Inday TrendingInday Trending
Tanging Lumang Bahay Lamang ang Pamana sa Bunsong Nanatili sa Kanilang Tabi; Isang Lagusan Pala ang Maghahatid sa Kaniya sa Tunay na Pamana

Tanging Lumang Bahay Lamang ang Pamana sa Bunsong Nanatili sa Kanilang Tabi; Isang Lagusan Pala ang Maghahatid sa Kaniya sa Tunay na Pamana

Masama ang loob ni Peter sa kaniyang kapatid na si Charles. Paano ba naman kasi ay matapos niyang makuha ang kalahati ng mamanahin niya mula sa mga magulang habang buhay pa ang mga ito ay tuluyan na niyang nilisan ang kaniyang pamilya. Ngayon na wala na ang mga magulang nila ay muling nagbabalik ang nakatatandang kapatid upang kuhain umano ang dapat para sa kaniya.

“Hindi ba nagmamalaki ka pa noon na kahit kailan ay hindi ka na babalik dahil nakuha mo na ang para sa iyo? Wala akong pakialam sa yaman na maiiwan ng mg a magulang natin, kuya. Pero mahiya ka naman! Matagal mo na silang tinalikuran,” sambit ni Peter sa kaniyang kapatid.

“Bakit, Peter? Gusto mo lamang yata na masolo ang kayamanan ng mga magulang natin!” saad ni Charles.

“Baka nakakalimutan mo ang mga magulang natin mismo ang nagpasya na sa akin ibigay ang lahat ng iyan. Nandito lang ako para kuhain kung ano ang sa akin,” dagdag pa ng nakakatandang kapatid.

Iyon ang hindi maintindihan ni Peter sa kaniyang mga magulang. Sa kabila ng ginawa ng kaniyang kuya sa kanilang pamilya ay nagawa pa ring ibigay ng mga mgaulang ang lahat ng pagmamay-ari dito. At ang tanging iniwan lamang sa kaniya ay ang lumang bahay na kanilang tinitirhan.

“Ang gusto ko lang naman ay huwag mong talikuran ang ala-ala ng mga magulang natin dahil hanggang sa huli ay ikaw pa rin ang iniisip nila! Ni hindi mo pinapahalagahan ang naiwan nila. Nilulustay mo lang ng walang kapararakan!” sumbat ni Peter.

“Sige na! Tama na ang dada mo! Naiinggit ka lang kasi kahit ikaw ang masunurin at matiyaga at mabait na anak na nanatili sa kanilang tabi ay sa akin pa rin iniwan ang lahat ng kayamanan nila. Kawawa ka naman at ang tanging bulok na bahay na ito ang maiiwan sa’yo!” pangungutya ng panganay.

Hindi itinatanggi ni Peter na kahit paano ay may sama siya ng loob sa kaniyang mga magulang. Alam kasi niya kung saan dadalhin ng kapatid ang yaman na naiwan dito. Alam niyang mapupunta lamang sa wala ang lahat ng kanilang pinaghirapan. Ngunit mas nangingibabaw pa rin ang lungkot ng binata sapagkat kahit kailan ay hindi na niya makakasama pang muli ang kaniyang ama at ina.

Hindi pa naililibing ang mga magulang nila ay agad na inasikaso ni Charles ang lahat para maisalin na sa kaniyang pangalan ang lahat. Kinuha niya ang mga alahas ng kaniyang yumaong magulang. Sa kaniya na rin ang mga sasakyan at ang pera sa bangko. Nang masiguro niyang pagmamay-ari na niyang lahat ay nawala na naman ito na parang bula.

Isang araw ay nabalitaan na lamang ni Peter na nabenta na ng kaniyang kuya ang mga nakuha nitong ari-arian. At patuloy itong nabubuhay ng marangya habang siya ay pilit na nakikipagsapalaran sa buhay.

Dahil nakatapos naman ng pag-aaral si Peter ay kahit paan’y meron siyang magandang trabaho. Namumuhay siya ng simple at mag-isa.

Isang araw ay nagtagpo muli ang landas ng magkapatid. Sa pagkakataong ito ay nakita ni Peter kung paano lustayin ni Charles ang lahat ng nakuha nitong yamansa babae at sa mga bagay na walang kapararakan.

“Tumabi ka nga! Hahara-hara ka sa daanan ko, baka mamaya’y marumihan mo pa ang mamahalin kong damit!” sita ni Charles sa kapatid.

“Puro pagpapasarap na lang ba talaga ang alam mong gawin? Ni hindi ka man lamang nagbabang luksa para sa mga magulang natin!” wika ni Peter.

“Babe, tara na! Kilala mo ba ang lalaking ‘yan?” tawag ng kasamang babae ni Charles sa kaniya. Doon ay itinatwa niya ang sariling kapatid.

“Hindi ko kilala ang lalaking ito. Tignan mo nga kung gaano kalaki ang pagkakaiba namin!” tugon niya sa babae.

Umuwi si Peter na mabigat ang dibdib. Mas nadagdagan pa ito ng nilibot niya ang mata sa kanilang bahay at nakita kung gaano na ito kaluma.

Habang pinagmamasdan ang bahay at sinasariwa ang mga ala-ala ng kanilang mga magulang ay napansin ni Peter ang nakauwang na tukador. Agad niya itong nilapitan upang ayusin ngunit sa kaniyang pagtataka ay iniurong niya ito. Lubusan siyang nagulat ng makita ang isang lagusan.

Bata pa lamang siya ay dito na sila nakatira ng kaniyang pamilya ngunit noon lang niya nakita ang lagusan na ito. Takot man sa kung saan siya dadalhin ng lagusan ay agad niya itong tinunton.

Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Doon ay nakita niya ang iba pang alahas, salapi at mga titulo na nakapangalan sa kaniya.

Napaluha na lamang siya ng mabasa ang liham na naiwan ng kaniyang ama.

Ang lahat ng ito ay para sa iyo. Alam namin na kapag nalaman ng kapatid mo ang tungkol dito ay maging ito ay kukuhain niya sa iyo. Isang pagpapasalamat ito sa mga panahon na imbis na kami ang nag-aalaga sa iyo ay ikaw ang nag-aalaga sa amin. Hindi namin makakalimutan ng iyong ina ang iyong lubusang pagkalinga at pagmamahal. Alam naming gagamitin mo ang lahat ng ito sa tama.

Walang hanggang pagmamahal,

Mama at Papa.

Hanggang sa huli ay hindi siya pinabayaan ng kaniyang mga magulang.

“Mas masarap sanang matamasa ang lahat ng ito kung kasama ko pa kayo,” bulong niya habang yakap yakap ang liham ng mga magulang.

Tinupad ni Peter ang kaniyang mga pangako sa mga ito. Pinagyabong niya ang lahat ng naiwan sa kaniya at ginamit niya ito sa tama.

Habang patuloy siya sa kaniyang pag-unlad ay tuluyan namang pagkaubos ng yaman ng kaniyang nakakatandang kapatid at tuluyan na itong naghirap. Dahil na rin sa kabutihan ng loob ni Peter ay hindi niya pa rin nagawang pagkaitan ang kaniyang kuya. Ngunit kailangang paghirapan ni Charles ang lahat upang matuto siya sa buhay.

Advertisement