ako noon,” paninisi pa ng lalaki.

Napag-alaman pa ni Julie na sa tuwing tatanggihan pala niya ang dating kasintahan noon ay nakikipagkita ito sa iba at doon ibinubuhos ang init ng katawan.

Nagtungo si Julie sa simbahan at doon umiyak nang umiyak. May tumabi sa kaniya at nag-abot ng isang balot ng tissue. Nagulat siya nang makita kung sino ito.

“I-ikaw yung lalaki sa resort noong nakaraan ‘di ba?”

“Ako nga… ang liit naman ng mundo. Isipin mo, nagkita ulit tayo rito?” tugon naman ng lalaki. “Bakit umiiyak ka? Dahil ba sa lalaking kasama mo noong nakaraan?”

Ikinuwento ni Julie ang lahat ng nangyari. Magaling naman makinig ang lalaki kaya’t mabilis gumaan ang pakiramdam ni Julie. Nagkapalitan sila ng kwento at napag-alaman ng dalaga na ang lalaki pala ang may-ari ng resort na pinuntahan nila noon.

“Alam mo, sapat ka na. Sobra-sobra ka pa sa sapat. Sadyang hindi lang marunong makontento iyong ex-boyfriend mo. Pero magiging maayos ka rin. Natutuwa ako kasi alam mo yung halaga mo bilang babae. Hindi siya karapatdapat para sa’yo. You deserve better,” wika ng lalaki.

“S-salamat. Gumaan ang pakiramdam ko kahit papaano,” pasasalamat naman ni Julie.

“I’m Andrew by the way.”

“Julie…” at saka nagkamayan ang dalawa.

Hindi doon natapos ang pagkikita ng dalawa. Nasundan pa ito nang nasundan. Kung minsan ay dumadalo sila sa bible study at mga worship service.

Kristiyano at maka-Diyos din kasi si Andrew kaya naging magaan agad ang loob nila sa isa’t isa. Binata naman din ito kaya wala silang naging problema.

Hindi naman naglaon, nagtapat ng pag-ibig ang binata. Hinintay niyang maghilom ang puso ni Julie bago niya ito ligawan. Nag-intay man ng medyo matagal, nakamit din naman niya ang matamis na “oo” ng dalaga.

Pagkalipas ng dalawang taon, ikinasal sila sa simbahan kung saan sila nagkita at nagkausap noon. Walang pagsisi si Julie na ikinasal siya kay Andrew. Napakabait kasi nito, pasensiyoso at talagang malapit sa puso ang Diyos.

Ngayon ay masayang nagsasama ang mag-asawa kasama ang kanilang dalawang anak. Pakatandaan na ang pagmamahal ay hindi nasusukat sa haba ng panahon na kasama natin ang isang tao, kundi sa kung paano nila tayo igalang at irespeto.

Advertisement